Kabanata f(x - 13)

Start from the beginning
                                    

"Kadalasan naman po ang pagiging mausisa ay nakakatulong upang makatuklas tayo ng mga bagay" saad naman ni Salome, natawa naman si Manang Estelita dahil kahit kailan ay hindi talaga nagpapatalo si Salome sa paglalabas ng kaniyang mga opinyon at paniniwala.

"Tama ka hija ngunit may mga bagay na hindi na dapat tinutuklas pa... dahil sa oras na malaman mo ay baka sisihin mo ang iyong sarili kung bakit inalam mo pa" paliwanag pa ni Manang Estelita, napangiti naman si Salome at napailing naman ang matanda dahil mukhang hindi pa rin titigil sa pangangatwiran ang dalaga.

"Hindi po mangyayari iyon Manang... lahat po ng tutuklasin ko at aalamin ko sa mundong ito ay hindi ko pagsisihan kailanman" tugon pa ni Salome dahilan para sumuko na lang sa pakikipag-paliwanagan si Manang Estelita at tumawa na lang dahil sa likas na kakulitan ng dalaga.

"Tulad na lang po Manang ng mga Kastila, hindi po ba pagtuklas ang kanilang pakay sa paglalayag pa-silangan at hindi nila sinasadyang matuklasan ang Pilipinas" wika pa ni Salome habang nakatingin sa hinahalong kaldereta. Tumango-tango naman si Manang Estelita, "Tama ka Hija, kung sabagay mas marami namang magandang naidudulot ang pagtuklas sa bagay bagay... tanging mga sangkap sa pagluluto (spices) lamang ang kanilang pakay ngunit mas malaki pa roon ang natuklasan nila, sa hindi inaasahang pagkakataon ay natuklasan nila ang napakaganda nating bansa" dagdag pa ni Manang Estelita.

Napangiti naman si Salome sabay lapit kay Manang Estelita upang ipatikim ang lasa ng ulam na niluluto niya. "Masarap..." tugon ni Manang Estelita, napangiti naman si Salome kahit pa mukhang napilitan lang si Manang Estelita na sabihin iyon upang hindi sumama ang kaniyang loob.

"Manang kasi hindi talaga ako bihasa magluto, si inay at ate Felicidad lang ang magaling sa pagluluto sa amin" reklamo pa ni Salome pero tinawanan lang siya ng matanda. "Kaya nga sinasanay kita eh, lahat naman ng bagay ay natutunan Hija" saad pa ng matanda dahilan para matawa na lang silang dalawa.



Ilang sandali pa nagmamadaling dumating si Ising at Piyang, "Manang! Ipinagutos po ni Senor Fidel na buksan ang kahon ng keso, at kunin namin ang kalahati dahil nais pong ipatikim ito ni Senor Fidel sa mga bata" paalam ni Ising, tumango naman si Manang Estelita. Hindi naman mapigilan ni Salome na usisain ang kahon nang buksan nila iyon, hiniwa ni Piyang sa apat na hati ang hugis bilog na keso na halos kasing laki ng unan.

"Hindi pa ako nakakatikim nito" saad ni Piyang, tumango-tango naman si Salome "Ako rin, hindi pa ako nakakatikim ng keso" tugon ni Salome, gulat namang napatingin si Ising sa kanilang dalawa.

"Hayaan niyo sa oras na magawi kayo sa aming panciteria sa palengke ay patitikim ko sa inyo ang keso na pinaka-tago-tago ni inay" pilyang tugon ni Ising at nagtawanan silang tatlo.

"Hawakan mo muna Lumeng" wika pa ni Piyang sabay abot kay Salome ng plato na naglalaman ng keso na kasing-laki ng kamao. Kinuha naman iyon ni Salome dahil magkatulong na bubuhatin ni Piyang at Ising ang mabigat na takip ng kahon na gawa sa tabla.

Ngunit malakas na naibagsak ni Piyang at Ising ang pantakip sa kahon dahilan para mapaatras si Salome at aksidenteng matabig ng plato na hawak niya ang kalderetang nasa palayok na nasa likuran nila, kung kaya't nahulog ang keso sa loob ng palayok at unti-unti itong nalusaw sa init ng kaldereta.

"Sus Maryusep! Paano na?" gulat na sigaw ni Salome at pilit na sinasalba ang natutunaw na keso sa kaldereta ngunit sa halip na makuha niya iyon ng buo humalo pa ito ng tuluyan sa ulam. "Nako! Lumeng mag-iiba ang lasa ng kalderetang iyan!" gulat na tugon ni Ising at Piyang napalingon naman sila kay Manang Estelita na hindi napansin ang nangyari dahil nagtungo na ito papalabas sa pintuan sa likod ng kusina.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Where stories live. Discover now