Tandaan mo Carmela, sa oras na masunog ng kusa ang diary na ito... iyon ang hudyat na nabigo ka sa misyon mo, iyon ang hudyat na patay na si Juanito.

Hinihiling ko na sana isang masamang panaginip lang ang lahat ng nangyari ngunit kahit anong gawin ko, hindi pa rin ako makakatakas sa katotohanang...

Nabigo ako sa misyon ko.

Nabigo akong pigilan ang pagkamatay ng mahal ko.

Nabigo ko ang lahat ng taong namatay para kay Juanito.

at bilang kabayaran ng lahat ng kabiguan ko,

Habambuhay na akong mananatili sa panahong ito

At hindi na ako makakabalik pa sa panahon ko.



"Binibini? S-sigurado po ba kayo? Sa tingin ko po ay hindi makakapayag ang inyong ama" nag-aalalang tugon nung babaeng bagong tagapagsilbi ko na Belinda pala ang pangalan. Nandito siya ngayon sa kwarto ko at kakahatid niya lang ng pagkain sa'kin para sa hapunan. Alam kong napansin din niya yung pagkaing dinala niya sa akin kanina para sa tanghalian na hindi ko din ginalaw.

"Sabihin mo sa kaniya, pwede mo naman akong samahan at maaari din tayong bantayan ng mga guardia personal" sagot ko habang nakatulala pa din sa kahon na pinaabot ni Esmeralda. Gusto kong lumabas ng bahay, gusto kong dalawin ang puntod ni Josefina at madam Olivia ngayon. gusto ko rin dalawin ang puntod ni ina kaso sa Laguna siya inilibing.

"P-pero po..." hindi na natapos ni Belinda yung sasabihin niya kasi biglang bumukas yung pinto ng kwarto ko at tumambad sa harap namin si Don Alejandro.

Gulat namang napayuko si Belinda sa tapat ni Don Alejandro "Iwan mo muna kami" utos ni Don Alejandro kay Belinda, agad namang sumunod si Belinda at isinara niya yung pinto.

Hindi ko naman inimik si Don Alejandro dahil hindi pa ko handang makausap at makita siya, pero mukhang wala na akong magagawa dahil nandito na siya sa loob ng kwarto ko.

Agad siyang napatingin sa mga pagkaing hindi ko nagalaw na nakalagay sa mesa ko. Nakatulala pa din ako sa kahon at ramdam kong seryosong nakatingin na sa akin ngayon si Don Alejandro. Mula nung nalaman niya na nahuli ako nila Leandro at Natasha kasama si Juanito sa labas ng hacienda Montecarlos, galit na galit siya at ikinulong niya ako dito sa kwarto ko at hindi kinausap, ngayon ko pa lang siya ulit nakita.

"Sukdulan na ang katigasan ng ulo mo Carmelita!" narinig kong tugon niya, kahit hindi ko siya tingnan, batid ko na galit siya dahil sa tono ng boses niya. "Palagi mo na lang ako binibigyan ng problema! Palagi mo na lang nilalagay sa kahihiyan ang pamilya natin!" galit niyang tugon.

Agad ko namang pinunasan ang mga luhang namumuo sa mata ko habang pilit na tinitiis ang sakit na nararamdaman ko.

"Napapagod na akong unawain at intindihin ka! Napapagod na rin akong solusyunan ang mga problemang dinadala mo sa pamilya natin! P-pagod na pagod na ako" narinig kong tugon pa ni Don Alejandro at napalingon ako sa kaniya nang makita kong dahan-dahan siyang napaupo sa sahig at tuluyan na siyang umiyak.

Parang unti-unti namang nadudurog ang puso ko habang pinagmamasdan siya, alam kong tao rin siya na nasasaktan, batid ko na sobrang dami ko ng kasalanan at problemang binigay sa kaniya. Hindi ko naman din siya masisisi kung nakagawa siya ng kasamaan para lang iligtas ang pamilya Montecarlos.

At ngayon, nawalan na siya ng asawa at isang anak. At lahat ng iyon ay kasalanan ko din.

Siguro nga wala talaga akong karapatan magalit sa kaniya dahil kasalanan ko naman kung bakit niya dinadanas ang pangungulila sa kaniyang asawa at anak.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon