Chapter 20: Surrendering to Love

Magsimula sa umpisa
                                    

            "Pasensya na po. Pasensya na po, Manong. Hindi ko po sinasadya," natatarantang sabi niya. "Ano po bang masakit? Dadalhin ko na po kayo sa ospital." Hindi niya alam kung paano ito tutulungan dahil baka may mahawakan siyang masakit dito. "Tatawag lang po ako ng ambulansiya. Sandali-"

            "N-Nako, Ser, huwag na. Huwag na," pinilit na makabangon ng matandang lalaki.

            Nanlaki ang mga mata niya. "S-Sigurado po ba kayo? Nakita ko pong natamaan kayo ng kotse ko. Ano po bang masakit sa inyo? Ako na pong magpapagam-"

            Umiling-iling ito habang hawak-hawak ang tiyan. Nakaupo na ito ngayon. "Hindi ako natamaan. Natumba lang ako saktong huminto ang kotse mo. H-Huwag kang mag-alala."

            Nakahinga siya nang maluwag. Hindi niya pala ito nabundol. Tinulungan niya ito sa pagtayo. "Ayos na po ba talaga kayo?"

            Tinapik-tapik siya nito sa balikat. "Oo, Sir. Natumba lang ako dahil sa sobrang init at gutom na rin siguro. Nagulat lang din ako sa mabilis mong kotse. Huwag kang mag-alala. Pasensya na at pinag-alala pa kita." Nang makaayos na ito ng tayo at tumabi ito sa gilid ng kalye.

            Hindi alam ni Terrence kung anong nagtulak sa kanya at tinawag niya ang matanda. "Manong!"

            Lumingon ito sa kanya. Nilapitan niya ito.

            "Saan po ba kayo papunta? Ihahatid ko na lang po kayo para hindi na kayo magtiis sa init," alok niya rito. Parang may nagsasabi sa kanya na dapat ay hindi niya hayaan ang matanda na umalis.

            "Nakakahiya, Sir. Huwag na. Ayos na ako," nakangiting paninigurado nito sa kanya.

            "I insist, Manong. Wala naman po akong importanteng gagawin. Ihahatid ko na po kayo," pilit niya pa. "Kung ayos lang din po ay ililibre ko po kayo ng pagkain."

            Napakamot ito ng ulo na tila nahihiya. "Aba, eh, hindi ako tumatanggi sa pagkain. Pero nakakahiya. Ako na nga ang naging abala sa iyo."

            Umiling siya at nginitian ito. "Sige na po, Manong. Pambawi ko na rin po sa inyo. Nagulat ko po kayo dahil sa pagmamaneho ko. Hayaan niyo pong matulungan ko kayo."

            Sa bandang huli ay napapayag niya rin ang matanda. Sumakay sila sa kanyang kotse.

            "Saan po ba kayo papunta?" tanong niya habang pinapaandar niya na ang sasakyan. Maayos ang suot ng matanda na mabulaklaking polo shirt at disenteng pantalon.

            "Sa bilihan sana ng bulaklak. Gusto kong bigyan ng bulaklak ang asawa ko," nakangiting sabi nito.

            Napangiti rin siya. "Kaarawan niya po ba?"

            Umiling ito. "Death anniversary."

            Nawala ang mga ngiti ni Terrence at napasulyap sa matanda. "P-Po?"

            "Pang-dalawanpu't limang taon na mula nang mamatay siya. Nagkasakit siya sa obaryo at maagang kinuha sa'kin ng Panginoon."

            "I'm sorry to hear that. Mang... err..."

            "Emmanuel. 'Emman' ang madalas na tawag sa'kin," pagpapakilala nito.

            "I'm sorry, Mang Emman."

            Nakangiti pa rin ito. "Matagal na rin iyon. Natutunan ko nang tanggapin."

            "May anak po ba kayo?" natanong niya.

Love at its Best (Love Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon