"Alam po ba ng anak n'yo kung saan 'yung palengke?" natatawang tanong ni Jamila.

"Hindi, nagmamarunong lang," natatawang sagot ni papa.

Tuluyan ng natawa si Jamila. Naramdaman ko ang maliit n'yang kamay sa balikat ko dahilan para mapahinto ako sa paglalakad. Sinubukan kong kumalma bago s'ya nilingon.

"Bakit?" takang tanong ko.

Nginitian n'ya ako 'tsaka umakbay sa akin kahit pa mas matangkad ako sa kanya ng ilang dangkal. Maliit na babae lang s'ya.

"Aah! Anong problema mo?" singhal ko sa kanya.

"Sabay tayong maglakad at baka pag-lingon mo sa amin ng papa mo ay wala na kami,"

Nagsimula na s'yang maglakad habang nakaakbay pa rin sa akin. Ang siste ay nakayuko ako habang ang totoo ay halos kaladkarin na n'ya ako.

"Ah! Bitawan mo 'ko, aray!" inis na utos ko sa kanya.

Naririnig ko pa si papa na natatawa at tila walang balak na pigilan si Jamila sa ginagawa n'ya sa akin.

"Ayy! Sorry," sabi n'ya pagkatapos ay binitawan ako.

Sininghalan ko s'ya bago sumabay na sa kanya sa paglalakad. Sa tingin ko ay ginagantihan n'ya ako sa ginawa ko sa kanya kagabi. Mahilig rin pala s'yang mang-asar, ha! Tingnan lang natin.

Itinuro ni Jamila ang mga tindahan kung saan ang gulay, karne, prutas at kung ano ano pang rekado. Mukhang kabisado n'ya ang lugar na ito kahit na mukha s'yang lumaki sa marangyang buhay. Balita ko kasi ay parehong OFW ang nanay at tatay n'ya at wala silang iniindang problema dahil may mga pag aari pa silang apartment sa ilang lugar malapit sa bahay na tinitirhan ng lola n'ya. Street lamang iyon at hindi sa subdivision ngunit malaki pa rin ang bahay nila kahit papaano.

"Mukhang kabisado mo dito, iha? Siguro, magaling kang magluto, ano?" panunukso ni papa.

Natawa si Jamila at humarap sa amin, "to tell you the truth, tito. Hindi ako marunong magluto. Sumasama lang ako sa mga kaibigan ko na pumupunta dito."

Napakamot si papa sa ulo at hindi makapaniwala sa naging sagot ni Jamila.

Pagkatapos mamalengke ay halos mag alas kwatro na. Si Jamila ay panay na ang hikab at mukhang inaantok na.

"Salamat sa pag-sama sa amin, iha. Heto, tanggapin mo," inabutan ni papa si Jamila ng pera at tinanggap n'ya naman iyon.

"Salamat po, hindi ko po tatanggihan dahil grasya 'to," natatawang sagot ni Jamila.

Pagkatapos 'non ay nagpaalam na si Jamila dahil antok na antok na raw s'ya. Marahil ay kaunti lang ang tulog n'ya dahil lasing s'ya kagabi. Bakit nga ba s'ya naglasing? Sigurado ako, hindi alam ng lola n'ya iyon.

"Gusto ko ang pagiging prangka ng batang iyon," natutuwang sabi ni papa habang nagtatadtad ng sibuyas.

"Sino Pa?" tanong ko, bigla na lang kasi s'yang nagsalita.

"Edi si Jamila."

Tumahimik na lamang ako. Oo nga pa, gusto ko nga rin si Jamila, eh. Ang kaso sa kilos n'ya ay mukhang hindi s'ya matinong babae. Malayo sa pinangarap ko. Ang buong akala ko kasi ay mahinhin, mabait, magalang at matinong babae s'ya noong una ko s'yang nakita ngunit ng makilala ko s'ya kagabi ay doon ko napansin ang malaking pagkakamali ko. Tama nga talaga na huwag husgahan ang isang tao, base sa panlabas na itsura. Tulad ng kasabihang hindi lahat ng nakapantalon ay virgin.

Iiling iling na sinumulan ko ng lutuin iyong adobo. Si papa ay abala na sa pag aayos ng mga lamesa at ng mga naluto na namin sa mahabang lamesa. Nagmukhang karinderya ang style ng shop ni papa. Ngunit may mga naka-display nga lang na wine doon sa counter para kung may gustong bumili ay pwedeng pwede.

Undeniable FeelingsWhere stories live. Discover now