"Hoo, ang lamig naman yata ngayon."

"Magbabagong-taon na. Natural lang na bumaba sa Haring-Bayan ang lamig ng Pataginao."

"Eh tuwing tag-araw, sobra naman ang init. Para tayong tinutusta."

"Kaya magpasalamat ka sa munting lamig na ito."

"Munti na 'to para sa'yo?" hindi makapaniwalang bulalas ni Taranggales. Saka niya lang napagtanto kung bakit iyon nasabi ni Prinsipe Agerin. Palibhasa, balot na balot ng mamahaling kasuotan ang katawan nito.

"Bakit ba kasi mas pinipili mong magsuot ng bahag?" seryosong tanong ni Prinsipe Agerin na parang sobra siyang nalilito sa lohika ni Taranggales.

"Eh ganito ang tradisyon sa amin eh."

"Nakabisita na ako sa Gresas. Hindi lahat ng lalaki doon ay nakabahag. May mga nakapantalon, Taranggales. Hindi lahat sila ay gaya mong gustong-gustong ipinalalandakan sa lahat ang espada nila."

"Natural lang na ipagyabang ko ang malaking espada ko, Kamahalan!" Humalakhak si Taranggales. Sumimangot ang Prinsipeng Tagapagmana. "Pero seryoso. Iba kasi ang kultura ng tribong pinagmulan ko. May kanya-kanyang kultura ang bawat tribo sa'min, 'no. May isa pa ngang tribo na lumalagok ng lason sa pangaraw-araw nila eh."

Hindi na sumagot pa si Prinsipe Agerin. Agad napansin ni Taranggales ang katahimikan ng kanyang hari.

"May problema ba, Kamahalan?"

Kapansin-pansin ang paninigas ng katawan ni Prinsipe Agerin, nakadiretso pa rin ang titig sa kadiliman ng hardin.

Tumaas ang kilay ni Taranggales. Sinundan niya ang tingin ng Prinsipeng Tagapagmana. Anong meron do'n?

"Wala naman, Taranggales."

"Kinakabahan ka?" tanong ng heneral. "Natural lang na kabahan, 'no. Pero 'di kita masisisi--pinanganak at pinalaki ka para sa tungkulin na 'to. Ipinanganak para maging hari. Para mamuno."

May bahid ng lungkot sa salita ni Taranggales.

Walang pasabing humarap bigla si Prinsipe Agerin at naglakad papalayo. Nilampasan nito ang nagtatakang heneral.

"Babalik na ako sa silid ko."

Tumango si Heneral Taranggales. Agad niyang sinundan ang kanyang hari upang protektahan ito. 

Habang naglalakad sa pasilyo, tumitigil ang mga alalay at tagapaglingkod upang yumuko sa kanilang hari.

"May buwan po ang gabi, Kamahalan." bati ni Sultan Dinagat na parang nakikipagkumustahan sa kanyang kakumpare.

"May buwan ang gabi, Sultan. Kumusta sa Limuot?"

"Matiwasay, Kamahalan. Nakikipagtulungan na po sa wakas ang mga pirata sa'min upang may maiambag naman po sila sa ekonomiya ng probinsya ko."

Maamo ang ngiti ni Prinsipe Agerin. "Mabuti."

Yumuko si Sultan Dinagat bilang simbolo ng respeto bago naglakad papalayo ang Prinsipeng Tagapagmana.

Pinagmasdan ni Heneral Taranggales ang likod ng prinsipe. Kahit na titigan mo mula sa likod, malalaman mo na agad na karapat-dapat na maging hari si Prinsipe Agerin. Matikas at malawak--na parang kayang buhatin ang mundo.

Ito ang uri ng haring pagsasakripisyuhan ni Taranggales, kahit na buhay niya pa ang maging kapalit. Ang uri ng haring may busilak na puso na tanging ang hangad lang ay ang ikabubuti ng kanyang nasasakupan.

Para kang nasa tarangkahan dahil sa laki ng pinto ng silid ni Prinsipe Agerin. Triple ang laki sa ordinaryong pinto. Kada tatlong hakbang sa hagdan ay may nakatindig na mabagsik na kawal, mahigpit ang hawak sa kanyang sibat na parang anumang oras ay handang makipaglaban.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 22, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Sanggeian [ HIATUS ]Where stories live. Discover now