Ang Puskal At Ang Cute Hunk

24.1K 258 14
                                    

CHAPTER 1

ISANG MATINIS na tili ang pumailanlang sa silid ni Rowie nang makita niyang nakaupo ang isang pusa sa ibabaw ng damit niyang nakalatag sa ibabaw ng armchair. Hindi man lang nasindak ang pusa sa makabasag-eardrum na tili niya. Sumulyap lang ito sa kanya, nagbaling ng tingin at iginalaw ang buntot.
Malakas na katok sa pinto ang narinig niya hindi pa man siya umaahon sa kama. Nagbilang siya ng tatlo sa kanyang isip, at gaya ng hula niya, bumukas ang pinto at iniluwa roon ang nag-aalalang mukha ng mama niyang si Janet. "Rowie, ano ba'ng nangyayari?" tanong nito. "Bakit ka tumili?"
Itinuro niya ang pusa na asal-primadonna sa regal na pagkakaupo sa ibabaw ng damit na isusuot niya sana. "May nakapasok na pusa sa kuwarto ko, 'Ma! Napasok tayo ng pusa!"
Huminga ito na tila nabunutan ng tinik. "Akala ko kung ano na. Nabulabog yata ang buong village sa lakas ng tili mo. Pusa natin 'yan. Regalo ko sa iyo dahil naka-six months ka na sa trabaho. Ikaw na'ng magbigay ng pangalan."
Napasimangot siya. Hindi man lang pinansin ng mama niya na ang tinutungtungan lang naman ng pusang iniuwi nito ay ang damit na isusuot niya sa pagpasok mamaya. "Kayo ang nagpapasok ng pusang 'yan sa kuwarto ko?"
"Hindi ko kusang pinapasok. Sumalisi 'yan sa akin nang patayin ko kaninang madaling-araw ang lampshade na nakalimutan mong patayin bago ka matulog. Kinakaliskisan ka lang siguro. Mukhang matalino ang pusang 'yan, alam kung sino ang magiging amo niya."
Lalong lumalim ang simangot niya. She was not into pets, least of all cats; and in this case, puskal. Hindi katulad ng mama niya na mahilig mag-ampon ng stray cats at stray dogs, pati na rin ng stray pigeons at noong minsan, kunehong gala pa nga. "'San n'yo ba kasi nakuha ang pusang 'yan?"
"Galing 'yan sa PAWS, sa mga Ninang Stella mo. Isa 'yan sa mga puskal na dinadala sa kanila o napupulot nila at dahil marami na nga roon, pinapaampon din nila. Tinulungan pa nga ako ng ninang mo na pumili ng pinakamaganda at pinaka-behaved na pusa roon."
In fairness, maganda talaga ang pusa. Malaki lang ito nang kaunti sa size ng isang kuting. Puti ang kulay nito na may batik na orange sa ulo at buntot. Sky blue ang kulay ng mga mata nito. Pero kahit pa. Basta naiinis siya rito sa ginawa nito sa damit niya. At behaved pa raw 'to ng lagay na ito? "Alam n'yo namang hindi ako mahilig sa pusa," maktol niya.
"Kaya ko nga 'yan kinuha roon para matuto ka namang mag-alaga at magpahalaga sa mga pets. Anak, baka kaya nagiging moody ka kasi hindi ka nakapagbibigay ng care sa mga pets at hindi ka rin nakakatanggap ng lambing mula sa kanila."
Siya, moody? Well...
"Harmless naman ang pusang 'yan. Naturukan na rin ng anti-rabies 'yan kaya safe alagaan. Ikaw na ang bahalang magpangalan."
Hindi pa siya nakakalapit sa pusa ay iniwan na siya roon ng mama niya.
Alam niya, wala na siyang magagawa kundi alagaan ang pusa. Dahil malabo pa sa paglutas ng Pork Barrel Scam ang posibilidad na ibalik ng mama niya ang pusa sa Philippine Animal Welfare Society.
"Tsuu! Tsuu!" taboy niya sa pusa na prente pa ring nakaupo sa ibabaw ng damit niya. Hindi ito gumalaw. May pagkabingi pa yata ang puskal na 'to.
Malakas na tinapik niya ito sa katawan. Saka pa lang ito mabagal na tumayo, nag-inat, at slow motion, parang rumarampa sa catwalk, na lumakad, huminto nang nasa ibabaw na ng armrest, at ubod ng graceful na tumalon at naglakad patungo sa pinto. Mabilis niyang isinara ang pinto at ini-lock pa iyon nang makalabas na ang pusa.
Nakangiwing dinampot niya ang damit na ginawang carpet ng pusa at ibinagsak iyon sa hamper. Nagtungo siya sa closet at kumuha ng ibang damit na maisusuot.
Naninibago siya sa kanyang mama. Iniisip niya ang ginawa nito habang nakatapat siya sa shower. Ngayon lang ito nagdisisyon para sa kanya tungkol sa pag-aalaga ng pet. Pinalaki siya nito at ng papa niyang si Edmond na hinahayaan siya sa pagpili at pagdidisisyon; kahit pa nga sa simpleng bagay lang gaya ng pag-aalaga o hindi pag-aalaga ng pets.
Nagdaan ang ilang araw nang hindi niya pinapansin ang pusa. Hindi niya ito pinakakain kaya ang mama niya ang nagpapakain dito. Kaya siguro sa mama niya ito madalas lumapit at dumikit. Hindi pa rin niya ito binibigyan ng pangalan. Nang tanungin na naman siya ng mama niya kung ano ang ipapangalan doon ay sinabi niyang tawagin na lang nilang 'Puskal' ang pusa. Na nakaani ng: "Ano ka ba naman, Rowie, pangalan na nga lang ng pusa ang hinihingi ko hindi ka pa makaisip ng maayos-ayos naman? Ipinapaalala ko lang, sa iyo ang pusang iyan. Kaya dapat, ikaw ang magpangalan."
Hindi na lang siya umimik. Alam niyang na-offend niya ang kanyang ina. Hindi rin maganda ang pakiramdam niya sa kanyang sarili, parang ang sama nga naman niya at malupit pa para hindi magbigay ng magandang pangalan sa isang pusang ligaw na nakikisilong sa bahay nila.
Ngunit talagang naiinis siya sa puskal na iyon gaya na lang pagsapit ng Sabado ng alas singko ng madaling-araw, araw ng pagdya-jogging niya. Sa lahat naman ng lugar na maaaring paglunggaan, doon pa sa loob ng kabiyak na running shoes niya naisipang matulog ng pusa.
Kinalog niya ang sapatos para umalis ito roon. Pero gaya noong una, mabagal na naman ang naging kilos nito, nag-inat pa, bago umahon. Nang makalabas sa sapatos ang pusa ay itinaktak niya nang itinaktak ang sapatos sa bibig ng trash bin nila para lang matanggalan ng balahibo.
"Ano ba namang ingay 'yan, Rowie? Ke aga-aga kalampag ka nang kalampag d'yan," malakas na sabi ng mama niya na noon ay nasa kusina at gumagawa ng brewed coffee.
"Eh, 'Ma, kasi naman 'tong puskal na 'to dito pa sa running shoes ko natulog. Baka mamaya magkaro'n ng garapata ang shoes ko."
"Paano nga naman, wala siyang tulugan na para sa kanya. Kaysa nagrereklamo ka d'yan, tutal may pet shop naman d'yan sa tabi ng vet clinic sa kalsada sa likod natin, eh di bumili ka. Siguradong may itinitinda silang pet basket doon."
"O, sige po, bibili na lang ako mamaya." Nasa pintuan na siya nang tanungin siya ng mama niya kung napangalanan na niya ang pusa. "Hindi pa, 'Ma," sagot niya. Umalis na siya at baka masermunan pa siya nito.
Kaya lang, paghakbang niya ay bigla namang sumulpot sa daraanan niya ang pusa. Muntik na niyang matapakan ito at muntik na ring maging palaka ang peg niya kung hindi lang niya nakayang kontrolin ang momentum niya. Grrr! Asar talaga ang puskal na 'to! Ngali-ngali na niyang sipain ang pusa.
Madilim-dilim pa sa labas ngunit nagsisimula nang lumiwanag ang silangan ng Gems Executive Village. Imbes na sa dating ruta sa kanilang kalsada sa Garnet Street, kung saan kadalasan siyang tumatakbo, ay umiba siya ng ruta. Kumaliwa siya sa Ruby Street at pagkatapos ay kumaliwa uli sa Topaz Street. Ang kalsadang iyon ang likuran ng kalsada nila. Doon siya tumakbo ngayon. Hindi siya talaga gumagawi roon kaya hindi niya alam kung saan doon ang pet shop na sinasabi ng mama niya.
Kaliliko pa lang niya nang mapansin niya ang isang taong grasa na nagkakalkal sa isang may kalakihang trash bin sa kanto. Sa ganoon kaagang oras ay naghahanap-buhay na agad ito, marahil ay hindi pa ito nagkakape man lang. Nagtataka man kung paanong nakapasok ang isang taong grasa sa village nila ay nilapitan niya ito at ibinigay niya ang isang singkuwenta pesos na papel, ang tanging pera sa maliit na coin purse niya. Pamasahe niya sana sa tricycle iyon sakaling sumpungin siya ng pulikat sa binti. "Bumili ka ng pang-almusal mo, kuya," sabi niya rito sa kabila ng kaalaman na may kaparusahang ipinapataw sa isang taong nagbibigay ng limos sa mga pulubing gumagala sa lansangan. Ang Mendicancy Law na ipinasa noong nineteen-seventy-eight ay nagsasabing ang sinumang mahuhuling nagbibigay ng limos ay lumalabag sa nasabing batas at may kaukulang pataw na parusang pagmumulta ng hindi hihigit sa dalawampung piso.
Hay naku, wala akong pakialam kahit ilang beinte pesos pa ang ipagmulta ko. Mas labag naman yata sa batas ng Diyos na dead-mahin ang kapwang nagugutom at nangangailangan.
"Salamat," sagot nitong may kaway pa, "pinagpapala ng Diyos ang mga katulad mo, Ineng." Iniwan na nito ang basurahang kinakalkal kanina.
Nginitian lang niya ito at nagpatuloy na siya sa pagtakbo.
Madali naman palang makita ang petshop. Nasa bandang kanan lang iyon. Katabi noon ang vet clinic na sinasabi ng mama niya. Hindi pa man siya tumatapat sa vet clinic nang makarinig siya ng mga kahol ng aso. May isang property sa kanan ng B. Lepanto Veterinary Clinic na may mga cage na kinaroroonan ng naglalakihang aso. Tinahulan siya ng mga ito.
Hmp! Ke iingay n'yo. Hassle talaga ang mga pets.
Tumigil siya sa pagtakbo at naglakad na lang. Nagpatuloy pa rin sa pagkahol ang mga aso. Isinaksak niya ang hintuturo niya sa kaliwang tainga at itinuon niya ang tingin sa petshop sa unahan. Alas otso pa ng umaga ang bukas noon ayon sa karatulang nakapaskil sa labas.
Ipagpapatuloy na sana niya ang pagtakbo nang bumukas ang pedestrian gate sa pagitan ng vet clinic at ng petshop. Iniluwa noon ang isang lalaking naka-lightweight sando at running shorts. Matangkad ito at elegante ang tindig, katamtaman ang laki ng matangos na ilong nito at ang mga mata ay maamo at makapal ang pilik. Artistahin!
"Good morning!" nakangiting bati nito sa kanya kahit hindi sila magkakilala.
Natulala si Rowie, natigil sa paglalakad. Daig pa niya ang tinamaan ng Halley's Comet sa bumbunan. Hindi siya makahinga, at ang mabilis nang pintig ng puso niya ay dumoble pa ng bilis. Hindi niya maintindihan kung maiihi siya o madudumi, nanginig agad ang mga kamay niya. Ginapangan ng mumunting kilabot ang katawan niya na nagsimula sa kanyang talampakan. "H-hi!" walang boses na tugon niya sa lalaki. Ngunit dahil nainip na yata ito sa tagal niyang mag-react ay tumalikod na at nagsimula nang tumakbo palayo.
Tumigil na naman siya sa paglalakad. Lumunuk-lunok siya upang mawala ang panunuyo ng lalamunan niya, hinawakan ang dibdib bago sunud-sunod na sumagap at nabuga ng hininga. Gosh! Sino ang hunk na 'yon?

"MAY aakyat ba ng ligaw ngayon sa iyo, Rowie?" tanong ng mama niya pagkaraan ng tatlong beses nitong pagdaan sa sala. Kasalukuyan siyang nakaharap sa malaking salamin doon.
"Wala, 'Ma. Araw na araw, eh. Mag-aalas otso pa lang kaya."
"O, eh bakit halos basagin mo na 'yang salamin sa pagpapaikut-ikot mo d'yan?"
Napangiti siya at humarap dito. "Kasi 'Ma, kanina may nakita akong cute hunk na lumabas do'n sa gate na katabi ng pet shop. Grabe, super gorgeous talaga. Feeling ko nga siya na ang future son-in-law n'yo ni Papa."
Tumawa ang mama niya. "Alam mo anak, 'yan ang nami-miss ko sa iyo. High school ka pa lang yata nang marinig ko sa iyo ang mga kikay statements na ganyan. Akala ko tuloy balak mo nang tumakbong presidente ng mga old maid mula nang maging seryoso ka na."
Irap na pabiro ang naging sagot niya rito.
"Well, kung papunta ka roon ngayon, isama mo ako para makaliskisan ko naman 'yang gorgeous hunk mo na 'yan."
"Si Mama, parang ewan. Hindi ko pa nga kilala 'yong hunk na 'yon, eh. Hindi ko rin alam kung nando'n siya pagpunta ko do'n ngayon." Pinagsalikop niya ang mga kamay niya. "Pero sana nando'n siya."
Pagsapit ng alas otso, pinalampas muna niya ng limang minuto bago siya bumaba ng bahay para magtungo sa pet shop. Humarang na naman sa daraanan niya ang pusa, ngunit sa pagkakataong iyon ay marami na siyang kargang pasensiya, kaya inikutan na lang niya ito para makalabas siya ng gate nila.
Nakaalerto ang mga mata ni Rowie nang makarating siya sa pet shop. Bukas ang rollup door ng shop sa harapan at sa kanan kaya nakikita niya ang bakuran na may magandang townhouse pala sa likuran ng vet clinic at pet shop. Hula niya ay iisa lang ang may-ari noon pati na ng vet clinic at pet shop.
Wala pang gaanong tao sa pet shop. Isang babae lang at isang batang lalaki na marahil ay pitong taon ang nadatnan niyang kumukuha sa estante ng mga pellets na hindi niya alam kung para sa anong hayop, na kaagad din namang nagtungo sa counter at nang makapagbayad ay umalis na. Siya na lang ang natirang customer doon.
"Good morning po Ma'am," lapit sa kanya ng isang payat na lalaki na marahil ay naglalaro sa disiotso o disinuwebe ang edad. Nadatnan niyang isinasabit nito sa display area ang mga cage na iba't iba ang laki. "Ano po ang hanap n'yo, Ma'am?"
'Yong lalaking galing dito kanina. Naitakip ni Rowie ang palad sa bibig niya.
"Dog food po ba o aquarium?" tanong uli ng lalaki.
"Hindi 'yon," sabi niya. "May pet basket ba kayo rito?"
"Ah, pet cradle po ba para sa pusa o kuting? Opo, meron po. Dito po, Ma'am." Iginiya siya nito sa bandang gitna ng shop.
Nakita niya roon ang iba't ibang klase ng pet cradle. Kinuha niya ang pinakamaliit. Tutal naman ay mukhang mas gusto ng puskal na iyon na tulugan ang maliliit na espasyo.
Pero ayaw pa niyang magbayad sa counter. Kapag nagbayad siya ay obligado na siyang umalis doon. Ano pa nga bang gagawin niya roon kung ang pusa lang naman ang kailangang bilhan ng gamit? Isa pa, wala siyang interes na magtingin-tingin ng mga leash ng aso, ng mga cage ng ibon, ng mga dog food at pagkain ng isda. Aanhin naman niya ang mga iyon kung wala siyang ibang pets?
Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang bigla siyang makarinig ng malakas na sigaw sa labas ng pet shop. Pagtingin niya sa harapan ay nakita niya ang isang lalaking nasa sidewalk. Matangkad ito at malaki ang kaha, namumula ang mukha pati ang mga mata at may dalang baril na nakatutok sa harapan ng pet shop.
Naitakip ni Rowie ang isang palad niya sa kanyang bibig para mapigil ang tili niya. Nanlalaki ang mga mata niya sa pagkahindik.
"Nasaan ang mag-ina ko?!" dumadagundong ang tinig na sabi nito. "Ilabas n'yo ang mag-ina ko!"
"James, ang rollup door!" sabi ng isang tinig-lalaki sa may counter.
Naging mabilis na ang lahat. Hindi niya alam kung ano na ang mga sumunod na pangyayari. Basta't naramdaman na lang niyang may braso ng isang lalaki na kumabig sa kanya, nagyuko ng ulo niya at itinakbo siya sa direksiyon ng town house sa likuran.
Hindi pa nila nararating ang pinto ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok.
Hindi na niya napigil ang tili niya.
"Dapa!" utos ng lalaki.
Dumapa sila sa damuhan habang siya ay mariing pumikit. Nakabalot pa rin ang braso ng lalaki sa likod niya.
Takot na takot siya. Katapusan na ba nila? Iligtas N'yo po kami, Lord. Please po, ayoko pang mamatay. Hindi ko pa nabibigyan ng son-in-law ang mama at papa ko.
Nang tumigil na ang mga putok ay unti-unting dumilat siya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ang katabi niyang nakadapa sa damuhan - ang cute hunk na nakita niya kaninang umaga nang mag-jogging siya.


https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

http://www.phr.com.ph/

Rowie's Craze COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon