Ikalabing-isa: Ang Bata sa Sunog

478 22 1
                                    

Patapos na ang school year at karamihan sa mga estudyante sa dormitoryo ay nagkukumahog na mag-aral para sa final exam. Isa doon si Antonio, hindi gaanong kataasan ang nakuha niya noong prelims kaya't kailangan niyang bumawi sa finals. Ayaw niyang mamarkahan ng pula ang malinis niyang record. Isa pa, nakakabagot at nakakapagod ulitin ang unit mula umpisa. Para ka lang nanonood ng isang replay na boring na pelikula.

Kahati ni Antonio ang dalawa pang lalaki sa kwartong iyon. Silang dalawa ay abala rin at halos hindi mo makausap sa pagkaseryoso. Para bang may isang bagyong parating na kailangang paghandaang mabuti. Ilang sandali pa at tila napuno na ang isa.

"Pagod na ako," wika ng isang lalaki na may kulay ang ilang hibla ng buhok sa kanyang harapan at hindi katangkaran.

Padabog nitong binagsak ang hawak na libro kasama ang lapis sabay humiga nang padabog. Sa mga panahong ganito, mataas talaga ang pag-aalala at pressure na nararamdaman ng mga estudyante. Walang kasiguraduhan kung ang pagsusumikap nila ay masusuklian ng tamang gantimpala. Ang hirap nga na nararanasan ng estudyante sa Pilipinas ay hindi proportional sa sahod na natatanggap nila pagpasok nila sa mundo ng pagtatrabaho.

"Pahinga muna," sumegunda pa ang isang lalaking may hikaw sa kanyang tenga.

Nilapag sandali ni Antonio ang binabasa. Tama naman si Alberto at Renato, wala ka lalong mapapala kung pipilitin mo ang sarili mo gayong umaayaw na at pagod na ang isipan mo. Mas mabuting magpahinga sandali at saka bumalik. Ginaya ni Antonio ang kaibigan at humiga din. Kahit sandali lamang ay mabalot ng katahimikan ang isipan at makapagpahinga. Kahit ba matapos ang isang oras ay muli niya na naman bubugbugin ang isipan.

"Sige pahinga muna ng isang oras,"

Sandaling nabalot ng katahimikan ang buong lugar. Saglit na ipinikit ni Antonio ang kanyang mga mata upang ipahinga 'yon ngunit agad din siyang nabulabog sa boses ni Renato.

"Alam niyo ba 'yang kwento sa nasunog na bahay diyan malapit sa kolehiyo natin?" tanong ni Renato sa dalawa

"Alin 'yung nasunog noong isang lingo? Naiwang kandila daw," sagot ni Alberto

Kumunot ang noo ni Renato na mukhang hindi makapaniwala sa k'wento tungol sa kandila. Base kasi sa mga narinig niyang usap-usapan ay malayo ang posibilildad na iyon. Isa pa, mukhang may mas malalim na dahilan dito.

"Kaklase ko 'yung kapitbahay nila. Halos gabi-gabi raw kung marinig mong binubugbog ng ama 'yung anak niya. Hindi niya raw kasi anak iyon. Bago raw dumating galing trabaho 'yung tatay niya, magtatago na ang bata. Kapag nakita siya, bugbog ang aabutin niya," kwento nito

"O eh anong kinalaman sa sunog ng k'wento mo," natatawang sabi ni Antonio na para bang nagiging tsismoso na ang dating.

"Napatay daw talaga ang bata. Para maitago daw ang ebidensya, sinunog na lang ang bahay. Hindi nga raw pina-autopsy ang bangkay ng bata. Sinabi nila, namatay sa sunog ang bata," sagot ni Renato

"Kung totoo'yon di sana nakakulong na ang tatay. Baka nga namatay sa sunog," ani Alberto

"Kung buhay pa ang tatay. Ang k'wento sa akin, namatay daw ang tatay ilang araw pagkatapos nilang lumipat ng bahay. Basag na basag daw ang mukha na parang pinaghahampas ng mabigat na bagay."

"Baka 'yung asawa ang pumatay. Natauhan siguro," dugtong ni Antonio

"Baka nga, eh hindi na makausap ang Nanay. Sigaw na lang nang sigaw. Sinisigaw daw ang pangalan ng anak niya. Sabi, buhay pa raw ang anak niya. Nasiraan na raw ng ulo."

