Pumwesto na si Alesi sa teacher’s table na nakaharap ngayon sa mga instrumento. Nanatili namang nakatayo yung mga kasama niya na parang takot na takot, saka inabutan ng maliit na papel. “Sulat po yung whole name, course, year and section, tapos yung position po.” Kanya-kanya namang hanap ng pwesto para magsulat.

“Okey ka lang?” tanong ni Ada sa’ken habang pareho kaming nagtitimpla ng volume.

“Oo, baket?” sagot ko na nakakunot ang noo.

“Sure?”

“Oo nga. Bakit ba?”

“Wala naman…” nangingiti siya. “Tahimik mo kasi.”

“Okey lang ako…” hininaan ko na yung volume saka inilapag ang gitara. Bumalik na ko sa upuan. Sumunod na rin si Ada.

“Okey na?” hindi ko alam kung kanino yung tanong ni King kaya sabay na lang kami tumango ni Ada.

May pumasok ulit, dalawang lalake. Parehong freshmen. Parang pinapakiramdaman muna kung tama yung pinasok na kwarto. Kinabahan na naman ako.

“Audition po?” tanong nung naunang lalake.

“Pasok po, wag na mahiya.” Nakangiting sagot naman ni Alesi. Nang makalapit, inabutan niya ng papel at inulit ang kaninang instruction. Umupo na rin sa tabi nito si King. Ilang segundo lang ang lumipas, may dalawang lalake na naman ang pumasok.

“Pasok po kung mag-o-audition.” Salubong sa kanila ni King. Mabilis namang lumapit ang dalawa.

“Puro freshmen pare…” sabi ni Ada.

“Yaan mo na. Malay mo mas talented pa sa’ten.” Sagot ko.

“Sabagay…”

Hindi ko talaga maintindihan pakiramdam ko. Kanina pa ko may inaabangang tao. Hindi ako interesado sa mga mag-o-audition. Iisang tao lang talaga ang inaantay ko para matapos na yung tuliro ko.

Ano ba, mag-o-audition ba talaga si Lyla?

“Ang korni ng theme ng acquaintance ngayon. Hawaiian. Parang ayoko um-attend tuloy.” Sabi ni Ada.

“Pwede namang hindi mag-hawaiian, tutal banda tayo. Malamang magmukha tayong eng-eng sa stage nun.”

“Kaya nga e.”

Tinanong ko si King. “Pare pwede bang hindi naka-hawaiian yung buong banda?”

“Pwede naman daw. Pati nga ata dance club ayaw din mag-hawaiian.”

“Yun naman pala e.” Sagot ko.

Ngumiti na rin si Ada. “Buti naman. Di talaga ako a-attend pag mandatory ang Hawaiian.”

Matapos maipasa ang mga papel, isa-isa ng tinawag ni Alesi yung mga mag-o-audition. Nagsimula muna sa drummer.

Dalawang lalake ang nag-try. Yung una medyo malamya pumalo pero malinis. Yung pangalawa naman, mabigat ang kamay. Ramdam na ramdam mo ang bigat ng palo kasi parang tutumba yung stand nung cymbals. Matapos ang ilang minutong pagpapasikat, pinaupo na sila ni King.

Sumunod na yung para sa guitarist. Yung nahuling dalawang lalake ang sumalang. Kanya-kanya ng tugtog. Yung nauna, okey naman. May angas. Puro oldschool ang binanatan. Yung pangalawa, bumanat ng kung ano-anong lead. Hindi ko alam kung saan kanta, basta feel na feel niya yung pagli-lead. Tinanong sila ni Alesi at King kung kaya ba nila tumugtog ng mga variety. Pareho namang tumango. Pinatugtog sila ng pang-variety na kanta. Yung nauna, medyo sumablay. Yung pangalawa, ayos naman. Bago maupo, sinabihan sila ni King na rhythm guitar na lang ang kelangan kasi may lead guitar na, sabay turo sa’ken. Tinanguan ko naman yung dalawang nag-audition.

Ang Babae sa Kabilang ClassroomWhere stories live. Discover now