Napapihit si Perisha sa katabing sasakyan sa parking lot.


Nakatayo ang isang balingkinitang babae sa tabi ng kulay itim na pajero. Sandaling natigilan si Perisha. Kanina pa ba ito ron?


Pawisan ito at nakakunot ang noo. Hirap na hirap ito sa pagbuo ng rubics cube.


Tama bang maglaro ng rubics sa dilim at sa dis oras ng gabi? At dito pa sa labas ng 7-Eleven? Ano naman kaya ang trip ng babaeng ito?


Tumaas ang paningin ng babae sa kanya. Umarko ang kilay na kasing itim ng buhok.


Ang ganda ng babae. Para itong manikin. Simple lang ang suot nito. Naka-T-shirt na asul, medyo maluwag dito kaya nakatiklop ang mga manggas. Short na kulay itim naman ang pang-ibaba nito at tsinelas na kulay puti sa mga paa. Simple, halos nakapambahay lang, pero elegante pa rin ito sa mga mata niya. Kahit pa pawisan ito at bahagyang magulo ang nakapuyod na buhok.


"Hi." Ngumiti ito sa kanya na ikinagulat niya.


"H-hello..." mas maganda ang babae kapag nakangiti. Parang anghel.


Morena ito at napakakinis ng balat. Matangkad at kulot-kulot ang buhok. Filipinang-Filipina ang itsura. Sa tantiya niya ay hindi nalalayo ang edad nilang dalawa, pero mas baby face sa kanya ang babae. Parang hindi ito nakakaranas ng stress sa buhay.


Natatawang ipinakita nito sa kanya ang rubics na para bang kanina pa sila nag-uusap na dalawa, na para bang close sila. "Hindi ko talaga keri ito. Ikaw ba?"


"Mahirap nga iyan. Kahit ako hindi marunong niyan." Napahagikhik siya. Magaan na agad ang loob niya rito. "Iyong boyfriend ko, magaling sa ganyan. Saglit lang naaayos niya ang rubics cube."


Umarko ang kilay nito sabay sulyap sa loob ng 7-Eleven. "Iyong matangkad na lalaki ba na nasa loob?"


"Oo." Proud na sagot niya. Proud siya kay Kaden.


"Bagay kayo."


"Thank you."


"Sige aalis na ako." Tinungo nito ang pinto ng pajero. "Ano palang name mo?"


Dahil magaan ang loob niya rito ay sinabi niya ang pangalan niya. "Perisha. Perisha Escalante."


"Nice name. I'm Ria." Tila ito biglang nagmamadali. Ibinaba nito ang salamin sa driver side ng kotse. "Bye, Perisha! Iyo na 'to." Ibinigay nito sa kanya ang rubics. "Gift ko sa'yo iyan!"


"Bye, Ria." Kinawayan niya ito. Ibinulsa niya ang maliit na rubics cube sa bulsa ng kanyang dress.


"Sino iyong kausap mo?"


Napaigtad siya sa gulat. "Ano ka ba naman?! Namimigla ka naman." Inirapan niya si Kaden.

Fall For Youحيث تعيش القصص. اكتشف الآن