Natahimik si Antonio na tila naawa sa sinapit ng pamilya. Tila isang malaking trahedya ang tumama sa mga ito. Matapos mamatay ang dalawang miyembro ng pamilya ay tinakasan naman ng katinuan ang ina ng tahanan.

"Gusto niyong puntahan natin ang bahay habang nagpapahinga tayo?" tanong ni Renato sa mga kaibigan

Nagkatinginan si Antonio at Alberto. Sa kanilang tatlo ay si Renato ang mahilig sa mga katatakutan at tila alam na nila ang nasa isip nito. Ang dalawa naman ay hindi naniniwala sa mga bagay na ganito. Masyado na silang maraming iniisip nitng mga nakaraan taon tungkol sa kanilang kurso. Wala na silang panahon para gugulin pa iyon sa mga bagay na hindi maintindihan at maipaliwanag.

"H'wag na," tanggi ni Antonio

"Titingnan lang natin. Wala naman tayong ibang gagawin."

Sumuko sa kakulitan ni Renato ang dalawang kaibigan. Hindi naman nalalayo sa kanilang tinutuluyan ang bahay na nasunog. Naalala pa nga nila kung paano sila nag-impake sa takot na umabot sa kanila ang sunog.

Ilang minuto din ang nilakad nila hanggang narating nila ang lugar. Langhap mo pa rin ang masakit sa ilong na amoy ng sunog na bagay.

"O anong gagawin natin dito?" tanong ni Alberto kay Renato

"Makikipaglaro sa bata?" natatawang sabi ni Antonio

Saglit na luminga-linga si Renato na parang tinitingnan kung may tao sa paligid sabay sumigaw, "Nandito kami bata. Sabi ng nanay mo buhay ka pa."

Nagulat ang dalawa sa ginawa ni Renato. Luminga-linga pa sila at baka may mga nanonood sa kanila. Takot lamang nila na isipin ng iba na nasisiraan sila ng bait. Ngunit dahil nga hindi pa naaayos ang lugar na nasunog, wala pang gaanong tao doon.

Naka-ilang tawag pa si Renato ngunit sa huli ay nabigo siya. Wala ni anino ng bata ang nagpakita sa kanila. Sa huli ay napagdesisyunan nilang umuwi na lamang.

Nang marating nila Antonio ang kanilang k'warto ay agad siyang bumalik sa kanyang pinag-aaralan. Laking gulat niya nang makita niyang may nakasulat sa kanyang kwaderno.

'Pasensya na po, wala po ako sa bahay kanina kaya hindi ako nakipaglaro sa inyo'

Lalong nanlaki ang mga mata niya nang ilipat niya ang pahina ng kanyang kwaderno. Nakasulat doo ang mga salitang 'Hindi kita lulubayan, Papa'

"Hindi magandang biro ito," naiinis at takot na sabi ni Antonio sa dalawa niyang kasama sa k'warto

Nagtinginan ang dalawa. Alam nilang wala sa kanilang dalawa ang makakasulat noon dahil sabay-sabay silang lumabas at bumalik sa k'warto.

"Baka may nagbibiro lang sa 'yo diyan sa ibang kwarto," nilakasan pa ni Alberto ang boses para marinig siya ng kabilang silid.

"Kaya nga, narinig siguro tayo kanina," segunda pa ni Renato

Lumipas ang ilang araw at natapos ang semester. Nakapasa ang tatlo sa kanilang mga pagsusulit at nagsi-uwian na sa kanilang mga probinsya. Nakalimutan na rin ni Antonio ang nakasulat sa kwaderno. nakumbinsi siyang may nais lamang magbiro sa kaniya.

Ilang oras din sa biyahe bago niya nadatnan ang kanilang bahay. Pagpasok niya sa kanilang bahay ay magiliw siyang binati ng kanyang magulang. Agad siyang umakyat sa kanyang k'warto upang sandaling magpahinga subalit hindi pa siya nakakahiga ay tinawag na siya ng kanyang ina.

"Ton-ton, may naghahanap sa iyo sa labas."

Dali-dali siyang bumaba upang tingnan kung sino iyon. Pagbukas niya ng pinto ay isang batang payat na nakangiti ang bumati sa kanya. Binalot ng takot si Antonio sa sumunod na sinabi nito.

"Medyo natagalan, pero p'wede na akong makipaglaro sa'yo ngayon, Papa."

TwistedWhere stories live. Discover now