CHAPTER 2: The Reception

Začít od začátku
                                    

Tumingala si Jocas at ginaya ang kilos ng mga kontrabida sa mga pelikula habang tumatawa nang nakakatakot. Itinaas niya ang mga kamay habang pinagagalaw ang mga daliri.

Napabuga ang mga kumakain at umiinom malapit sa mesang iyon dahil sa ingay nilang mga naroon. Maririnig ang kaliwa't kanang pag-ubo at paghingi ng tubig. May mangilan-ngilang natawa na lang habang nakikitang sabay-sabay na nabulunan ang ibang bisita.

"Huwag kabado, practice lang!" Natatawa siyang dumampot ng plato at ibinaon sa mesa ang steak knife na hawak.

"We're fine, people! We're doing good!" malakas niyang paliwanag sa mga nagtataka kung bakit nagkakagulo sa puwesto nila habang dumadampot siya ng cupcakes sa mataas na cupcake stand.

"Relax!" sabi pa niya sa mga nasa hilera nila. "I'm just joking! Easy!" Bigay na bigay siyang tumalikod at kumindat saka kumaway nang matipid sa waiter na pinandidilatan siya ng mata gawa ng takot. "Ciao!"

Naglakad na siya paalis sa lugar kung saan maraming bisita. Tinahak niya ang daan sa kaliwa na may maliit na kahoy na tulay. Tumawid siya roon at pumunta sa pinakatagong lugar ng hardin para naman mapag-isa. Ipinatong niya sa pinutol na malaking sanga ng puno ang hawak na plato at tinanggal ang petticoat ng gown habang naglalakad, pagkatapos ay ipinampunas iyon sa mukha bago ibinato sa kung saan.

Nakakita siya ng isang upuang kahoy sa dulo at doon muna huminto upang makapagpahinga. Muli niyang inusisa ang paligid bago sinimulang kainin ang mga cupcake na kinuha.

"Uy, masarap, ha! Award!" Dala-dalawa na ang hawak niya at sabay iyong kinain. "Magkano kaya 'to? Makabili nga uli bukas."

Habang kumakain, tinanggal na rin niya ang lahat ng clips at pins sa naka-french twist niyang buhok. Ginulo-gulo pa niya ito at sinuklay-suklay gamit ang daliri para maayos ang pagkakalugay. Tumayo siya at lumapit sa isang mababaw na fountain na hindi gumagana. Isinawsaw niya ang kamay sa nilulumot nitong tubig para lang may maipanghilamos.

"Akala ko ba, masaya 'tong planong 'to?" tanong niya sa sarili habang pinupunasan ang mukha gamit ang braso sa harap ng kulay berdeng tubig. "Niloloko n'yo na naman ako, e."

"Excuse me."

Napalingon si Jocas sa kaliwa dahil sa nagsalita. Nakita niya ang isang lalaking huminto malapit sa puwesto niya. Hinagod niya ito ng tingin mula ibaba pataas.

Nakapamulsa ang kanang kamay, sukat sa katawan ang suot na itim na tuxedo, maganda ang tindig, brush-up ang itim na buhok, maaliwalas ang mukha, at kakikitaan ng ngiti sa mga mata. Walang duda na isa ito sa mga bisita nila.

"Yes? May kailangan ka?" simpleng tanong ni Jocas habang kinakawkaw ang kamay sa maruming tubig ng fountain.

"What are you doing here?" tanong nito habang palingon-lingon sa paligid.

Tiningnan muna niya ang sarili bago sumagot. "May panyo ka?"

Sandaling napaisip ang lalaki sa tanong. "Yes, why?" Kinuha naman nito ang asul na panyo sa kaliwang bulsa para iabot kay Jocas.

Lumapit siya sa lalaki upang kunin ang panyo nito. "Thank you," nakangiti niyang pagpapasalamat at pinunasan na rin ang basang mukha.

Kita ang pagtataka sa mukha ng lalaki dahil sa basang mukha ni Jocas. Hindi tuloy nito naiwasang silipin ang fountain sa tabi lang nila. Napakunot ang noo nito nang makita kung gaano na kakapal ang lumot sa ilalim ng fountain.

"Did you just. . . ." Itinuro ng lalaki ang fountain dahil hindi nito maituloy ang sinasabi.

"Gusto mong umupo?" alok ni Jocas.

"Ha? Um, sure?" hindi pa nito siguradong sagot.

Tumango na lang ang lalaki kahit na hindi nasagot ni Jocas ang tanong niya. Sinamahan nitong maupo si Jocas sa malapit na kahoy na upuan.

Project RYJO 1: The NewlywedKde žijí příběhy. Začni objevovat