IX - Magical Forest

Magsimula sa umpisa
                                    

"Gusto ninyo bang mamatay?!" sigaw ni Ariadne sa mga bata.

Humampas ang katawan ng puting kuneho sa puno at kaagad na nawalan ng malay. Nilapitan ito ni Ariadne at hinawakan sa sungay. Ipinakita niya ito sa mga inosenteng bata.

"Kapag natusok kayo ng kunehong 'to, mamamatay kayo," sabi ni Ariadne sa mga bata.

"Pero mababait ang mga rabbit, di ba?"

"Addy, sigurado ka ba?"

Tumingin sa langit si Ariadne bago bumuntong hininga. Binuksan niya ang bibig ng kuneho at ipinakita ang matatalim nitong ngipin. Maihahalintulad ito sa ngipin ng mga pating.

"WAAAAH! Ano 'yan?!"

"G-Ganyan ba dapat ang ngipin nila?"

"Hindi naman ganyan ang ngipin ni Bugs Bunny, eh."

"Nakakatakot naman 'yan!"

"Lahat ba ng animals dito may sungay?"

"Ibig sabihin totoo ang unicorns!"

"HWAAAA! Gusto kong makakita ng unicorns!"

Hindi na pinansin ni Ariadne ang mga bata. Pumasok siya sa loob ng bahay at pumunta sa kusina. Kumuha siya ng matalim na kutsilyo. Sa ganitong tagpo siya inabutan ng tatlong nakatatanda — sina Eliza, Martin at Patrick.

"Addy, ano'ng ginagawa mo?" tanong ni Eliza.

"Ano 'yang hawak mo, Addy?" tanong ni Martin.

"Teka, rabbit ba 'yan?" tanong ni Patrick. "Na may sungay?"

Dahil sa ingay, nagising ang kuneho na hawak ni Ariadne. Ngunit dahil hawak niya ito sa sungay ay hindi ito makawala kahit na magpapadyak pa ito. Mabilis niya itong hiniga sa lamesa at gamit ang kutsilyo ay pinutol niya ang ulo nito.

Nagulat ang tatlong nakatatanda nang masaksihan ang nangyari. Sumirit ang dugo ng kuneho at kumalat ito sa lamesa at sa sahig.

"WAAAAAAAAAAAAAAAAH!!!" sigaw ni Eliza at tumakbo palabas ng kusina.

Ang dalawang lalaki naman ay namumutla habang nakatingin sa patay na kuneho sa lamesa. Hindi sila makapaniwala na nagawa itong patayin ng isang batang babae na may napaka-among mukha. Para silang nasa real life horror film!

Kumunot ang noo ni Ariadne habang tinitignan ang reaksyon ng mga ito. Kung dito palang ay natatakot na sila, paano kaya sila makakatagal dito sa gubat? Pang-dalawang araw lang ang nakatagong pagkain sa bahay. Paano kung hindi sila kaagad balikan ni Belva? Ano ang kakainin nila? Kailangan nilang mag-hanap ng pagkain sa gubat.

At ang isa pa, ang karne ng uldin ay mas malinamnam kaysa sa karne ng pangkaraniwang hayop. Nagtataglay ito ng purong enerhiya.

Narinig ng ibang tao ang sigaw ni Eliza at pumunta sila sa kusina para tignan ang nangyari. Nakita nila ang batang si Addy na tinatanggalan ng balat ang isang kuneho. Puno ng dugo ang mga kamay nito at walang anumang reaksyon sa mukha. Ang eksenang ito ay nag-bigay sa kanila ng matinding gulat at takot.

"Ano'ng nangyayari rito?" tanong ng leader ng grupo na si Anwyll.

"Anwyll, tignan mo 'yung ginagawa niya..." turo ng isang babae sa batang si Addy na naka-harap sa sink.

Lumingon si Addy sa mga taong biglang dumating sa kusina. Ngunit napaatras ang mga ito nang makita siya. Ang inosente niyang mukha na may talsik ng dugo ay nagbigay sa kanila ng kakaibang kaba. Ngunit hindi iyon alam ni Ariadne kaya kaagad siyang nagtaka. Ano ba ang kailangan ng mga ito at tinitignan siya? Kung tumulong nalang kaya ang mga ito na maglinis...

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon