2

805 22 1
                                    


Walang tigil si Bullet sa pagtakbo kahit hindi na niya nakikita pa ang mga estudyanteng
humahabol sa kaniya. Naliligo na siya sa pawis nang makarating siya sa restroom. Nagmamadaling isinara niya ang pinto para masiguro na wala ng iba pang makakapasok sa loob.

"Hah!" hinihingal na sinapo niya ang tapat ng puso at pilit na kinalma ang sarili.

Kahit tumigil na siya sa pagtakbo ay patuloy pa rin sa pagtagaktak ang pawis niya. Nanginginig pa rin ang mga tuhod niya dahil sa matinding pagod at kaba. Kahit nanghihina ang katawan ay pinilit niyang maglakad at tumayo sa harap ng salamin para pagmasdan ang sarili. Itinukod niya ang mga kamay sa de tiles na lababo at muling huminga ng malalim.

Napangiwi siya nang mapansin na mukha na pala siyang bruha dahil magulong magulo na ang buhok niya. Daig pa niya ang sinabunutan dahil nakasabog na sa mukha niya ang mga hibla ng buhok niya. Magulo at gusot na rin ang suot niyang uniporme. Sinuklay niya ng mga daliri ang magulong buhok at inayos na rin ang palda niya na tumabingi na pala.

Binuksan niya ang gripo at naghugas siya ng kamay habang patuloy siya sa pag iisip ng paraan kung paano niya matatakasan ang mga estudyante na naghahanap sa kaniya. Napapalatak siya nang maisip na kahit makatakas pa siya ngayong araw ay wala rin naman pa lang silbi dahil hindi niya alam kung makakaligtas pa siya sa susunod. Siguradong hindi siya titigilan ni Kent.

"Nakakainis!" nakakunot noong isinara niya ang gripo at dinukot ang panyo sa loob ng backpack niya. "Ay kabayo!" malakas na napasinghap siya ng biglang bumukas ang pangatlong cubicle.

Sa sobrang lakas nang pagsipa ng kung sinong nasa loob ng cubicle ay hindi na siya magtataka kung masira ang pinto niyon.

"Sinong nandiyan?" kinakabahang pumihit siya paharap sa hilera ng mga cubicle.

Muli na naman siyang napasinghap ng malakas ng bigla ay may matangkad na lalaki ang lumabas sa pinakagitnang cubicle.

"Sino ka?!" gimbal na napaatras siya nang pumihit ito paharap sa kaniya. "H-huwag kang lalapit.....h-huwag..." panay ang atras niya habang ang lalaki ay patuloy sa paghakbang palapit sa direksiyon niya.

Hindi niya maipaliwanag ang matinding takot na nararamdaman niya ngayon habang papalapit ito sa kaniya. Pakiramdam kasi niya sa bawat pagliit ng espasyo sa pagitan nilang dalawa ay unti unti namang nawawalan ng hangin ang dibdib niya.

Naunang dumako ang mga mata niya sa sapatos nito. White rubber shoes iyon na nasisiguro niyang imported dahil pamilyar sa kaniya ang logo na nakita niya. Black slacks din ang pang ibaba nito na katulad ng uniporme ng mga estudyanteng lalaki sa eskwelahan nila. Plain white t-shirt naman ang pang itaas nito na halos sumakto lang sa built ng katawan nito.

Dahan dahan na siyang nag angat ng tingin para makita ang mukha ng lalaking trespasser. Naglakbay ang mga mata niya sa perpekto at mapulang hugis ng mga labi nito hanggang sa dumako ang paningin niya sa magandang pares ng mga mata nito.

"Tapos ka na?" naiinip na tanong sa kaniya nito. Tuluyan na itong nakalapit sa kaniya habang ang mga kamay ay nakasuksok sa magkabilang bulsa ng slacks nito.

"T-tapos saan?" halos hindi na kumukurap ang mga mata na tanong niya.

Ano ba ang mayroon sa isang ito? Bakit parang natuturete ang utak ko? Gusto na niyang sabunutan ang sarili dahil halos ayaw nang gumana ng utak niya at nakontento na lang siyang nakatitig sa gwapong mukha ng lalaking kaharap niya.

"Tapos ka na bang pag aralan ang buong mukha ko?" masungit na tanong nito.

"A-ah....sino ka ba?" pigil ang paghingang tanong niya dito.

Nakita niyang halos malaglag na ang panga nito sa pagkagulat at hindi makapaniwalang tiningnan siya.

"Hindi mo ako kilala?" halos umusok na ang dalawang butas ng ilong na tanong nito at itinuro pa ang sarili.

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon