VIII - Outsiders

23.7K 1.2K 78
                                    

VIII – Outsiders


Isa sa mga kilalang katangian ng mga mago ang pagkakaroon ng mataas na tingin sa kanilang sarili. Simula bata palang ay itinatak na ng mga magulang sa kanilang mga anak ang posisyon nila sa mundo ng Liyandra. Kaya naman karamihan ay mababa ang tingin sa mga dulan na walang kakayanan na gumamit ng mahika. Isa silang abominasyon. Mga taong hindi nabiyayaan ng kapangyarihan ng lumikha.

Kaya naman ang reaksyon ng mga estudyante sa kanilang pagdating ay natural na inaasahan na ni Ariadne. Ang matatalas na tingin na may bahid ng pangungutya ay hindi na bago sa kanya. Para sa mga ito, kahit na may bahid sila ng dugo ng mago, kalahati sa kanila ay may bahid ng dugo na nagmula sa labas ng Liyandra.

Sigurado siyang hindi sila tanggap ng mga ito.

"Hmph! Ano'ng ginagawa ninyo rito?!" sigaw na tanong ng isang batang lalaki. "Hindi ninyo ba nakikita na kumakain pa kami?!"

Tatlong bata ang humarang sa mga kaklase ni Ariadne; dalawang lalaki at isang babae. Nauna ang mga ito na dumating kaysa sa kanila ngunit hindi parin sila nakaka-upo dahil sa mga bata.

"Bakit hindi kami pwedeng kumain? Marami pa namang libreng lamesa at upuan, ah!"

"Hah?! Nagpapatawa ka ba? Bakit kami kakain kasama ang mga katulad ninyo?!"

"Oo nga, kahit mga bagong dating lang kayo matuto kayong lumugar!"

"Ano pa ba ang aasahan mo sa mga taong katulad nila? Lumaki silang bastos at ignorante."

"Kung gusto ninyong kumain pumunta kayo sa kusina! Hindi namin gusto na makasama kayo rito!"

"Tama, walang lugar ang mga katulad ninyo rito!"

"Mas mabuti pa na umalis nalang kayo!"

"Oo nga! Umalis nalang kayo! Bumalik na kayo kung saan kayo nanggaling!"

"Ang yayabang ninyo ah! Kayo ba ang may-ari nitong school, ha?!"

"Ano'ng sinabi mo?! Hindi mo ba kilala kung sino ang kinakausap mo?!"

"Hindi, nagpakilala ka ba?!"

"Pangahas! Sino ang nagbigay ng karapatan sa'yo na sumagot ng ganyan?!"

"Hindi talaga sila marunong kumilos ng tama!"

"Mga walang pinag-aralan! Umalis na kayo rito!"

"Umalis na kayo rito mga salot!"

"Hindi kami mga salot! Mga salbahe kayo!"

"Oo nga! Hindi rin namin gusto kumain kasama kayo! Mga salbahe!"

Nananatiling nakamasid si Ariadne sa nangyayaring sagutan ng dalawang grupo. Wala siyang balak na sumali sa away ng mga bata. Tumingin siya sa mga nakatatandang serbidora at napansin na mga dulan ang mga ito. Sa kanilang noo, nakatatak ang isang maliit at itim na tatsulok. Itinatatak iyon sa balat gamit ang mainit na metal sa edad na tatlong taong gulang. Kahit na naitatag na ang kaharian ng Behl para sa mga dulan, mayroon parin nananatili rito.

Sa kaharian ng Aestora, may isang lugar kung saan nagiging tapunan ng mga sanggol na dulan. Hindi maiiwasan na magkaroon ng anak na dulan ang mga mago. Hindi malinaw ang dahilan kung bakit ito nangyayari ngunit bumababa ang tingin ng ibang tao sa pamilya na may dugo ng dulan. Upang maiwasan ang pagkasira ng pangalan nila, ang ibang pamilya ng mga mago na nagkakaroon ng anak na dulan ay itinatapon ang kanilang anak sa Destal. Dito sinasanay ang mga batang dulan upang maging tagapag-silbi. Dahil ang mga tao sa Destal ang nagpa-laki sa kanila, may karapatan ang mga ito na ibenta sila sa mga mago.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Där berättelser lever. Upptäck nu