Noon lamang nakahinga ng maluwag si Hogg. Tumango siya pero nakakunot-noo pa rin.

"Lord, nag-aalala ka ba dahil sa mga mamamayan ng Wushan?" ang tanong ni Hiri.

Tumango si Hogg. Pilit siyang napangiti saka sinabi, "Uncle Hiri, karamihan ng mga tao sa bayan ay hindi natin kapareho. Ang mga kalalakihan ng Wushan ay hindi gaanong apektado dahil marami sa kanila ay warriors ng first at second rank. Pero iba ang mga kababaihan. Sa dami ng mga nagbagsakang tipak kanina, malamang na marami sa kanila ang hindi nakailag."

Tinanguan ni Hiri ang sinabi niya.

Ang bilang ng mga tao sa bayan ng Wushan na may kakayahang gumamit ng battle-qi ay mabibilang sa isang kamay. Kanina lamang, libu-libong bato ang bumuhos mula sa langit. Ang mga tao, kung hindi silang lahat nakapagtago sa mga cellars nila, o kaya naman ay walang hawak na makapal na panangga, nangangahulugan iyon na noong nagsipag-ulanan ng mga bato...

"Wala tayong ibang magagawa maliban sa pag-aantay ng balita mula kay Hillman." Nag-aalalang sabi ni Hogg.

Makalipas ang ilang sandali ay narinig nila ang paparating na mga yabag. Ang mga iyon ay nagmamadaling pumapasok sa manor.

Kumislap ang mga mata ni Hogg. Pagkalingon niya, nakita niyang papalapit sa kanila si Hillman.

"Hillman, anong balita ngayon sa bayan?" ang tanong agad niya.

Nagpawala si Hillman ng isang malalim na buntong-hininga. "Katatapos lamang naming magbilangan. Lampas tatlong daang katao ang namatay, isang libo ang sugatan."

Ang buong Wushan ay mayroon lamang limang libong residente. Nangangahulugan iyon na ang bilang ng pinsala ng buong nasasakupan niya ay dalawampung porsiyento! At ang bilang na ito ay para sa mga taong nakatira sa mga bahay na bato.

Isa talagang delubyo ang naganap.

"Bakit napakaraming napinsala?" Hindi na ngayon mapigilan ni Hogg ang mag-alala.

Pagkain ang bumubuhay sa isang bansa, at gayundin naman sa isang maliit na bayan. Sa pag-unti ng kanilang manggagawa at sa pagdami ng mga sugatan at baldado... siguradong lalala ang kalagayang ekonomikal ng kanilang lugar.

"Ugh!" Napabuntong-hininga ng matagal si Hogg.

Gusto niyang bawasan ang buwis ng mga tao pero ang kasalukuyang buwis ng Wushan township ay napakababa na. Problema rin niya kasi ang pagbuhay sa sarili niyang angkan na nag-aalanganin na rin. Paano pa niya magagawang asikasuhin ang mga karaniwang mamamayan? Ang sitwasyon sa kanila ay mas mainam na ngang higit kung ikukumpara sa mga ibang bayan na napakataas ng buwis kaya nagsisipagkamatayan ang mga karaniwang tao dahil sa pagod at hirap.

"Lord Hogg, natutuwa sa inyong kabaitan at pagiging mapagbigay ang lahat ng karaniwang mamamayan ng Wushan. Alam ng lahat ang lahat ng pagpapakasakit niyo para sa kanila. Pakiusap, huwag niyong dibdibin masyado ito." Ang sabi ni Hillman sa tabi niya.

Si Hillman ay laki rin sa bayan ng Wushan.

Kung pagbabasehan ang estado niya bilang isang warrior ng sixth rank, kahit sa kapitolyo ay pwede siyang maging guard captain ng isang maharlikang pamilya. Pero dahil sa utang na loob niya sa angkan ng Baruch kaya naman matapos siyang magretiro sa kaniyang karera sa military ay bumalik siya dito -para maging guard captain sa papabagsak na matandang maharlikang angkan ng mga Baruch.

"Hillman, pamunuan mo ang isang guard squad at magsagawa ng isang ronda sa buong bayan. Uncle Hiri, humayo ka't magpahinga." Ang direktahang utos ni Hogg.

"Masusunod, lord," tugon ni Hillman.

Yumuko ng may paggalang si Housekeeper Hiri bago umalis. Nang makaalis sa pavilion ni Hillman, muli, tanging si Hogg ang natira sa lugar na iyon.

....

Sa loob ng kuwarto ni Linley.

Dahil sa sugat sa ulo ni Linley kaya sinabihan ni Hiri ang lahat ng mga tagasilbi na huwag siyang abalahin para siya ay makapagpahinga. Ngayon ay payapa at tahimik sa silid-tulugan ni Linley kahit pa ang buong bayan ng Wushan ay parang ipo-ipo dahil sa kaabalahan ng mga tao. Tahimik lang siya at mahimbing na naglalakbay sa mundo ng mga panaginip.

"Ding!"

Sa bandang dibdib ni Linley ay nagsimulang lumitaw ang ilang sinag ng liwanag na kasabay ng isang malamyos na tunog na parang likha ng isang chime. Pagkatapos, parang isang kulungan na pumalibot ang ilaw sa itim na Coiling Dragon ring. Lumipad iyon palabas sa pajamang suot ni Linley saka lumutang sampung sentimetro ang layo sa kaniya.

Kasabay ng paglaki ng ilaw mula sa Coiling Dragon ring ang pagyugyog ng malakas ng sigsing.

Mabuti na lamang at walang ibang tao ngayon sa kuwarto ni Linley kasi kung nagkataon, ang makakakita sa nangyayari ay baka takasan ng bait. Si Linley kasi na mag-isang nandoon ay tulog na tulog naman kaya hindi niya napapansin kung anong nangyayari sa singsing niya.

"Ting!" Bigla na lang nagsimulang lumiit ang ilaw ng singsing at pagkatapos ay may isang mapusyaw na sinag ang lumipad paalis doon. Bumaba iyon sa tabi ng higaan ni Linley saka naging imahe ng isang tao.

Ang imahe ay sa isang mukhang mabait na matandang maginoo na nakasuot ng robang kasing-puti ng buwan at may mahabang puting balbas.

Sa oras ding iyon ay bumagsak pabalik sa dibdib ni Linley ang Coiling Dragon ring. Gumalaw ang talukap ng mga mata niya bago dahan-dahang bumukas. Nang makita niya ang matandang lalaking hindi pa niya nakita kahit kailan pa man noon, hindi niya napigilan ang pagkabigla. "Ikaw... sino ka?"

"Kamusta bata. Ako si Doehring Cowart. Isa akong Saint-level Grand Magus ng Pouant Empire!" ang nakangiting sabi ng mukhang mabait na matandang lalaki.

Biglang namilog ang mga mata ng bata.

"Ikaw... isa kang Saint-level magus instructor?"

Buong kumpiyansang tumango ang matandang may maputing buhok.

"Imposible. Lolo, kanina ay nabanggit mo ang Pouant Empire. Pero ang Pouant Empire ay bumagsak na, mga limang libong taon ang nakakaraan!"

Pamilyar si Linley sa kasaysayan ng mundo kaya naman alam niya na bago pa man sumibol ang sarili niyang angkan ay matagal nang wala ang imperyo ng Pouant. Sa pagpasok ng modernong panahon, ang Pouant Empire ay hindi kabilang sa apat na malalaking imperyo sa buong mundo.

Coiling Dragon Book 1Where stories live. Discover now