Kabanata f(x - 25)

Magsimula sa umpisa
                                    

Payapa, tahimik, maunlad at masigla ang bayan ng San Alfonso. Lalong-lalo na dahil sa lakas ng pagsasamahan ng mayayamang pamilya sa buong bayan. Nangunguna na ang Pamilya Alfonso na siyang namumuno sa bayan ng halos dalawang daang taon. Sumunod ang pamilya Montecarlos na pinakamayaman sa lahat, sumunod naman ang pamilya Flores na bagama't hindi masyadong aktibo sa bayan ng San Alfonso dahil nanirahan na sila sa Maynila ngunit ang kanilang impulwensiya lalong-lalo na sa larangan ng pakikidigma at hukbo ay hindi matatawaran, pinaniniwalaan na ang bagong silang na sanggol sa pamilya Flores na si Senorito Vicente Flores ang siyang magtataas muli sa pangalan ng kanilang pamilya.

Sumunod naman ang pamilya Valenciano na siyang kilala bilang pamilya ng mga abogado at manananggol. Katuwang nila ang pamilya Fernandez na kilala ring pamilya ng mga abogado na kilala naman sa Maynila. Habang ang pamilya Valdez naman ay kilalang malapit na kaibigan, mga guro, pilosopo at tagapagpayo ng pamilya Alfonso at Montecarlos.

Si Senor Rolando Valenciano ay isang tahimik at maprinsipyong tao. Bagama't isa siyang purong Kastila, kailanman ay hindi niya tinuring na iba o mas mababa ang mga Pilipin. Madalas niyang tulungan ang mga Indio lalong-lalo na ang mga naaapi ng mga guardia civil. Ang katangian niyang iyon ang labis na hinahanggan ni Esmeralda, matagal na siyang may lihim na pagtingin sa binatang kastila.

Bagama't si Esmeralda ay kabilang sa mababang uri ng antas ng pamumuhay, tinuturing man siya at ang pamilya niya na Indio at mga alipin ng Kastila para kay Senor Rolando ay isa siyang espesyal na Binibini. Maganda si Esmeralda, maliit lamang siya ngunit agaw pansin ang ganda ng kaniyang mukha, maputi at makinis ang kaniyang balat dahil may lahi siyang Intsik. Ang kaniyang ina na si Aling Juana ay isang intsik.

Maging siya ay hindi nakaligtas sa panunuyo ni Senor Hilario Valenciano na siyang magiliw sa mga babae, ngunit batid ng ni Senor Hilario na ang napupusuan ni Esmeralda ay ang pinsan niya na si Senor Rolando.

Naging malapit si Esmeralda at Senor Rolando nang minsang umulan ng malakas sa bayan, kakagaling lamang ni Senor Rolando sa munisipyo habang si Esmeralda naman ay papauwi na sana mula sa palengke dahil kailangan niyang dalhin ang halamang gamot na binili niya para sa kapatid niyang si Puloc na inaapoy na ng lagnat.

Naabutan sila ng malakas na ulan, pinatigil muna ni Senor Rolando ang kaniyang kalesa at sumilong sa labas ng pintuan sa simbahan ng San Alfonso, nagkataon namang iyon lang din ang tanging masisilungan ni Esmeralda kung kaya't sumilong din muna siya roon.

Nakasarado ang simbahan kung kaya't nasa labas lamang sila ng pinto. Huli na nang mapagtanto ni Esmeralda na ang ginoong nasa tabi niya ay si Senor Rolando na siyang hinahangaan niya. "Marahil ay may importante kang patutunguhan upang magpabasa ka sa ulan ng ganiyan" wika ng binata ng magtama ang tingin nilang dalawa.

Hindi naman agad nakapagsalita si Esmeralda, halos sumabog na ang kaniyang puso dahil hindi niya inaasahang kausap na niya ngayon ng harap-harapan ang Ginoong pinapangarap at tinatanaw lang niya noon sa di-kalayuan. "Hindi ba't ikaw ay isa sa mga kasambahay ni Tiyo Rodrigo?" patuloy ni Senor Rolando. Tumango naman si Esmeralda bilang tugon sa tanong ng binata.

Sandali silang napatahimik, muling sinulyapan ni Esmeralda si Senor Rolando na isang dipa lang ang layo mula sa kaniya, mariin niyang pinagmasdan ang kakisigan at kagwapuhan ng binatang Kastila na kasalukuyang pinagmamasdan ang buhos ng ulan.

Ilang sandali pa'y inilahad ni Senor Rolando ang kaniyang palad sa tapat ng ulan upang saluhin ito "Sa tingin mo... Bakit kaya umuulan ngayon?" tanong pa muli ni Senor Rolando habang nakatitig pa rin ito sa sa pagbuhos ng ulan.

Napalingon na rin si Esmeralda sa malakas na buhos ng ulan, "Hindi ko alam Senor... marahil ay umiiyak muli ang diwata ngayon" sagot ni Esmeralda na dahilan ng biglaang pagngiti ni Senor Rolando. Napasulyap ang binata sa kaniya "Iyong nabasa na rin pala ang Alamat ng Ulan" wika ni Senor Rolando habang nakangiti ito, bihira lamang siya makakilala ng taong nagbabasa ng ganoong klaseng literatura lalong-lalo na sa isang Pilipina.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon