"Ang Coiling Dragon Ring ay isang nakakamanghang bagay. Hindi ito naglalabas ng kahit anong magical aura pero kasinghalaga ito ng mga divine artifacts. Nang itago ko ang kaluluwa ko sa singsing ay matagal akong hinanap nina Hamelin pero hindi nila ako natagpuan. Ito ay dahil din sa Coiling Dragon Ring." Nakangiti ang matanda nang magsalita.

Tinanguan ito ni Linley.

Kung pagbabasehan nga naman ang hitsura ng Coiling Dragon Ring, sa labas ay mukha lang itong normal na bagay. Bilang miyembro ng isang matandang angkan ay matalas ang mga mata ni Linley pagdating sa mga ganito at alam niya na karaniwang ang mga mahahalagang bagay ay naglalabas ng elemental aura. Pero sa kaso ng Coiling Dragon Ring, mukha lamang itong walang halagang kahoy.

"Lolo, ang sabi mo, limang libong taon na ang nakakaraan ay tinambangan ka ng isang Saint-level Grand Magus at isa pang Saint-level warrior, tapos itinago mo ang sarili mo sa loob ng singsing? Saka isang artifact rin pala ang Coiling Dragon Ring na maihahambing sa mga divine artfifacts?"

"Tama." Pagkakitang naunawaan iyon ni Linley ay hindi napigilan ng matanda ang mapangiti at mapatango.

"Kung ganon, lolo, paano ka lumitaw mula sa loob ng singsing?" Nagdududang tiningnan ni Linley ang kaharap.

Natatawang ipinaliwanag ng matanda, "Sa katunayan, noong itinago ko ang espiritu ko sa Coiling Dragon Ring ay itinali ko na rin sa singsing ang aking buhay. Sa oras lamang na may bagong may-ari ang lumitaw ay saka lamang ako makakalabas sa loob niyon."

"Bagong may-ari ng singsing?"

"Oo, sa pamamagitan ng pagpatak ng dugo sa Coiling Dragon Ring." Tumatawang saad ng matanda.

Sumimangot naman si Linley saka ibinulong sa sarili, "Pagpatak ng dugo sa singsing?" Nakasibangot niyang sinubukang alalahanin ang mga nangyari, saka niya naalala na noong natamaan siya ng bato at nagkasugat sa ulo ay nagdugo iyon at malamang ay kumalat sa damit niya hanggang sa bandang dibdib. Malamang na noon napatakan ng kaniyang dugo ang singsing.

"Ibig sabihin ay ako na talaga ang nagmamay-ari sa singsing," tumango-tango si Linley.

"Tama. Ngayon lang ako muling nakalabas saka nakalanghap ng hangin ng kontinente ng Yulan, matapos mapasaiyo ng tuluyan ang singsing," Nasa mukha ng matanda ang isang ngiti. "Oo nga pala, bata. Sinabi ko na sa iyo ang ngalan ko pero anong sa iyo?"

Maaliwalas na ngumiti si Linley, "Ang pangalan ko ay Linley! Linley Baruch!"

"Linley, magandang ngalan." Ngumiti ang matanda.

"Lolo, habambuhay ka bang matatali sa singsing tapos hindi kailanman makakalaya?" Nakaramdam ng kaunting awa si Linley dito ng maisip iyon.

Ngumiti lang at tumango ang matandang lalaki. "Linley, dapat mong malaman na sa oras na mamatay ang isang tao, ang espiritu niya ay karaniwang mapupunta sa Nether Realm! Pero dahil sa isa akong Saint-level Grand Magus noong mamatay, ang mental na enerhiya ko ay nagkaroon ng pisikal na anyo. Iyon lang ang tanging dahilan kaya napaglabanan ko noon ng pansamantala ang tawag ng Nether Realm saka itinali ang sarili ko sa Coiling Dragon Ring. Sa kasalukuyan, may isang paraan lamang para magawa kong makaalis sa singsing – ang ubusin ang lahat ng nalalabi kong mental energy."

"Ubusin ang iyong nalalabing mental na enerhiya?" Hindi iyon naintindihan ni Linley.

"Ang tinatawag ng tao na enerhiyang mental ay spiritwal na enerhiya naman para sa mga espiritu. Kapag tuluyang naubos ang mental na enerhiya, maglalaho ng tuluyan ang espiritu imbes na mapunta sa Nether Realm. Sa madaling sabi... kapag naglaho na ang aking kaluluwa, saka lamang ako makakalaya sa Coiling Dragon Ring." Ang kalmadong pahayag ng matanda. "Pero ayos naman na ako sa lagay kong ito. Bagamat nakakulong ako sa singsing at hindi ako makalayo dito ng higit sa tatlong metro, para sa akin hindi na masama ang ganito."

Nayanig ang puso ni Linley.

Bigla-bigla ay nakadama ng awa sa puso niya si Linley para sa matandang ito.

"Heh heh, Linley. Kuntento na ako sa ganito. Hindi mo alam pero kung sakaling nahuli ni Hamelin ang kaluluwa ko ay tiyak na mas magiging masaklap pa sa pagkamatay ang magiging kapalaran ko." Saad ng matanda bago bumuntong-hininga.

"Lolo, ang sabi mo ang pangalan mo ay Doehring Cowart? Pwede ba kitang tawaging Lolo Doehring?" maya-maya ay sabi ni Linley.

Dating makapangyarihang Grand Magus ng Pouant Empire si Doehring Cowart kaya naman napakataas ng kaniyang personal na estado sa lipunan. Noon ay rumaranggo siya sa limang pinakamataas na personalidad sa buong kontinente ng Yulan. Kaya lamang siya napabagsak ay dahil sa walang kahihiyang pantatambang ng Grand Magus na si Hamelin at ng isa pang Saint-level combatant.

Pero...

Kailanman ay hindi pa nagkaroon si Doehring Cowart ng anak o kaya naman ay mga apo. Nang marinig niyang tinawag siyang Lolo Doehring ni Linley, ang puso niyang nangulila sa loob ng libo-libong taon ay bigla na lang nakaramdam ng init.

"Oo, oo naman." Tuwang-tuwa si Doehring Cowart.

Makikita naman ngayon sa mga mata ni Linley ang pananabik. "Lolo Doehring, kanina lang ay sinabi mong isa kang Saint-level Grand Magus. Kung gayon, pwede mo ba akong turuan ng magics?"

Napakabilis ngayon ng tibok ng puso ni Linley. Ang taong nasa harap niya ngayon ay isang limang libong taong gulang na Saint-level Grand Magus.

Sa isipan ni Linley ay nagsimulang maglaro ulit ang imahe ng malaking katawan ng Velocidragon, ang nakakamanghang Dance of the Fire Serpents, at ang hindi mabilang na mga tipak ng batong nagbagsakan mula sa langit, pati na rin ang tagpo kung saan ang mapagmalaking lalaki ay nakatayo sa ibabaw ng Black Dragon.

Napakalaki ng pagnanais niya na balang araw...

Siya din ay tutuntong sa ibabaw ng ulo ng isang itim na dragon at payayanigin ang lahat ng kalangitan.

Hinawakan ni Doehring Cowart ang kaniyang puting balbas. Habang nagniningning ang mga mata ay sinabi niyang, "Siyempre naman! Ang lolo Doehring mo ay isang Saint-level Grand Magus ng makapangyarihang earth style... at kailangan mong malaman na sa lahat ng element, ang element ng earth ang pinakamalakas sa lahat!" Nagsimulang manabik si Doehring Cowart nang simulan niya ang pagtuturo tungkol sa mahika.

Coiling Dragon Book 1Where stories live. Discover now