"A-ayos lang. Siguro bigyan mo muna ako ng oras para makapag-isip-isip." Sagot ko. Hindi ko akalain na effective at hindi pa rin pala gasgas ang I need time and space line.

"Ang ibig mo bang sabihin, may pag-asa pang mapatawad mo ako?" tanong ni Leandro at unti-unti naman siyang napapangiti. Bakit ba ang hilig ngumiti ng mga lalaki sa panahong 'to. 

"Oo? Ewan? Baka? Hindi ko sigurado." Sana tumigil na siya. Gusto ko nang umuwi. 

"Aking gagawin ang lahat upang mapatawad mo, o aking sinta. Ako'y umaasa na maibabalik natin ang ating relasyon."Kitang-kita ko sa mga mata niya na sincere siya sa sinasabi niya. Pero ang awkward lang kasi hindi naman ako ang ex niya.

Napapikit na lang ako para pakalmahin ang sarili ko. Bakit ba lagi na lang ako naiipit sa isang nakaka-stress na situation?!

"Iyo bang naaalala bago ako lumisan. Ako'y may ibinigay sa iyo ngunit hindi mo tinanggap," napayuko siya muli. "Subalit hindi ako susuko. Ipaglalaban kita Carmelita. Ipaglalaban ko ang ating pagsinta." Nanlaki ang mga mata ko nang iabot niya sa'kin ang isang singsing. Is he going to propose?!

Napatakip ako sa aking bibig, "Nawa'y iyong tanggapain ang aking pag-ibig. Kung hindi tayong dalawa ang magkatuluyan. Para sa iyo pa rin ito." Halos wala akong kurap na nakatingin sa singsing na silver at may blue diamond sa gitna. Totoo ba 'to?

Kinagat ko ang singsing para malaman kung totoo nga iyon. Totoo nga! It's a real diamond!

Magkano ko kaya maibebenta 'to?

Natauhan ako nang magsalita si Leandro. Hindi ko namalayan na nariyan pa pala siya. Masyado na-occupied ng diamond ang utak ko. "Iyo bang naaalala ang aking huling sinabi sa iyo bago ako lumisan?" tanong niya. Napalunok ako saka umiling na lang. Hindi ko naman talaga maaalala dahil hindi naman ako ang jowa niya.

"Ipinangako ko sa iyo na ako'y magbabalik. Buong puso kong nauunawaan kung hindi mo na ako magagawang hintayin. Ngunit aking hindi inaasahan na ikaw'y sasang-ayon na magpakasal sa iba." 

"Nasa gitna kami ng pagsasanay nang makarating sa akin ang liham ni Helena na ikaw ay ikakasal na sa anak ni Don Mariano Alfonso. Ako'labis na nasaktan. Ngunit ako'y nabuhayan ng pag-asa nang nagpadala muli si Helena ng liham na naglalaman ng balitang hindi mo rin ibig ikasal kay Juanito sa kadahilanang ako pa rin ang laman ng iyong puso." Patuloy niya. Awkward. 

Naalala ko na! Dinahilan ko rin pala kay Helena na mahal ko ang kuya niya para maniwala na hindi ko gusto magpakasal at agawin si Juanito. Bakit ba hindi ko naisip na ichichika ni Helena sa kapatid niya 'yon?!

"Kung kaya't ako'y lumaban ako. Ipinangako ko aking sarili makakabalik ako sa iyo. Inabot man kami ng bagyo sa gitna ng dagat, ako'y nanalangin na muling makabalik at muling masilayan ka, Carmelita." Hindi ko namalayan na nakanganga na pala ako habang nagkukuwento siya. 

Medyo naawa ako sa kaniya. Siguro nga galit talaga si Carmelita sa kaniya pero hindi ako si Carmelita kaya walang dahilan para magalit ako sa kaniya. May namumuong luha sa mga mata niya, agad siyang tumalikod at hinawi iyon. Hindi niya siguro gustong makita ko siyang umiiyak. 

Hahawakan ko na sana ang balikat niya para tapikin siya pero may kumakaripas na kalesa ang papadaan sa kalsada at tumigil sa tapat namin. "Binibining Carmelita? Anong ginagawa niyo rito?" tanong ni Sergio Alfonso saka tumingin sa lalaking kasama ko. "Ginoong Leandro?" 

Agad sumaludo si Leandro kay Sergio. Bumaba sa kalesa si Sergio saka sumaludo pabalik kay Leandro. Bakit ba sa dinami-dami ng makakakita sa amin ni Leandro, kuya pa ni Juanito!

Nagulat ako nang biglang dumungaw si Angelito sa bintana ng kalesa. Okay so double-trouble na this. "Uh... Wala lang. Sinamahan lang ako ni Leandro maglakad papauwi." Palusot ko, mukha namang hindi kumbinsido si Sergio at lalong-lalo na si Angelito!

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon