Accidental Kiss

5.7K 131 0
                                    

CHAPTER 5

GOSH! Totoo ba ito? Magkahalong panic at excitement na naisip ni Rowie habang magkadikit ang mga bibig nila ni Butch. Pero hindi siya puwedeng maging obvious na nag-e-enjoy sa insidenteng iyon. Nagkumahog siyang makawala rito. Kumapit siya sa mapipintog at matitigas na braso nito para makabuwelo at makatayo nang tuwid. “S-sorry. Aksidente lang. naapakan ko ‘yong pusa at na-outbalanced ako,” paliwanag niya habang lumalayo rito.
“Relax,” nakangiti nang sabi ni Butch. Hindi tulad niya, parang walang anuman dito ang nangyari. “Sabi mo nga, aksidente. Kaya hindi ka dapat mag-sorry. Hindi mo kasalanan ‘yon. At hindi mo kailangang magpaliwanag.”
Ang pusang muntik na niyang maapakan ay walang kakilus-kilos na nakaupo pa rin sa kaliwang panig ng silya niya. Hindi niya alam kung mabubuwisit dito o matutuwa.
“Ahm, ‘labas na pala tayo?” sabi niyang nagpauna nang lumakad palabas ng komedor. Nadaanan niya ang mama niya sa side table na kinapapatungan ng telepono. Makahulugan ang tingin na ipinukol nito sa kanya.
Hindi siya makatingin kay Butch nang nasa labas na sila at magkaharap sa ibabaw ng bunton ng mga materyales na gagamitin para sa gagawing bahay ng aso. Nakapako ang tingin niya sa simpleng planong nakuha niya sa Internet na para bang hindi makalimang beses niyang pinag-aralan iyon.
“Nasaktan ka ba?” biglang tanong nito kaya napatingin na rin siya. “No’ng bumagsak ka sa akin?”
Medyo nasaktan ang ilong niya pero umiling lang siya. Nahihiya siyang pag-usapan ang nangyari. Ngayon lang niya napatunayan na malakas lang pala ang loob niyang planuhin na paibigin si Butch, hanggang sa puntong siya na ang manligaw rito kapag hindi niya nagawang ito ang manligaw sa kanya. Ngunit kapag pala ganitong harapan na ay nababahag ang buntot niya.
“I had no idea that your lips could be that soft. They’re pinkish, too.”
Disimulado siyang sumagap ng hangin. Iniabot niya rito ang plano at sinikap na ibahin ang topic. “Nariyan sa tabi mo ang lagare. Kailangang putulin ang magiging poste sa sukat na five feet.” Iniabot naman niya rito ang isa sa mga magiging poste.
Nagsasayaw na naman ang mga mata nito nang ngumiti. Yumuko ito at inabot ang panukat, sinukat ang kahoy at tinandaan gamit ang lapis. Ngunit bago nito lagariin iyon ay nagsalita na naman ito. “Soft pink lips were meant to be kissed.”
Yes, absolutely. Pero hindi siya umimik. Ang ngiti niya na mas malawak pa sa Pacific Ocean ay ikinubli niya sa pagyuko sa lalagyan ng mga pako. Para lang magulat nang makita niyang nakahiga roon ang pusa. Sumunod pala ito sa kanila nang hindi niya namamalayan.
“Magugulatin ka pala,” sabi ni Butch.
“Tsuu!” taboy niya sa pusa. Malakas na tinapik niya ito sa likod. Gaya ng dati, mabagal itong kumilos, dumilat at pumikit na parang nang-iirap, bago ito umalis.
“Siya ba ‘yong pusang binilhan mo ng cradle?”
“Oo.” Iniabot niya rito ang lalagyan ng pako.
“Cute siya,” sabi nito bago pakuan ang dalawang piraso ng kahoy na nilagare nito. “You know what, you don’t strike me as a pet person.”
Napalunok siya. Paano nito nalaman?
“Pero maganda ‘yan na nag-e-effort ka na mag-alaga ng pet.” Muli na naman itong nagsukat ng kahoy at naglagare. Hindi niya inaasahan ang sumunod na itatanong nito. “Nagka-boyfriend ka na ba dati?”
Kinagat niya ang ibabang labi niya para pigilin ang pagngiti, saka siya tumingin dito. Pigil na ngiti at kibit ng balikat ang isinagot niya. Nagkaroon siya ng ka-MU noong fourth year high school at noong third year niya sa kolehiyo ngunit kapwa hindi nagpatuloy at hindi seryoso ang mga iyon. Sa call center naman na pinapasukan niya ay walang nakakuha ng interes niya, bukod pa nga sa karamihan ng mga kasama niya roon ay gay.
“Why not?”
“Hindi pa kasi kita nakikilala noon, eh.”
Kumislap sa pagkaaliw ang mga mata nito kasabay ng mahinang tawa at maluwang na ngiti. “I like that.”
Nanlaki ang mga mata niya. Ano ba ‘yong nasabi niya? “Naku, hindi-”
“Oops! Walang bawian. At hindi mo dapat bawiin. You’re just being honest.” Kinuha nito ang isang kamay niya.
Oh, Lord, pigilan n’yo po akong mag-swoon, please?
“Now, I think you should give me the application I was telling you about. I could see you’re serious enough for me to consider it.”
“A-application?”
“Oo, na maging isa sa mga girlfriends ko?” tumatawang sagot nito.
Ngek!

Rowie's Craze COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon