"Inimbitahan ng aking kapatid sina binibing Carmelita at binibining Maria sa aming tahanan. Nagkataon na may mahalagang lakad si binibining Maria kung kaya't ako na ang maghahatid kay Carmelita." Paliwanag ni Leandro. Bakas sa mukha niya na tensyonado na rin siya ngayon. 

Nagpabablik-balik ang tingin nina Sergio at Angelito sa aming dalawa ni Leandro. "At kayo po'y maglalakad patungo sa hacienda Montecarlos?" tanong ni Angelito. 

Agad siyang sinaway ni Sergio. "Angelito, hindi nararapat na ikaw'y makisali sa usapan ng mga matatanda."

"Ah... e, alam niyo naman na kakagaling ko lang sa sakit kaya kailangan kong mag-ehersisyo," sabat ko saka sinubukan kong mag-unat, "B-bilin din sa akin iyon ni Juanito." Napalunok ako sa kaba. Napatango na lang si Sergio. Samantala, napa-iling naman si Angelito. 

"Bueno, ibig niyo bang sumabay na lang sa amin?" tanong ni Sergio. Napangiti ako dahil kahit papaano makakaalis na ako sa napaka-awkward na sitwasyon na 'to kaya lang naunang sumagot si Leandro. 

"Huwag na po, heneral. Mayamaya ay darating na rin ang ilan sa aming mga kalesa." Sagot ni Leandro. Gusto ko sa kaniyang tanungin kung seryoso siya na maglalakad kami kasi kakalimutan ko na ang dyamanteng singsing na ibibigay niya. 

"O'siya, kami ay mauuna na sapagkat baka ako ay mahuli sa pagdating ng barko patungong Maynila." Ngiti ni Sergio bago sumakay muli sa kanilang kalesa. 

"Mag-iingat po kayo, heneral." Paalam ni Leandro saka sumaludo muli sila sa isa't isa. 

Ngunit bago sila makaalis ay nagsalita si Sergio, "Binibinig Carmelita, ikaw ba ay may nais iparating kay Juanito? Ako'y bibisita sa kaniya pagdating ko sa Maynila." Tanong ni Sergio. Napalunok ako muli, gusto ko sanang sabihin na huwag niya sana akong isumbong kay Juanito kaso hindi ko naman pwede sabihin 'yon. 

"Uh... W-wala naman. Mag-ingat ka sa byahe, Ginoong Sergio." Tumango si Sergio habang si Angelito naman ay nagdududa pa ring nakatingin sa'kin. Ang lakas maka-konsensiya ng batang 'yon ha.

Nang makaalis sila ay naiwan na naman kami ni Leandro sa gitna ng kalsada. "Aking nahihinuha na may magandang balitang makakarating kay Juanito." Ngiti ni Leandro dahilan para mapaisip ako, siguro naman ay matutuwa rin si Juanito dahil malapit na masakatuparan ang plano namin. 


KINABUKASAN, ako ang nagluto ng almusal. Ikinatuwa naman iyon ni ama. Pakiramdam ko ay lumalaki ang ulo ko dahil sa sobrang pagpuri niya sa mga niluto ko. Good job, Carmela!

Pagsapit ng tanghali, nakatambay lang ako sa balkonahe at nagmumuni-muni nang may kumalabit sa likod ko, si Theresita. May inabot siya sa'kin na isang piraso ng papel.

Maaari ba tayong magkita sa simbahan? - Leandro.

Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa kung ano ang nakasulat doon. Hindi pa rin ba niya ako tatantanan? Gusto ko ng tahimik na buhay!

Nilukot ko na lang ang papel. Kung makikipagkita ako sa kaniya, marami na naman siyang itatanong at ipapaalala sa'kin. Wala naman akong maalala na memories namin. We're a total strangers.

Hindi ko namalayan na nasa tabi ko pa pala si Theresita, nagtataka na ngayon ang hitsura niya. "Binibini, wala po kayong balak paunlakan si Ginoong Leandro?" nag-aalalang tanong ni Theresita. 

"N-nabasa mo ang sulat?" nagtataka kong tanong. Napangiti si Theresita. Basta kapag lovelife ko ang pinaguusapan, sobrang saya nilang lahat. 

"Iniabot po ni Ginoong Leandro ang papel na iyan sa akin kaninang umaga. Huwag po kayong mag-alala binibini, sa tagal ko na pong naging saksi sa inyong lihim na pagsinta ay akin pong nababatid ang inyong mga kilos at tingin sa isa't isa." Ngiti ni Theresita saka sinagi pa ako nang kaunti.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon