Part 12

27.6K 1.3K 18
                                    


"ANO PO 'yon, Mommy? Sabihin n'yo na po," ungot ni Honeyleen kay Aria. Kanina pa siya kinukulit ng bata kung bakit niya ito binibihisan at inaayusan.

"Kapag sinabi ko ngayon, di hindi na 'yon magiging surprise, baby," ani Aria habang sinusuklay ang buhok ni Honeyleen. Katulad na katulad ng buhok ni Randall ang buhok ng bata—kulot ngunit pino ang mga hibla at mamula-mula kapag tinatamaan ng sinag ng araw.

Hinagkan ni Aria ang buhok ni Honeyleen. Mayamaya ay narinig na niya ang tunog ng humintong sasakyan. Naroon na naman ang pagkabog ng kanyang dibdib na nagiging pamilyar na sa kanya. She knew the inevitable moment had finally come and there was no way to avoid it. Kailangan lang niyang ihanda ang sarili sa mangyayari at sa mga maaari pang mangyari.

Hinawakan niya ang kamay ni Honeyleen. "Let's go outside, baby. Mukhang dumating na ang sorpresa mo."

Namilog ang mga mata ng bata at nagmamadaling tumakbo palabas sa bakuran habang hila-hila siya sa kamay. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Aria nang marating nila ang front door at tumambad ang isang van.

Animo slow-motion na dahan-dahang bumukas ang pinto ng sasakyan at iniluwa niyon si Randall. Naramdaman niya ang paghigpit ng pagkakahawak ni Honeyleen sa kanyang kamay. Tumingin ang bata sa kanya, nagtatanong ang mga mata at humihingi ng kumpirmasyon.

Marahang ngumiti si Aria at saka tumango.

Bumaling uli si Honeyleen kay Randall. "D-Daddy? Dad!"

Halos madurog ang puso ni Aria nang bumitiw si Honeyleen sa pagkakahawak sa kanya at patakbong lumapit kay Randall. Hindi maitago ang pananabik sa mukha ng bata. It was a kind of happiness she had never seen before in her little girl's face.

Patakbo ring sinalubong ni Randall si Honeyleen at maingat na niyakap nang buong higpit, na para bang sa pamamagitan ng yakap na iyon ay mapapawi ang ilang taong nawala sa mag-ama. Nakagat ni Aria ang ibabang labi nang mamula ang mga mata ni Randall at pasimpleng pinunasan ang mga butil ng luhang tumakas mula sa mga mata nito. Tila may kung anong nakabara sa lalamunan ng lalaki at panay ang lunok habang nakapikit at hinahaplos ang buhok ni Honeyleen.

"Daddy! It's really you, Daddy!" tili ni Honeyleen habang panay ang haplos ng maliliit na kamay sa mukha ni Randall, pagkatapos ay pinupog iyon ng matutunog na halik.

"Oh, sweetheart, I missed you so much!"

"Hindi ka na aalis, 'di ba, Daddy? Please, Daddy, 'wag ka na pong umalis. Ayoko na ng Barbie dolls, basta nandito ka lang. Please po..."

Napatda si Aria sa mga salitang binitiwan ni Honeyleen. Ganoon na ba katindi ang pangungulila ng bata sa isang ama? Limang taon lamang si Honeyleen pero ganoon na pala kalalim ang isip nito. Bakit hindi niya nakita ang bagay na iyon?

"No, sweetheart. Hindi na aalis si Daddy. Dito na lang ako. Miss na miss kita nang sobra," sagot ni Randall na tumingin sa kanya na tila para sa kanya ang mga salitang iyon.

Nag-iwas si Aria ng tingin. Hindi niya alam ang gagawin ngayong hindi na lamang nasa kanya ang atensiyon ni Honeyleen, may kahati na siya. Ikinatatakot din niya na baka hindi lang basta kahati si Randall. Baka tuluyan nitong agawin at ilayo sa kanya si Honeyleen.

"Marami akong dalang pasalubong, baby. 'You wanna see them?" mayamaya ay sabi ni Randall kay Honeyleen.

"Mamaya na lang po, Daddy. Sa 'yo lang muna po ako, ha?" sagot ni Honeyleen na animo matanda na kung magbitiw ng mga salita. Akala ni Aria, kapag narinig ng bata ang salitang "pasalubong" ay matutuon doon ang atensiyon nito. Nagkamali siya. Mukhang nangungulila talaga si Honeyleen sa isang ama. "Miss na miss po kita Daddy," wika pa nito bago isinubsob ang mukha sa leeg ni Randall habang ang maliliit na bisig ay nakasampay sa mga balikat ng lalaki.

Halatang ikinatuwa ni Randall ang sinabi ni Honeyleen dahil hindi maitago ang pagngiti ng mga mata nito.

Hindi naiwasan ni Aria na makaramdam ng paninibugho. Hindi pa man ay tila unti-unti nang nawawala sa kanya si Honeyleen.

Alam niyang may karapatan si Randall kay Honeyleen. Sa pangalan at kapangyarihang taglay ng lalaki, kayang-kaya nitong makuha ang pabor ng korte kung sakali mang aabot sila roon.

Ipinikit ni Aria ang mga mata at saka pasimpleng pinunasan ang mga luhang umalpas mula sa mga iyon. Malaking laban ang haharapin niya kung sakali. At paano siya papasok sa labang iyon kung sa simula pa lang ay alam na niyang talo siya?

Tatalikod na sana si Aria nang marinig niya ang pagtawag ni Honeyleen. "Mommy!"

Pilit siyang ngumiti na muntik nang maging ngiwi nang mapansin niyang nakatingin din sa kanya si Randall.

Karga si Honeyleen na tumayo si Randall at malalaki ang hakbang na lumapit sa kinaroroonan niya. "Hi, sweetheart. I missed you," malambing na pahayag ng lalaki. Aria froze when Randall's lips touched hers. Mabilis lamang iyon at alam niyang para lamang iyon sa mga mata ni Honeyleen.

"Na-surprise din si Mommy, 'di ba, Daddy? Hindi siya makapagsalita. Sige na, Mommy, tell Daddy you love him very much para hindi na siya mag-work sa abroad," sabi ni Honeyleen na binigyan pa siya ng nang-eengganyong tingin.

Nag-init ang mukha ni Aria sa narinig. Saan ba nakukuha ni Honeyleen ang mga sinasabi? Masyado ba niya itong hinahayaang manood ng TV? Pero alam niyang may kasalanan din siya roon dahil halos itanim niya sa isip ng bata na mahal na mahal niya ang ama nito.

"Mommy is also happy to see me, baby," ani Randall kay Honeyleen nang hindi pa rin siya umimik. "Come on, let's go inside. I'm hungry." Inakbayan siya ni Randall. Naramdaman ni Aria ang bahagyang pagpisil ng lalaki sa kanyang balikat bago siya iginiya papasok sa bahay. Parang tuod na nagpapadala na lamang si Aria sa agos.

Nagustuhan n'yo ba? VOTE na!

At First Sight (Completed!)Where stories live. Discover now