1-Please Forgive Me

Magsimula sa umpisa
                                    

Napahikbi si Annika. "I'm sorry. I am so sorry."

"Umuwi ka na," parang pagod na sabi ni Walter pagkaraan ng ilang saglit na katahimikan.

Ngunit hindi tuminag si Annika sa kinatatayuan.

Napapabuntong-hiningang tumalikod na si Walter at pumasok sa loob ng bahay. Naiwan si Annika na panay ang tulo ng luha.


MARIING napapikit ng mga mata si Walter nang isandal ang sarili sa pinto. Pagod ang isip at katawan niya sa maghapong trabaho at eskuwela. Sa totoo lang ay humihingi na ng pahinga ang kanyang katawan. Pero paano siyang makakatulog kung ganoong alam niyang nasa labas si Annika?

Hindi siya dapat maawa rito. Walang puwang ang emosyong iyon sa dibdib niya para sa babaeng muntik nang sumira sa buhay nilang magkapatid. Na matapos siyang masagasaan ay basta na lamang siyang tinakbuhan. Kaya dapat lamang na magdusa ito.

Sa isiping iyon ay inilatag na niya ang sarili sa papag na kawayan. Kumpleto pa rin ang gamit nila roon kahit matagal-tagal ding nabakante ang kanilang bahay. May nagtatanong na nga raw kung balak nilang paupahan iyon. Noong una ay naisip ng Ate Willa niyang paupahan iyon tutal ay fully paid na ang lote mula sa may-ari. At kahit papaano ay presentable na iyong tingnan kumpara sa dati na kahit malakas na hangin lang ay parang tatangayin na pati haligi.

Ngayon ay half-concrete na iyon at sawali ang dingding. Magandang klaseng yero na rin ang bubong at hindi na basta-bastang ililipad ng hangin kahit bumagyo.

Umayos siya ng higa at pinagsalikop ang dalawang kamay sa ilalim ng kanyang ulo. Nakipagtitigan siya sa five watts na flourescent habang nagpapaantok. Pero sa malas, panay ang bulong ng lamok sa kanyang tainga.

Buwisit!

Tinatamad na bumangon si Walter para maghanap ng kulambo. Habang naghahalughog sa kabinet ay parang may sariling isip ang mga mata niyang napadako sa pinto. Isinantabi niya ang paghahanap ng kulambo.

Hindi ako nag-aalala sa kanya, iyon ang sinasabi niya sa sarili nang buksan ang pinto para tingnan kung nasa labas pa si Annika.

Medyo madilim doon dahil wala naman siyang ilaw na nakalagay sa labas. Kaya naman akala niya ay wala na ito. Hanggang sa may marinig siyang bumahing. Nang tingnan niyang mabuti ang pinagmulan niyon ay tahimik siyang napamura. Naroroon pa rin si Annika. Doon sa mismong kinatatayuan nito nang iwanan niya.

Putsa! Ano ba ang gagawin ko sa babaeng ito?

Natitiyak niyang magiging kargo niya ito sa kapatid sa sandaling may mangyari rito. Huwag nang idagdag ang magiging galit ng nakatatanda nitong kapatid na si Zeke na bayaw niya.

"Ano ba talaga ang gusto mo? Bakit ang hirap mong kausap?" galit na nilapitan niya ito.

Gusto niya itong alugin nang malakas kung natutulog man ang utak nito. Pero pinigilan niya ang sarili dahil ayaw niyang makasakit ng babae.

"P-pinauwi ko na a-ang driver ko."

"At sa palagay mo, maaawa ako sa'yo dahil balak mong mag-vigil dito sa harapan ng bahay ko?"

Hikbi lang ang sagot nito.

"'Tang-na naman, o!"

Nakita ni Walter ang pagpitlag ni Annika sa malutong na murang pinawalan niya. Napangisi siya. Mas masahol pa nga ang mura ng mayayaman kumpara sa murang alam niya. Sosyal lang pakinggan ang mura ng mga ito kaya parang hindi masagwang pakinggan.

Napahinga siya nang malalim at may ilang sandaling pinagmasdan ito. Kahit madilim sa kinaroroonan nila ay yukong-yuko ito na parang natatakot na ewan na tumingin sa kanya. Isang ideya ang biglang pumasok sa isipan niya. Kinapitan niya ang braso nito at hinila itong papasok sa bahay.

"Gusto mo ba talagang makuha ang kapatawaran ko?"

"O-oo."

"Kung gano'n ay maghubad ka."

"A-ano?" Napataas ng tingin ang luhaang mga mata ni Annika kay Walter. Bakas doon ang kalituhan at pangamba.

"Gusto kong bayaran mo ng iyong katawan ang kapatawarang hinihingi mo sa akin."

Napakurap-kurap ang dalaga. Sa isang saglit ay naisip ni Walter na iiyak na naman ito.

"Hindi mo kaya? Puwes, makakaalis ka na."

Tinalikuran na niya ito. Itinuloy na niya ang paghahanap ng kulambo. Halos natitiyak niyang sa mga oras na iyon ay naiisip na nitong kumaripas ng takbo. Ngunit unti-unting kumunot ang kanyang noo nang may marinig siyang kaluskos mula sa kanyang likuran. Nang dahan-dahan siyang lumingon ay nagulat siya nang makita kung ano ang ginagawa ni Annika. Naghuhubad ito ng damit!




The Heiress and the PauperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon