"RUMBLE!" (T/L: Hindi ko alam kung dapat ko bang tagalugin ito kasi awkward naman kapag tinagalog yung mga sound effects. Pipol, help. Comment suggestions if possible.)

Maya-maya, niyanig ang buong kalupaan ng isang lindol.

Nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng lahat ng naroroon pagkalinga sa silanganing kalangitan. Lumitaw doon ang isang higante na nakalutang din sa ere. Ang taas niyon ay naglalaro sa sampung metro, ang mga kalamnan ay mahigpit na nakahugpong sa bawat isa. Nasa mukha nito ang matigas na anyo. Ang buong katawan ay kulay lupa. Nang mga oras na iyon, ang Earthen Giant ay nakikipagpalitan ng buwelo sa nakaberdeng kasuotan na swordsman, at sa bawat palitan ng taga ay may sumasabay na ingay ng kulog at kidlat.

Mismong ang tunog ng mga banggaan ng buwelo ang testamento sa kung gaano kalakas ang Earthen Giant. Bawat tira nito ay mas malakas ng hindi hamak sa mga hindi mabilang na tipak ng bato kanina.

Manghang-manghang pinanood ni Linley ang mga nangyayari. "Siguro ay nilikha ng magus na nakaabuhing roba sa pamamagitan ng magic ang Earthen Giant na iyon." Madaling nakabuo ng kongklusyon si Linley dahil alam niyang ang nakaabuhing magus ay napakamakapangyarihan.

"Linley, anong pakiramdam mo?" Tanong ni Hogg ng may pag-aalala.

Ngumiti naman si Linley. "Okay lang po ako. Nagkaroon lang ako ng sugat sa ulo at nawalan ng kaunting dugo."

"Young master Linley, maraming dugo ang talagang nawala sa iyo. Kung mas marami pa roon ang nawala, baka namatay ka na." Agad na naglabas si Housekeeper Hiri ng putting tela mula sa warehouse na agad nitong ibinalot sa ulo ni Linley.

Matamang tiningnan ni Hogg si Linley. "Uncle Hiri, kamusta ang natamo niyang pinsala?"

Nginitian ng katiwala si Hogg. "Hindi naman malala. Nasa mainam na lagay ang kaniyang katawan at hindi naman siya nawalan ng malay. Wala naman sigurong dapat ipag-alala. Sa mga darating na araw ay kakailanganin lamang niyang kumain ng mas maraming karne para mapalitan ang mga nawalang dugo at pagkatapos niyon ay magiging ayos na siya."

Pagkarinig niyon ay saka lamang nakahinga ng maluwag si Hogg.

Kanina, pagkakita niya kay Linley na sumusugod para protektahan si Wharton ay talagang sobra siyang nahintakutan. Masyado siyang natakot sa posibilidad na mawawala sa kaniya ang dalawa niyang anak ng ganoon-ganoon lang.

Matapos ang ilang paghugot ng malalim na hininga ay binalingan ni Hogg si Hillman. "Oo nga pala, Hillman. May sinasabi ka tungkol sa sitwasyon ng Wushan, hindi ba? Gaano kasama ang lagay ng bayan ngayon?"

"Hindi ko masisiguro kung gaano kalala ang naging mga pinsala," ang saad ni Hillman na ang mukha ay nagdidilim. "Pero batay sa nakita ko, marami ang nasawi at marami ring mga nagtamo ng mga sugat at baka mga nabaldado pa nga! Bigla-bigla kasi ang mga pangyayari. Kahit pa nasigawan namin ang lahat na magtago, marami pa rin sa mga mamamayan ang hindi nagawang maikubli ang sarili sa kani-kanilang cellars."

"Masyado ngang naging mabilis ang mga pangyayari." Tiningnan ni Hogg ang silangang kalangitan.

Ibang-iba talaga ang mga Saint-level combatants kumpara sa mga karaniwang tao na gaya ng mga taga-Wushan. Kayang-kayang lipulin ng isang Saint-level combatant ang isang buong bayan sa isang kumpas lamang ng kamay. Kanina, ang pag-ulan ng mga tipak ng bato at ang pagwasak ng nakaberdeng robang lalaki sa mga tipak na iyon ay pawang mga opening acts lamang.

Subalit maging ang mga side effects ng mga paunang palitan na iyon ng mga atake ay sapat na para magdulot ng kalamidad sa buong bayan ng Wushan.

"Ang maalamat na earth-style incantation ng tenth rank, isang forbidden spell na tinatawag na 'World Protector' ng earth element... Masyadong nakakagimbal ang lakas ng 'World Protector'. Ito ang itinuturing na pinakamalakas na offensive spell ng mga earth-style magus." Habang sinasabi iyon at habang nakatingin sa earthen giant ay nanlalamig ang mukha ni Hogg.

Si Hogg ay miyembro ng angkan ng mga Dragonblood Warriors. Kahit na bumagsak na ang angkan dahil sa mga pagsubok ng panahon, ang kanilang limang libong kasaysayan ay nangangahulugang mula sa kanilang kalipunan ng kasulatan ay naroroon ang mga impormasyon tungkol sa pinakamalalakas na atakeng mahikal ng mga pinakamalalakas na tao sa kasaysayan. Natural na kay Hogg ang malaman sa isang sulyap kung ano ang nangyayari.

"Isang incantation ng tenth rank..." Napahinga ng malalim si Linley.

Gustong-gusto talaga ni Linley na balang-araw ay makasakay sa isang itim na dragon at makagamit ng mga makawasak-mundong incantations ng tenth rank. Siyempre dahil doon kaya nagawi ang kaniyang pag-iisip sa magaganap na magical testing at recruiting event. "Ang pagsusulit ay gaganapin ngayong tagsibol sa kapitolyo. Mayroon pang kalahating taon..."

Mula sa kaibuturan ng kaniyang puso ay puno ng pananabik si Linley sa magical testing na magaganap kalahating taon mula ngayon.

"Hillman, pagkatapos ng ilang sandali ay samahan mo akong inspeksyunin ang sitwasyon ng mga residente natin." Saad ni Hogg bago binalingan si Hiri. "Uncle Hiri, pag-alis ng dalawang Saint-level combatants, dalhin mo si Linley sa bahay para pagbihisin at pagpahingahin."

"Masusunod, amo." Tumango ang katiwala.

Nilingon ni Hogg si Linley na noon ay matamang nanonood sa kapana-panabik na labanan ng dalawa. Natatawa niyang sinabi, "Oh, Linley, hayop na bata ka. Kahit na may sugat ka na ay nanonood ka pa rin sa labanan. Mabuti na lang kamo at dahil ginamit na ng Saint-level magus ang 'World Protector', ibig sabihin ay patapos na ang laban."

Dahil sa sobrang pagkagumon sa panood ay hindi naman napansin ni Linley ang nangyayari sa bandang dibdib niya.

Dahil nasugatan siya sa ulo, ang tinawag niyang 'Coiling Dragon' ring na nasa ilalim ng kaniyang damit ay nabahiran ng dugo. Pero nawala rin kapagdaka ang dugo sa Coiling Dragon ring na para bang tubig na ipinatak sa walang-hanggang karagatan. Sinipsip ng hindi pangkaraniwang metal ng singsing ang dugo.

Pagkatapos niyon, nagsimulang magningning ang Coiling Dragon ring ng mapusyaw na ilaw.

Pero dahil suot-suot iyon ni Linley at nakapailalim sa damit kaya walang sinumang nakapansin sa bahagyang ilaw na nanggagaling sa singsing na iyon.

Coiling Dragon Book 1Where stories live. Discover now