Rowie's Hero

9K 159 28
                                    

CHAPTER 2

"DITO KA lang muna," paanas sabi kay Rowie ng lalaking nagdala sa kanya palayo sa naghuhuramentadong gunman sa labas ng pet shop. Huminto na ang mga putok, ngunit hindi nila alam kung ano na ang kasalukuyang sitwasyon doon ngayon. "Titingnan ko kung safe na sa labas."
Hindi magawang sumagot ni Rowie. Nagpabikig sa kanya ang magkahalong nerbiyos at pagkagulat na makitang ang hinahanap niyang lalaki ay siya pa palang magliligtas sa kanya sa nakabibigla at nakagigimbal na insidente.
Bumangon ang lalaki at pauklo na naglakad patungo sa gilid ng pet shop.
Sinundan niya ito ng tingin. Hindi siya halos humihinga. Alam niyang nanganganib ang buhay nito kung susubukan nitong komprontahin o labanan ang gunman. Wala itong hawak kahit isang armas.
Dumikit ito sa dingding at maingat na lumakad patungo sa loob ng rollup door sa tagiliran.
Lalo na siyang hindi makahinga nang mawala na ito sa paningin niya.
May dalawang minuto yata itong nasa loob bago niya ito muling nakitang lumabas. Kasama na nito ang payat na lalaking tinawag nitong James kanina. Ngunit hindi pa nakakalayo roon ang dalawa ay may umalingawngaw na namang mga putok ng baril. Mabilis na dumapa ang mga ito. Naihawak naman niya ang mga palad niya sa kanyang ulo sabay pikit.
Ano ba itong nasuotan ko? Bibili lang ako ng tulugan ng pusa pero mukhang ako ang panghabangbuhay nang makakatulog sa pagkaka- Ni piyok ay hindi niya magawa nang muli na namang may pumutok. Diyos ko po!
Kasunod noon ay malakas na tinig na nagmumula sa megaphone. "Ito po ang inyong barangay tanod. Maaari na po kayong magsilabas. Nabaril na po ng kasama naming pulis ang gunman kaya ligtas na po kayo. Hawak na po namin siya ng mga kasama ko."
Huh! Tama ba ang dinig niya?
Nang bumangon na ang lalaking nagligtas sa kanya at ang payat na lalaki ay bumangon na rin siya sabay pagpag ng suot niyang damit. Sumilip muna ang lalaking nagligtas sa kanya sa harapan ng pet shop bago siya nito binalikan.
"Okay la lang ba?" tanong nito sa kanya.
"Ahm, m-medyo," piyok niya. Gosh! Bakit ba hindi ko ma-gather ang poise ko kung kailan ko kailangan iyon?
Lumapit ito at hinawakan siya sa braso. "You're shaking. Ang mabuti pa siguro pumasok ka muna sa loob." Inakay siya nito papasok sa loob ng townhouse.
Maluwang ang hall na pinasukan nila. Dinala siya nito hanggang sa kusina, sa mesang katapat ng malaking double-door refrigerator. Ipinagsalin siya nito ng tubig sa baso. "Here, drink this."
Uminom nga siya ng tubig. Napangalahati niya ang baso ngunit nanginginig pa rin siya.
"Wala ka nang dapat ikatakot, okay? Everything is under control now."
"S-sorry, nakaabala pa ako sa iyo."
"Shh... hindi ka dapat mag-sorry. Kahit nga ako natakot din kanina."
Hindi naman ito mukhang takot. Pino ang kilos nito at hindi naman mukhang mayabang. Sakto lang ang nakikita niyang self-confidence nito. Pero lethal ang ngiti nitong pang-toothpaste endorsement, parang may magnet kaya hindi niya mabawi ang tingin dito.
"Ako nga pala si Butch, Butch Lepanto. Dito ako nakatira."
At medyas naman ako. O shoelace. Ah, basta! Ako ang Miss Right para sa gaya mong Mr. Right. Ngumiti siya rito. "Ako naman si Rowie." Sana lang ay hindi na halata ang pagka-shock niya. Hinihintay niyang iabot nito ang palad sa kanya ngunit hindi nito ginawa. Nanghinayang siya ngunit ayos na rin, at least magkausap pa sila at nakangiti pa rin ito sa kanya. "Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin."
"Don't mention it. So, bago ka pa lang ba rito? Ngayon lang kasi kita nakita. Ikaw 'yong nakita kong nagdya-jogging kanina lang, di ba?"
"Ako nga. D'yan ako nakatira sa likurang kalye nitong sa inyo, sa Garnet Street. Ngayon lang ako nakarating dito kasi dito ako itinuro ng mama ko. May pet shop daw dito. Hahanapan ko sana ng pet cradle yong pusa namin." Ang guwapo talaga nito. Ngayong nawawala na ang pagka-shock niya ay nangingibabaw na naman ang kagarutayan niyang taglay.
"Ah, meron ngang cradle sa pet shop. Sure ka ba talaga na okay ka na?"
"Oo. Okay na ako."
"Ngayon ka pa lang napaligaw dito sa 'min tapos, ganito pa ka-traumatic ang naging experience mo."
"Gano'n talaga, eh. It happens. Kahit saan siguro ako nando'n kung mangyayari ang gano'n, mangyayari talaga."
"Normally naman hindi gano'n dito sa lugar namin."
Gusto pa niyang magpatuloy ang pag-uusap nila ngunit iba ang lumabas sa bibig niya. "Magpapaalam na ako," sabi niya kahit ayaw pa sana siya. Kinunsola na lang niya ang sarili niya na magkikita pa silang dalawa. Titiyakin niya iyon. "Maraming salamat uli."
Paglakad niya ay sumunod ito. "Tutulungan na kitang maghanap ng cradle na kailangan mo."
Oh, great! She flashed him her sweetest smile. Hindi na siya nagsalita. Baka mamaya ay bawiin pa nito ang sinabi.
Ang sarap ng feeling habang magkaagapay silang naglalakad sa lawn. Naiisip na niya ngayon pa lang ang maraming hapon na namamasyal sila nito in the near future. Tinakpan niya ng kamay ang bibig niya. Nagiging obvious ang excitement niya gayong dapat ay shocked pa siya dahil sa nangyaring pamamaril doon.
Pagdating sa loob ng pet shop ay iniwan siya nito at nagtungo ito sa harapan. Bumalik din naman ito agad sa kanya. "Thank God walang lumusot na bala sa loob. Pulos warning shots lang siguro ang putok na ginawa ng gunman na 'yon."
"Mabuti naman, walang na-damage dito. Pero talagang nakakanerbiyos siya."
Ngumiti na naman ito dahilan para maitago niya sa likuran ang mga kamay niya. Baka sa katuwaan niya ay mayapos niya ito.
Kahit may napili na si Rowie kanina ay inisa-isa pa rin nila ang mga pet cradle doon. Gusto lang talaga niyang magtagal pang magkasama sila ni Butch. Pero wala pa silang limang minuto roon nang lapitan ito ni James.
"Kuya Butch," sabi rito ng payat na lalaki, "hinahanap tayo ng mga pulis. Kailangan daw ang statement natin para masampahan ng kaso 'yong lalaking namaril dito kanina."
Laglag ang panga niya. Ibig sabihin noon ay maghihiwalay na sila ni Butch.
"Buhay pa ba ang gunman?"
"Oo, kuya. 'Yong kamay lang naman ang pinatamaan ng pulis.
Tumingin ito sa kanya. "Ahm, Rowie, maiiwan na kita. Pupunta pa ako sa police station." Sinasabi iyon ay umaatras na ito.
"Sige, Butch. Thank you talaga."
Kumaway lang ito at tumalikod na.
Hey! Hindi mo pa nakukuha ang number ko!
"Ma'am, babayaran n'yo na po ba 'yan?" tanong sa kanya ng lalaking payat. "Isasara ko muna po kasi itong pet shop pag-alis ninyo. Kailangan ko po kasing sumunod sa police station."
"Ah, o-oo, sige. Magkano ba 'to?" Habang binabayaran niya ang carrier basket, iniisip na niya kung ano pa ang kailangan niyang bilhin sa susunod para lang magkaroon siya ng dahilan na magtungo uli roon.

Rowie's Craze COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon