"Ibigay mo sa akin iyang hawak mo!" singhal ko. Kahit na nakararamdam ako ng takot at kaba, hindi pa rin ako nagpatinag na magpalamon dito.


Naglakad siya papalapit sa akin hanggang sa makarating siya sa aking likuran at saka bumulong.


"Kawawa ka..."


Nagdilim bigla ang aking paningin nang marinig ko ang katagang iyon mula sa kaniya. Wala siyang karapatan na sabihin iyon sa akin dahil wala siyang alam! Sa sobrang galit ko, ginulungan ko siya ng wheelchair sa paa at saka hinarap siya.


"Bwiset!" sigaw niya habang hinihimas-himas ang kaniyang kanang paa.


"Ano? Masakit ba?" pantutuya ko.


"Mas masakit pa rin ang ginawa niya sa iyo..." segunda niya at bigla siyang nagpakawala ng isang nakalolokong ngiti.


"Hindi mo na ba ako naaalala? Kung gayon, hayaan mong magpakilala ako," aniya.


Nakatayo lang siya at tila ba pinapakiramdaman ang paligid. Nabitiwan niya ang cellphone ko kanina kaya napunta ito sa may sahig. Iyon nga lang, missed call na ang nakalagay. Nanlaki ang mata ko nang 10 missed call mula kay Morixette ang nakabungad sa screen ng cp ko. Hindi siya tatawag ng ganito karami kung hindi importante ang kaniyang sasabihin.


Napadako ang atensiyon ko sa babae sa aking harapan nang itaas niya ang kaniyang kanang kamay at para bang may itim na electric charge ang lumalabas mula sa kaniyang palad patungo rito sa akin.


"Aaaa!" Sigaw ko nang tila ba kinukuryente niya ang ulo ko. Nag-flashback sa aking isipan ang pangyayari na kung saan ay tinangka kong magpakamatay at mayroong isang tinig na nag-uudyok sa akin na gawin ko ang pagpapatiwakal na iyon.


Napatalon ako sa kinauupuan kong wheelchair matapos kong maalala ang pangyayaring iyon. Napasubsob ako sa sahig nang wala sa oras. Siya ba? Siya ba ang babaeng nag-uudyok sa akin?


"Naaalala mo na ba ako ngayon?" aniya.


"Ikaw nga, ikaw nga ang masamang tinig na bumubulong sa akin noon!" giit ko.


"Magaling, mabuti at naalala mo pa ako. 'Di ba sabi ko noon, sa akin ang kaluluwa mo? Pwes, kukuhanin ko na ito sa ito ngayon!" saad niya habang tumatawa na parang isang impakta.


Dahan-dahan akong kumilos hanggang sa makaupo sa may sahig. Masyado siyang masaya, pero kahit na anong mangyari, hindi ako sasama sa kaniya. Lalaban at lalaban ako!


Ito marahil ang dahilan kung bakit tumatawag sa akin si Morixette. Akala ko ba'y tapos na sa akin ang ABaKaDa? Pero bakit ako nito binabalikan? Hindi pa ba tapos si Morixette sa kaniyang misyon?


"Sumuko ka na, hindi ka mananalo sa akin!"


Napaisip akong bigla, kung may masamang bumubulong sa akin noon, mayroon ding mabuti na bumubulong! Ngunit nasaan siya? Matutulungan niya kaya ako ngayon?


"Hindi nga ako mananalo sa iyo pero alam kong mayroong makatatalo at mapapabagsak ka," ani ko sabay ngiti nang pagak.


"Sino naman? Si Morixette? Haha, nagpapatawa ka ba?" aniya. Umupo siya nang bahagya para maging magkalebel kami.


"Maaari, at maaari din ang kumontra sa panunukso mo sa akin noon," tugon ko. Hindi nawawala ang ngiti ko dahil gusto kong ipakita sa kaniya na hindi ako natatakot.


Tumayo siya at biglang nag-alumpihit sa katatawa. Napakunot na lamang ako ng noo.


"Kakampi ko na ngayon ang tinutukoy mong kumontra sa akin noon sa panunukso sa iyo," sambit niya.


Biglang bumukas ang pinto ng bahay kaya napatigil ang babae rito sa harapan ko.


"Jerico, bakit nakakalat ang mga lobo rito sa may sala?" ani Tito.


"Lumabas ka na sa kuwarto mo, may uwi kaming pagkain para sa iyo," pahayag ni Tita.


"Aba, mukang may makikisali, a?" mahinang sambit ng babaeng nakaitim.


Lagot, nandito na sila sa bahay. Hindi sila dapat mapahamak! Kailangan na nilang umalis!


"Tito! Tita! Umalis muna po kayo rito sa bahay!" Sigaw ko.


Tumalikod sa akin ang babae at naglakad patungo sa aking pintuan. Hinawakan niya ang seradura nito saka pinihit.


"Surprise!" aniya. Nagulat sina Tito at Tita na nakatayo sa labas ng aking silid nang bumungad sa kanila ang babae.


"Sino ka? Ano ang ginagawa mo rito?" bungad ni Tita.


"Tito, Tita, takbo!" giit ko.


May dinukot ang babae sa kaniyang bulsa at ito ay isinaboy sa kanila na nagdulot para sila'y bumagsak sa sahig.


"Tito! Tita!"


"Huwag kang mag-alala, pinatulog ko lang sila..." turan ng babae saka itinutok ang kanang kamay niya sa direksiyon ko.

Might of Alibata (Published)Where stories live. Discover now