Bago sumibol ang bilog na buwan pagkatapos ng anihan, dapat na silang bumalik ng Maynila, sabi niya sa kaniyang isipan. Hindi sila dapat magtagal sa aming lugar kahit na gusto ko pa silang makasama. Hindi maaari...

Madilim na ang paligid ng marating nila ang Vigan. Umikot-ikot muna sila sa bayan upang maghanap ng makakainan.

"Tama na ba sa'tin yung isang order ng bagnet, pakbet, tig-iisang kanin at empanada?" tanong ni Randy ng maupo sila sa isang kantina.

"Oo tama na 'yon sa ating lima. Ikaw lang naman ang malakas kumain sa'tin," pabirong sagot ni Marvin sabay tapik sa balikat ng nakangiting si Randy. "At saka medyo busog pa nga ako sa tupig na nabili natin kanina eh. Kung di lang espesyal ang bagnet, pakbet at empanada dito eh wala pa sana akong planong kumain."

"Aba, kailangan natin matikman ang pagkain nila dito 'no?" sabat ni Sabel. "Hindi natin masasabing nakapag-Vigan tayo kung 'di natin matitikman ang mga 'yan."

"Oh eh 'di sige, oorder nako. Puntahan ko na sa counter si manang tindera," wika ni Randy sabay tayo.

"Malayo pa ba ang ibibiyahe natin, Luna?" biglang tanong ni Tina ng makaalis si Randy. Pagod siyang humilig sa balikat ng kasintahan.

"Oo, malayu-layo pa. Mga mahigit tatlong oras pa hanggang Pagudpud, depende pa sa lugar na madadaanan natin. Minsan kasi may road construction, dun natatagalan dahil one way lang ang daan."

"Hay, grabe pala ang layo ng lugar n'yo 'no?" sabi ni Sabel. "Nakakapagod nga talaga. Halika, balik na tayo ng Maynila," sabay tawa ng dalaga.

Pagkatapos nilang kumain, bumiyaheng muli ang grupo. Dahil sa kabusugan, hindi pa masyadong nakakalayo ang kanilang sasakyan ay nakatulog muli ang mga kaibigan ni Luna. Ang driver naman ay halos hirap sa pagmamaneho dahil sa dilim ng daan.

"Ganito ba talaga dito?" tanong niya sa katabi. "Halos walang ilaw ang mga poste?"

"Balita ko eh matagal na raw gan'yan dito," sagot ng kasalitang driver. "Mahirap nga dito dahil bukod sa madilim eh, liku-liko pa ang daan. Ayan, may sharp curve uli," babala niya.

Hindi umimik si Luna sa kaniyang mga narinig, bagkus ay pinili niyang magpanggap na natutulog. Hinayaan na lamang niyang mag-usap ang dalawang driver sa harapan.

Paglipas ng mahigit tatlong oras, sinilip ni Luna mula sa salaming bintana ang lugar na kanilang tinatahak.

Malapit na pala kami sa Pagudpud. Kailangan ko ng matawagan si itay, sabi niya sa isipan.

Dinukot ni Luna mula sa kaniyang backpack ang cellphone at sinimulang pindutin ang numero ng kaniyang ama.

"Hello, itay? Itay?" may kalakasang sabi ni Luna. Tila ba naalimpungatan ang mga kaibigan niyang natutulog at sila'y bahagyang naggalawan. "Opo... Malapit na kami sa Pagudpud... Opo... Ah, siguro mga limang minuto na lang nariyan na kami sa may arko... Ah, kanina pa po ba kayo nag-aantay d'yan?... Osige po, d'yan na kami magpapababa."

Matapos kausapin ang ama, ginising niya ang kaniyang mga kaibigan. "Tina, Marvin, Sabel, Randy, malapit na tayo," sabi ni Luna. "Mga kuya, paki hinto na lang po kami sa may arko. Dun po kasi kami susunduin ng itay ko."

"Osige," sagot ng driver.

Hindi nagtagal at huminto ang van sa gilid ng arko ng Pagudpud. Agad na lumabas si Luna at agad rin niyang nakita ang isang lumang jeep na nakaparada sa tabi ng maliwanag na poste, hindi kalayuan sa kinaroroonan nila. Mula sa jeep, may bumabang isang morenong matandang lalaki. Dali-daling naglakad si Luna papalapit dito.

"Itay!" bati niya sa lalaking may manipis at maputing buhok, ngunit may magandang pangangatawan. Niyakap niya ito, at sinuklian naman siya nito ng isang mahigpit na yakap.

"Pasensiya na kung hindi ako nakauwi nung pasko. Abala ako ng panahong iyon sa pag-aaral dahil sa kumpetisyon nung Enero."

"Walang problema, anak. Naiintindihan namin ng iyong ina," sagot ng ama. "Teka, kasama mo ba ang mga kaibigan mo?"

Bumitiw si Luna sa kaniyang ama. "Opo, itay," sagot niya. "Isinama ko sila tulad ng sabi n'yo. Pero gusto kong ipangako n'yong papaalisin natin sila bago matapos ang anihan," may pangamba sa tinig ni Luna.

"Oo, anak. Pangako 'yan."

Mula sa kinaroroonan, natanaw ni Luna ang pagbaba ng mga kaibigan mula sa van. "Itay, kukunin ko lang ang mga gamit ko."

"Oo, sasamahan na kita."

Nilapitan nila ang van at magalang na bumati ang mga kaibigan ni Luna sa kaniyang ama.

"Magandang gabi din naman," sagot ng matanda sa mga ito. Binaling niya ang tingin sa mga maleta at kahon. "Eto ba ang mga gamit mo, Luna?" tanong niya.

"Opo, itay."

Kahit na may edad na ang ama ni Luna, maliksi nitong binuhat ang kahon at naglakad patungo sa jeep.

"Ang lakas pa ng itay mo ha," sabi ni Randy.

"Oo," nakangiting sagot ni Luna. "S'ya nga pala, Randy. Paki abot na lang itong dalawang libo sa mga kaibigan mong driver. Pang dagdag man lang."

"Hindi na, Luna," tanggi ni Randy. "Nag-abot na kami sa kanila bago kami bumaba. Dinagdagan na namin dahil sa layo ng biyahe." Ngumiti ang binata.

"Ganun ba. Eh, plano ba nilang dumiretso na ng uwi? Naisip ko kasi na baka pagod na sila, eh baka gusto muna nila magpalipas ng gabi rito. May kakilala si itay sa isang malapit na resort dito na pwede nilang matuluyan."

"Gusto na daw nilang dumiretso ng uwi," sagot ni Randy. "Iidlip na lang daw sila sa daan pag nakaramdam ng antok."

"Ah ganun ba. Osige. Eh di tayo na sa jeep," sabi ni Luna.

"Malayo pa ba yung lugar n'yo?" tanong ni Sabel.

"Medyo malayo pa. Halos dalawang oras pa."

"Hay, grabe talaga ha. Mukang dulo na ata ng Pilipinas ang lugar n'yo," wika ni Sabel.

Ngumiti si Luna.

"Halika na at dalhin na natin itong mga gamit ni Luna sa jeep, at nang makapagbiyahe na muli," sabi ni Marvin.

Tinungo ng magkakaibigan ang sasakyang dala ng ama ni Luna at isinakay ang mga gamit. Nang maayos ng lahat, umandar na ang sasakyan papalayo sa arko.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now