Kabanata f(x - 19)

Bắt đầu từ đầu
                                    

Sumunod naman sa kaniya si Fidel habang maigi siyang pinagmamasdan hanggang sa dumirertso ang dalaga paliko sa kusina. "Senor Fidel, maupo na ho kayo, ako na po ang kukuha ng kailangan niyo sa kusina..." tugon ni Susana habang inilalapag ang mga prutas sa hapag. Hindi namalayan ni Fidel na hanggang sa kusina ay muntikan na niyang sundan si Salome, kung kaya't ang lahat ay nakatingin na sa kaniya ngayon at nagtataka kung anong gagawin niya sa kusina.

"K-kuhaan mo na lang ako ng keso Susana, Salamat" wika ni Fidel at naglakad na papunta sa kaniyang silya. Nakaupo sila ni Patricio sa magkabilang dulo ng hapag, habang si Eleanor naman ay nasa tabi ni Fidel, si Manang Estelita at Mang Berto ay inanyayahan din ni Eleanor na maupo kasama nila sa hapag. Inanyayahan din ni Eleanor ang mga tagapagsilbi na sina Ising, Piyang at Susana na na nakatayo sa gilid nila ngunit tumanggi ang mga dalaga dahil sa hiya. "Nasaan nga pala si Salome?" tanong pa ni Eleanor, nais din sana niyang imbitahan sa hapag si Salome ngunit nawawala ito.

"Marahil ay nagpakain na po si Salome ng mga manok Senorita Eleanor" sagot ni Susana, ipapatawag pa sana ni Eleanor si Salome ngunit sinabi ni Manang Estelita na hindi dapat pinaghihintay ang pagkain kung kaya't nagdasal na sila at nagsimulan ng kumain.


"Kailan ka pa dumating Senor Patricio? Bakit hindi mo man lang kami sinabihan" panimula ni Eleanor, napapunas naman sa bibig si Patricio gamit ang puting tela na nasa hita niya bago siya nagsalita "Ikaw rin naman Binibining Eleanor sinurpresa mo rin naman ang lahat sa iyong pagdating dito sa San Alfonso" nakangiting tugon ni Patricio, sanay na ang lahat ng nakakakilala sa kaniya na sadyang may pagka-pilyo ang binatang ito.

"Paano mo nalaman na kamakailan lang dumating dito si Eleanor?" nagtatakang tanong ni Fidel sa pinsan. Napangisi naman si Patricio isang senyales na may ginawa na naman itong kalokohan na hindi ikatutuwa ng nakatatanda niyang pinsan na si Fidel. Limang taon lamang ang tanda ni Fidel kay Patricio ngunit nang dumating si Patricio mula sa Espanya noong nakaraang apat na taon ay nakitira muna siya kay Fidel sa Maynila. Ilang buwan lamang ang lumipas ay nakilala niya si Don Filimon Alfonso na noo'y alcalde mayor ng San Alfonso na inimbitahan ng gobernador-heneral sa Maynila. Si Patricio ay may dalang napakaraming salapi mula Espanya na minana niya sa kaniyang ama. at ito ang ginamit niyang puhunan upang makabili ng mga lupain sa San Alfonso.

Si Don Filimon Alfonso ay kilala ring encomiendero, ang kaniyang lolo na si Tay Silong ang nagbungkal at naggapas ng mga lupain sa San Alfonso at ang sinasabing unang nanirahan dito hanggang sa madiskubre nila Padre Bernardo at Padre Rogelio ang lalawigan ng San Alfonso noong 1630

Hinikayat ng dalawang paring Pransiskano si Tay Silong na magpabinyag sa Katolisismo, si Tay Silong ay naniniwala sa mga anito, diwata at mga engkanto at si Inay Laya na isang babaylan ang nangunguna noon sa mga ritwal at dasal para sa mga bathala. Ngunit nang mahikayat ng nga kastilang pari si Tay Silong nagbago na ang lahat. Nagpasimula at nagtayo ang mga paring kastila ng isang nayon sa San Alfonso katuwang si heneral Amadeo Alonzo.

Pinatupad nila ang 'reduccion' kung saan tinipon nila ang mga katutubo at mamamayan ng San Alfonso sa isang bagong lugar na pinili ng mga misyonero na may kaayusang kolonyal at nakasentro sa simbahan, plaza at munisipyo. At ang sentro ng lahat ng komersiyo at panlipunang aktibidad ay naka-sentro na ngayon sa Pueblo.

Makalipas lang ang anim na taon hindi na nagustuhan ni Tay Alfonso Silong ang pagpapasailalim sa mga Kastila, maging ang babaylan na si Inay Laya ay siniraan at tinawag na mangkukulam. Ang mga ritwal at aktibidad ispiritwal na ginagawa ni Inay Laya ay tinuturing na gawain ng demonyo. Si Tay Silong at Inay Laya ay malapit na magkaibigan, kung kaya't nang patigilin si Inay Laya sa pagiging babaylan at ipatapon noon sa isang isla ay labis na kinagalit ni Tay Silong at ng mga mamamayan ng San Alfonso, nagbalak sila mag-aklas noon laban sa Espanya ngunit ang anak ni Tay Silong na si Tino Alfonso ay tapat at panig sa mga Kastila kung kaya't ibinunyag niya ang pagaaklas na gagawin ng kaniyang ama. Hindi naman nag-aksaya pa ng oras ang hukbo nila Heneral Amadeo Alonzo at agad pinadakip sina Tay Silong at ang animnapung kalalakihan na kasamahan nito. sila ay pinugutan ng ulo bilang tanda at panakot sa mga iba pang mamamayan ng San Alfonso na nagbabalak mag-rebelde.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