Prologue

3.1K 195 9
                                    

Prologue

Ang buong bansa ay nababalot ngayon ng kalunos-lunos na trahedya dulot ng digmaan.

Walang pagsidlan ang panaghoy ng mga tao sa paligid. Pumupunit sa kalaliman ng gabi ang mga sigaw at walang humpay na mga pagsabog sa lahat ng direksiyon. Ang buong lupain ay tila impyernong nilalamon ng naglalagablab na apoy na halos umabot sa kalangitan. Ang nagngangalit na alab ay tila gustong tupukin lahat ng bagay at buhay na naroon.

Samantala,  sa gitna ng digmaan ay isang ama ang nagpupumilit iligtas ang buhay ng anak.

"Ocius! Bilisan mo na! Iwan mo na ako at gawin mo na ang dapat mong—Agh!"

Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil isang nag-aapoy na palaso ang tumagos sa puso nito.

"Ama!"

Gamit ang natitirang lakas ay itinulak ng ama ang anak papalayo dahil papalapit na ang mga kalaban na tumutugis sa kanila.

Balot ng hinagpis ay wala siyang nagawa kundi tumakbo palayo. Ni hindi na niya tiningnan kung paano bumagsak ang kanyang ama. Narinig na lamang niya ang kalansing ng bumagsak na korona nito, hudyat na nagtagumpay na ang mga kalaban...tapos na ang rehimen ng mga maharlika.

At tanging siya na lang ang dugong bughaw na natitirang buhay.

Tumakbo siya papunta sa tuktok ng tore para gawin ang kahilingan ng ama. Diretso lang ang kanyang pagtakbo, ni halos ayaw na niyang masulyapan pa ang kalunos-lunos na sinapit ng buong kaharian.

May humarang sa kanyang mga kalaban at inatake siya pero mabilis niyang ikinumpas ang kamay at tumilapon ang mga ito. Pinagalaw niya ang mga bato o mga tipak mula sa mga nasirang bahagi ng palasyo at binuo sa itsura at laki ng mga kawal para magprotekta sa kanya kahit sa maikling panahon lamang.

Ligtas niyang narating ang tuktok ng tore at mula roon ay tanaw niya ang nakagigimbal na senaryo. Ngunit isinantabi niya ang pagluluksa at ginawa ang dapat niyang gawin.

Gamit ang kapangyarihan ay gumuhit siya ng bilog at mga simbolo sa sahig at tumayo sa gitna niyon. Umusal siya ng mga salita at nagliwanag ang mga simbolo. Tinipon niya ang lakas at ginamit 'yon upang higupin ang lahat ng kapangyarihan sa paligid. Lumikha ang pinagsama-samang kapangyarihan at mahika ng isang bola ng enerhiya.

Ginamit niya ang buong lakas para mapanatili iyon sa mga palad niya saka siya muling nag-usal ng mga kataga.

"Pandora!"

Nagulat siya sa sigaw na 'yon ngunit bago pa man niya malingon kung kanino nagmula 'yon ay isang espada ang tumagos sa katawan niya. Nakita niya ang mga marka sa espada, tanda na nababalutan 'yon ng mahika.

"Agh!"

Ininda niya ang sakit at tinuloy ang pagbigkas sa mga kataga kahit napupuno na ng dugo ang bibig niya.

"Isuko mo na ang iyong ginagawa, Pandora!" sigaw nito at marahas na hinugot ang espada sa katawan niya.

Lumakad papunta sa harap niya ang salarin at nakilala ang pinakamataas na heneral ng mga kalaban.

Muli nitong itinaas ang espada pero nagawa niyang ibato sa ere ang bola ng enerhiya bago pa man siya nahiwa ng espada.

Duguan siyang bumagsak sa gitna ng mga nakaguhit na simbolo at 'di inalis ang tingin sa bola ng enerhiya na umabot sa kalangitan.

Bago malagutan ng hininga ay inusal niya ang huling kataga at ngumiti...

"Evanescere..."

Sumabog ang bola ng enerhiya sa kalangitan at napatingala ang lahat sa saglit na liwanag na pumunit sa kadiliman.

Sa pagkawala ng liwanag sa kalangitan ay ang pagkalagot na rin ng kanyang hininga.

At batid niya...doon na rin magtatapos at hihimlay ang kanilang kasaysayan sa kawalan...

.

.

.

...pansamantala.

***

© Hraefn

Ocius – means faster

Evanescere – means vanish

Note: I will be using Latin as the dead language of the void century.

Umaasa lang ako kay Google/Google Translate kaya kung 'di ganoon ka-accurate o ka-approporiate yung paggamit ko ng words, pagpasensyahan niyo na.

The Void CenturyWhere stories live. Discover now