Kabanata f(x - 34)

Magsimula sa umpisa
                                    

Ilang saglit pa muli silang hinarap ng mga guardia civil at inilahad ang palad nila sa harapan ni Nay Delia "Una tonelada de plata hará" (A ton of silver will do) ngisi ng guardia sabay tawanan muli. Nagkatinginan naman sila Nay Delia, Mang Berto at Mang Isko. batid nilang maaaring gawan sila ng kwento ng mga guardia upang maharang sila sa San Alfonso at hindi na makaalis doon kung hindi sila magbibigay ng suhol.

Napahinga na lang ng malalim si Mang Isko na siyang kutsero ng pangalawang kalesa. Inilabas niya ang sampung piraso ng pilak na nasa kaniyang bulsa. Agad namang sumilay ang ngiti sa mga gahamang guardia at dali-daling nag-agawan sa mga pilak. " (Go ahead...) wika ng isa sa kanila sabay hampas ng malakas sa likuran ng kalesa ni Mang Kiko dahilan para magising ang mga batang anak nito.

"Dámelo!" (Give it me!)

"Es mio!" (It's Mine!)

Muli nang pinatakbo ni Mang Berto na kutsero ng unang kalesa, Mang Isko na kutsero ng pangalawang kalesa at Mang Islao na kutsero ng huling kalesa. Napalingon naman si Salome sa limang guardia civil na nag-aagawan sa mga pilak, para silang mga gutom na aso na minsan lang makatikim ng karne.

Tahimik ang buong paligid, mas malamig ang hamog na humahampas sa kanila. Lalong-lalo na dahil malapit na sila sa lawa ng luha kung saan umiihip na ang malakas na hangin. Agad natanaw ni Salome ang bangkang tinutukoy ni Fidel na sasakyan nila patawid sa kabilang isla. At sa oras na makalabas na sila sa San Alfonso hindi na alam ni Salome kung saan sila tutungo.

"Dahan-dahan lamang ang pagbaba ng mga kagamitan, hangga't maaari ay huwag tayong lumikha ng ingay" paalala ni Nay Delia at siya mismo ang naunang bumaba sa kalesa. Sumunod naman sa kaniya ang iba. "Anong oras itatakas nila Pedro sina Isko, Ernesto at Danilo?" tanong ni Mang Berto, nang marinig iyon ni Salome ay bigla siyang siniklaban ng takot. Batid niyang delikado ang gagawin nilang iyon.

Napatingin si Nay Delia sa madilim na kalangitan, Madaling araw na at ilang oras na lang ay sisikat na ang araw. "Bago magliwanag ay narito na sila... dapat" sagot ni Nay Delia habang nakatingala sa kalangitan. Kasabay niyon ang pagihip ng malamig na hangin. Wala ni isa sa kanila ang nagsalita o kumibo, pare-parehong natahimik sa katotohanang ilang oras na lang ang natitira nilang pag-asa.

Tulong-tulong nilang ibinaba ang mga malalaking baul, bayong, banyera at mga tampipi mula sa kalesa. Naunang naglakad si Salome patungo sa bangka na nakaabang sa bungad ng lawa, naalala niya bigla ang alamat ng lawa ng luha na ikinuwento sa kaniya noon ni Fidel. Sa pagkakataong iyon, pinagmasdan niya ang buong tanawin sa lawa, hindi niya mapigilang malungkot dahil sa hatid nitong kalungkutan.

Ngayon naiintindihan ko na ang hatid na lungkot na dala ng lawang ito...

"Lumeng... ikaw ba ay ayos lang?" tanong ni Mang Berto dahilan para matauhan si Salome, hindi niya namalayan na kanina pa pala siya nakatitig sa lawa ng luha habang buhat-buhat ang dalawang bayong. "O-opo Mang Berto" sagot ni Salome, sinubukan niyang ngumiti pero hindi niya magawa, sa pag-alalang nasa panganib ngayon ang buhay ng kaniyang itay at dalawang kapatid.

Napahinga naman ng malalim si Mang Berto, maging siya ay napatitig na lang din sa lawa ng luha na kumikinang ngayong gabi dahil sa liwanag ng buwan. "Pagmasdan mo ang buwan Hija... Sadyang napakaganda kung iyong titingnan... ngunit inaabot ito ng halos tatlumpung araw bago muling mabuo ang Kabilugan ng buwan..." panimula ni Mang Berto, dahilan para mapatitig na rin si Salome sa buwan.

"Sa buhay na ito... Maswerte na kung matunghayan mo ang bawat kabilugan ng buwan sa loob ng isang taon, Maswerte na kung ikaw ay makakakain sa loob ng tatlumpung-araw, Maswerte na rin na maituturing kung makakauwi ka ng buhay at malakas matapos ang ilang buwang paninilbihan sa polo" wika ni Mang Berto, Naalala ni Salome na noong nakaraang taon ay dalawang buwan na nakaratay sa kama si Mang Berto na kapitbahay nila sa Tondo dahil nabagsakan ito ng adobe noong itinatayo nila ang mga pader sa Intramuros.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon