Ang ibang pamilya naman na tanggap ang kanilang mga dulan na anak ay hinaharap ang pangungutya. Ngunit lumaki man sa normal na pamilya ang mga bata, sa kanilang pagtanda ay tanging mabababang trabaho lang ang kanilang nakukuha.

Isa ang Destal sa naging dahilan kung bakit nahirapan noon si Ariadne na ayusin ang batas para sa mga dulan. Ilang makapangyarihang pamilya ng mga mago ang naka-suporta roon. Siguradong ito ang unang binuhay nila noong namatay siya at nagpatuloy ang pangaalipin nila sa mga dulan hanggang ngayon.

Nagising ang diwa ni Ariadne nang biglang dumating ang grupo ng mga guro nang marinig ang away ng dalawang grupo. Natural na tinignan sila ng masama ng mga ito. Natural na kakampihan ng mga ito ang mga batang mago na lumaki sa kanilang mundo. Kaya naman kahit na walang pag-uusisa na nangyari, kaagad silang pinalabas at pinapunta sa silid malapit sa kusina. Doon sila kumain ng kanilang tanghalian.

"Gusto ko nang umuwi!"

"Ako rin. Ayoko na rito. Bakit sila ganon? Ang yabang nila!"

"Gusto kong matuto ng magic."

"Ako rin naman pero ayoko sa kanila!"

"Hwag nalang natin silang pansinin."

"Kapag lumakas ako, lagot silang lahat sa akin! Hmp!"

***

Nagpatuloy ang klase sa hapon at ipinaliwanag sa kanila nang mabuti ang tungkol sa mahika. Binigyan sila ng mga libro upang basahin at mas mapabilis ang kanilang pag-aaral. Kumpara sa mga batang mago, natural na nahuhuli ang kanilang kaalaman dahil hindi sila lumaki sa Liyandra.

Lubos na ikinagulat ni Ariadne ang pagbabago sa mga mago. Pinakinggan niyang mabuti ang sinasabi ng guro sa harapan nila.

"May tatlong posisyon ang mga mago. Ang mababang mago, mataas na mago at punong mago. Ang mga mababang mago ay may kakayanan lamang na palakasin ang kanilang sarili at magpa-amo ng mga hayop. Iba rin sa kanila ay kayang mang-gamot ng mga simple at mababang sugat. Ang mga matataas na mago naman ay kayang kumontrol ng isang elemento — hangin, tubig, apoy o lupa. Ang pinaka-mataas na posisyon ay ang mga punong mago, kaya nilang kumontrol ng dalawa o higit pa sa mga elemento na nabanggit," paliwanag ng guro na si Belva.

Naikuyom ni Ariadne ang mga kamao. Paano iyon nangyari?! Noong nawala siya ay mas lumakas na ngayon ang mga ito?!

"Teacher, ano'ng posisyon ang may pinaka-maraming myembro?" tanong ni Ariadne na naka-taas ang isang kamay.

Ngumiti si Belva sa bata. "Sa ngayon, ang may pinaka-maraming populasyon sa kaharian ay ang mababang mago. Ang mga mataas na mago naman ay mabibilang sa ilang libo. At ang punong mago ay nasa ilang daan."

Libo?! Nasa ilang libo na ang may kayang kumontrol ng elemento! At nasa ilang daan ang may kayang kumontrol ng higit sa isa?! Paano nangyari ito?! Noong nabubuhay pa siya bilang reyna, may dalawang tao lang na kayang kumontrol ng tig-isang elemento. Matapos niyang patayin ang dalawa, siya nalang ang natira. Pero paano sila dumami at lumakas nang ganito? Sapat na ba ang isang libong taon para lumakas sila? Imposible!

Kung totoo nga ito, mukhang matatagalan pa ang kanyang paghihiganti!

***

Naging magulo ang isip ni Ariadne nang malaman ang malaking pagbabago sa mundo nila. Hindi parin niya maisip kung paano nangyari iyon. Abala siya sa pagbabasa ng kanyang libro habang naka-upo sa kanyang kama sa kanilang kwarto. Gusto niyang malaman ang sikreto ng paglakas ng mga mago.

"Addy, sasama ka ba?" tanong ni Mika sa kanya. Nag-suot ito ng jacket at mukhang naghahanda na lumabas.

Tumingin si Ariadne sa bata at sa bintana. Madilim na sa labas at alas otso na ayon sa bilog na orasan na nakasabit sa pader.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Where stories live. Discover now