Ikalabingdalawa-Huling Taguan

Magsimula sa umpisa
                                    

#

Samantala, malalim at mabagal ang paghinga ni Chen habang nakatago ito sa isa sa mga aparador sa may klinika ng gusali. Pisil-pisil niya ang isang malalim na sugat sa tagiliran. Ramdam niya na rin ang unti-unting paglabo ng kanyang paligid at tila ba inaantok siya. Kanina lamang ay narinig niya ang mga hiyawan sa labas na maaring kagagawan ng bata. Dahilan kung bakit nagpasiya siyang magtago dito.

"Papa," nanunudyong tawag ng bata sa kanya. May hawak itong mahabang kutsilyo na puno ng dugo.

Halos pigilin na rin ni Chen ang kanyang paghinga sa takot na marinig nito ang malalim niyang paghinga. Kung maari lamang ay kahit ang panginginig ng kanyang katawan ay pipigilin niya.

"Nandito ka ba?" tanong muli ng bata habang pinapakiramdaman ang buong paligid. Hinahampas pa nito ang kutsilyo sa mga lugar na p'wedeng pagtaguan ni Chen. Sa hindi malaman na dahilan ay hindi nito binuksan ang mga aparador.

Makalipas ang ilang minuto ay binalot ng katahimikan ang buong lugar. Sa isip ni Chen ay palilipasin niya muna ang ilang minuto bago siya lalabas at tatakas sa lugar na ito. Dahan-dahan niyang inayos ang kanyang sarili. Napapangiwi ang kanyang mukha sa bawat maliliit na galaw dahil sa kumikirot na sugat niya. Maingat niyang binuksan ang pintuan ng aparador. Laking gulat niya nang nakitang nasa harapan lang pala ng aparador ang bata at nakangiti. Napagtanto niyang pinaglalaruan lamang siya nito kanina pa.

Ang sitwasyon naman ni Chelsea ay hindi naiiba kay Chen. Patuloy pa rin siyang tumatakas sa pangil ng aninong humahabol sa kanya.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan..." pilit na lumalayo si Chelsea sa tinig na naririnig niya ngunit sa bawat pagtakbo niya ay lalo lamang lumalakas ito. Matapos iyon ay nagpakawala ang tinig ng isang nakabibinging halakhak. Sa huli ay naintindihan ni Chelsea na hindi siya makakawala dito. Papatayin siya nito sa oras na mainip ito at mainis. Huminto siya sa pagtakbo, hindi niya dito ibibigay ang kasiyahan sa mga huling sandali ng kanyang buhay.

Halos naghalo na ang uhog at luha ni Chelsea, alam niyang nalalapit na ang kanyang katapusan. Unti-unting nabuo ang imahe ni Tim sa kanyang harapan na puno ng dugo galing sa mga taong napatay niya. Nakakunot ang noo nitong lumapit sa kanya.

"Sigurado ka bang pagod ka nang tumakbo at magtago?"

"Tapusin mo na ako," wala kang mababakas na buhay sa mga tinig na lumalabas kay Chelsea.

Habang papalapit is Tim sa kanya ay narinig ni Chelsea ang isang malakas na sigaw. Kilala niya ang boses na iyon. Kahit sandali niya lamang nakausap si Chen ay natandaan ni Chelsea ang boses niya. Nagmamadali niyang tinungo ang lugar na kinaroroonan ni Chen. Sinundan niya ang sunod-sunod na ingay ng daing. 'Di malaon ay narating niya ang klinika ng gusali. Naroon sa isang bakal na mesa si Chen. Inooperahan ng bata ang kanyang katawan ng walang anesthesia.

Halos di makapaniwala si Chelsea sa nakita. Hindi siya nakagalaw habang nakatingin sa kanya si Chen. Animoy nagmamakaawa na sagipin siya. Walang nagawa si Chelsea kung hindi ang patuloy na pagmasdan ang katawan ni Chen. Kahit na mapigilan pa niya ang bata ay hindi na nito masasagip pa ang kanyang buhay.

Aatras sana si Chelsea ngunit naalala niyang ito na ang kanyang huling baraha. Kung tama ang hinala niya ay ang batang ito ang dahilan ng pagkamatay ni Tim. Masasagip niya ang kanyang buhay sakaling makita ito ni Tim.

"Wala ka nang kawala, Chelsea," ani Tim habang natatawa na parang siyang-siya sa kanyang ginagawa.

Sandaling natigilan ang bata sa ginagawang pag-oopera kay Chen na para bang may pumukaw sa atensyon nito. Sa pakiwari niya ay pamilyar ang boses na ito sa kanya. Kinuha nito ang scalpel at iniwan ang naghihingalong si Chen. Unti-unti itong naglakad patungo kay Chelsea. Gusto sanang tumakbong palayo ni Chelsea ngunit ayaw sumunod ng kanyang katawan sa utos ng kanyang isipan. Tila ba naparalisa ang kanyang buong katawan sa takot.

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon