Panimula ng Ikalawang Arko- Mangangatok

31 6 2
                                    

Mataas na ang sikat ng araw na lumalagos sa nakabukas na bintana ng sasakyan. Magkagayunman, malamig pa rin ang simoy ng hangin, tanda na paparating na ang araw ng Kapaskuhan. Lalo pang pinaalala kay Calix ang Pasko sa tugtog ng mga kanta ni Jose Mari Chan na walang tigil na pinapatugtog ng kanyang ama. Hindi naman sa ayaw niyang makinig ng awiting pamasko, ilang araw na rin kasing paulit-ulit ang mga kantang ito at may puntong nakakabagot na.

Si Calix ay labindalawang taong gulang, mataas siya para sa kanyang edad na may bagsak na buhok. Napilitan siyang sumama sa bakasyong ito ng kanilang pamilya. Matagal na rin daw noong huli silang nakabisita sa kanyang abuelo. Isa pa, wala naman siyang pagpipilian dahil walang maiiwan sa bahay maliban sa kanya. Kung hindi lamang din sa kanyang ama na kauuwi lamang galing ibang bansa ay hindi sila aalis sa kanilang lugar.

"Naiinip ka na ba? Malapit na tayo," alo ng kanyang ama na nakatingin sa 'rear view mirror' ng sasakyan. Alam ng ama nito na mas gugustuhin ni Calix na ipagdiwang ang Pasko sa kanilang lugar kung saan naroon ang kanyang mga kaibigan.

Habang kinakausap si Calix ng kanyang ama ay nakita niyang hinawakan ng kanyang ina ang braso nito na parang sinasabi na hayaan na lamang muna ang bata. Alam ng kanyang ina na naninibago siya sa presensya ng ama. Taon ang binilang bago ito muling bumalik sa kanila. Ang kanyang mga magulang ay hindi pa katandaan, ngunit pansin mo na ang mangilan-ngilang puting buhok na sumusilip at ang maninipis na linya sa leeg at mata.

"Hindi po,"maikling tugon ni Calix sa kanyang ama. Matapos iyon ay binaling niya sa labas ang kanyang tingin at iniwasan ang matamang pagtingin ng kanyang ama.

Ilang liko pa ay narating na nila ang baryo ng kaniyang ama. Marami itong mga kwento tungkol sa mga dinadaanan nila; ang eskwelahan na pinag-aralan nito noong elementarya, ang tindahan na madalas utangan niya, si Aling Mayet na palagi silang pinapagalitang magkakaibigan. Tila wala namang narinig si Calix sa mga kwento ng ama. Dumating ang punto na napagod na sa kakuk'wento ang ama dahil napansin nitong wala namang nakikinig sa kanya.

"Nandito na si Julio," malayo pa lang sila ay nadinig na ni Calix ang boses ng isang matandang lalaki na parang sabik na sabik na makita ang padating na sasakyan. Natanaw niya rin ang isang may edad na babae na nagmamadaling lumabas ng bakuran upang salubungin ang mga paparating.

Matapos maihinto ng kanyang ama ang sasakyan ay dali-dali itong bumaba. Hindi na nito naalintana na buksan pa ang pintuan para sa asawa. Yumakap agad ito sa dalawang matanda. Nagkusa na lamang bumaba ang babae ngunit nanatili siya sa likod na para bang hinahantay na kilalanin ang kanyang presensya.

Sa gitna ng matitinis na halakhakan ng mga taong matagal na hindi na nagkapiling ay napansin ng matandang babae ang asawa nito na nakatayo lamang sa may likuran. "Milette, ano ba't nakatayo ka lamang diyan. Pumarine ka at nang makita kita nang malapit. Matagal na kitang hindi nakikita," nangiti ang babae at saka sabik na lumapit sa matanda. Nagmano siya sa dalawang matanda habang kinakamusta sila.

Si Calix naman ay nanatili sa loob ng sasakyan. Nagdadalawang-isip kung bababa ba o mananatili pa nang mas matagal sa loob. Mahirap para sa kanya na kausapin ang mga kamag-anak na hindi niya gaanong kilala. Kailangan niyang sapilitang ngumiti at umarte na masaya siyang makita sila gayung wala naman siyang nararamdaman.

"Bumaba ka na diyan Ijo," wika ng matanda habang kinakalampag nang nakangiti ang salamin ng sasakyan.

Walang pagpipilian si Calix kung hindi ang bumaba. Umarte ito sandali na inaayos ang kanyang bag ngunit sa totoo ay humuhugot ito ng lakas ng loob para harapin ang mga taong ito. Binuksan niya ang pintuan at akmang lalabas ngunit nahirapan na siyang lumabas nang tuluyan dahil nagkukumpulan na sa kanyang harapan ang kanyang mga pinsan, lolo at lola.

"Ay kag'wapong bata neh,"malakas na sabi ng matandang babae habang nakangiti.

"Calix, mag-bless ka sa lolo at lola mo," utos ng kanyang ama. Sandali munang tumingin si Calix sa kanyang Ina na parang nanghihingi ng kumpirmasyon bago tumugon sa utos ng ama.

TwistedWhere stories live. Discover now