Umakyat din sa entablado si Maximo Rosalejos habang abot tenga yung ngiti niya at nakikipag-shake hands sa kanilang lahat.


"At syempre bilang isang gobernador kailangan ay bigyan ko ng pansin ang mga taong may malaking naambag sa kaunlaran ng San Alfonso, siya at ang kaniyang pamilya ay matagal nang nagbibigay ng maraming trabaho, opurtunidad at nagpapaunlad ng kabuhayan, industriya at ekonomiya ng ating bayan" patuloy pa ni Kapitan Flores, habang taas noong naglalakad-lakad sa palibot ng entablado. Karamihan sa mga naririto ngayon sa plaza San Alfonso ay ang mga mamayamang pamilya rin. Kita ko naman sa mga mukha nila na masaya naman sila na si Kapitan Flores ang bagong gobernadorcillo ng bayan.


"Mga kababayan nais kong salubungin natin ng masigabong palakpakan ang aking magiging kanang kamay at pangalawang makapangyarihang opisyal ng San Alfonso... si Don Alejandro Montecarlos" masayang tugon ni Kapitan Flores. Nanlaki naman ang mga mata namin ni ina, Maria at Josefina at halos lahat ng tao ay napalingon kay ama na ngayon ay napangiti ng kaunti nang marinig ang sinabi ni kapitan Flores.


ANOOOO?


HINDI MAAARI!


Tumayo na si ama at umakyat na rin sa entablado, agad siyang sinalubong ng palakpakan at yakap nila Kapitan Flores, hukom Fernandez, hukom Valenciano, Heneral Seleno at Maximo Rosalejos.


Sa mga oras na ito, kitang-kita ko ang galak at saya sa mga ngiti nila. Pero hindi ko maiwasang magduda sa biglaang pagkakaroon ng pusisyon at kapangyarihan ni ama.


Ayokong isipin. Pero alam kong posibleng may kinalaman siya at alam niya ang mga pinagagawa ni Heneral Seleno at Maximo sa pamilya Alfonso.





Kinagabihan, hindi ako makatulog ng maayos. Hindi ko alam pero parang binabagabag ako ng mga pangyayari. Alam kong hindi ito naaayon sa nakatakdang dapat mangyari... hindi nakasulat sa diary at sa nakaraan na naging opisyal si Don Alejandro.


Pero bakit ganun?


Nagbago na ba talaga lahat ang mga nakatakdang mangyari?


Kailangan kong makausap si madam Olivia. Pero wala siya ngayon dito sa San Alfonso, noong nakaraang linggo ko pa siya pinuntahan at hinahanap pero sabi ng ibang madre doon, umalis daw si madam Olivia at hindi nila alam kung saan ito nagpunta. Haaays.

Nagulat ako nang biglang kumatok si Maria sa pinto, magtutulug-tulugan na lang sana ako kaso nakita na niya na gising pa ako. "Hindi ka rin ba makatulog?" tanong niya at naglakad siya papalapit sa akin at umupo sa kama ko.

"Kapatid ko, batid kong nag-aalala ka kay Juanito... ngunit marahil ay dapat mo nang tanggapin na hindi kayo ang para sa isa't-isa" sabi pa niya, parang bigla namang sumikip yung dibdib ko. Buti na lang madilim dito sa loob ng kwarto ko at iisang gasera lang yung nagbibigay liwanag dito kaya hindi nakikita ni Maria ang mga luha na namumuo ngayon sa mga mata ko.

"P-paano ba masasabi na ang dalawang tao ay hindi para sa isa't-isa?" tanong ko sa kaniya, napabuntong-hininga naman siya. Alam kong mabigat din ang pinadadaanan niya dahil sa lihim nilang relasyon ni Eduardo.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon