"Wala" sagot ko.

"Pito" tugon ni Juanito.

Napahawak ako sa aking batok. Parang tumataas ang blood pressure ko. Nilakihan ko ng mata si Juanito pero hindi naman siya tumingin sa'kin. 

"Wala? Anong ang iyong ibig sabihin anak? Hindi mo ibig magkaroon ng anak? Sus Maryusep!" gulat na saad ni Doña Soledad. Napatingin ako sa kanilang lahat, parang kakapanood lang ng horror movie ng mga tao rito dahil lahat sila ay gulat na gulat sa sinabi ko, maliban kay Juanito. Anong problema? Ano naman kung ayaw ko magkaanak? Masisira lang ang sexy body ko.

"Iyong bawiin ang iyong tinuran, Carmelita. Itinuturing na isinumpa ang babaeng walang anak" bulong ni Maria sa'kin. Napahinga na lang ako nang malalim. Sa modern generation, hindi na big deal ito. 

Ngumiti na lang ako ng pilit saka kunwaring nagbiro, "Ang ibig ko pong sabihin ay wala nang mas sasaya pa kundi ang magkaroon ako ng asawa na tulad ni Juanito at mabiyayaan kami ng pitong anak" palusot ko. Kinikilabutan ako. Ang corny at ang cheesy ng sinabi ko!

Halos nakahinga naman nang maluwag ang lahat at muling nagtawanan. Napatingin ako kay Juanito na ngayon ay nakangiti na rin. Dapat kinilabutan din siya sa sinabi ko.


"ANO? Bakit hindi makakarating ang mga mang-aawit?" sigaw ni Don Alejandro nang sabihin ni Theresita na hindi ang mga singer na binayaran niya dahil manganganak daw ito. Speaking of anak, nagkaisa ang lahat na dapat pito ang maging anak namin ni Juanito.

Narito kami ngayon sa salas at hinihintay namin ang mga singer na kanina pa binabanggit at pinagmamalaki ni Don Alejandro. "Mahal, iyong ingatan ang puso mo" paalala ni Doña Soledad habang inaalalayan si Don Alejandro na maupo ulit.

"Hindi bale Amigo, walang kaso sa amin iyon" sabi naman ni Don Mariano. Tumango naman si Doña Juanita at ang mga anak nila. Maliban kay Juanito na nakasandal sa tabi ng bintana habang nakatanaw sa labas, mukhang malalim ang iniisip niya. Tatalon kaya siya sa bintana? 

"Siya nga pala, aking naulinigan na mahusay si Carmelita sa pagtugtog ng piyano, hindi ba Sonya?" ngiti ni Don Mariano. Tumango naman si Sonya saka ngumiti, naalala ko na Bff pala siya ni Carmelita, alam niya talaga kung ano ang mga hilig at kakayahan ng bff niya.

"Ipinagmamalaki nga po namin si Carmelita dahil sa taglay niya husay pagdating sa larangan ng musika" dagdag pa ni Maria sabay ngiti sa'kin. Halos silang lahat ngayon ay nakangiti sa'kin.

"Bueno, maaari mo ba kaming handugan ng munting awitin, Carmelita?" tanong ni Don Mariano. Tumango pa ng dalawang beses sa'kin si Sonya na kulang na lang ay may itaas siyang banner pang-cheer sa'kin.

Napatulala na lang ako. Anong gagawin ko? Hindi ako marunong mag-piano!

"Huwag ka nang mahiya anak, ipamalas mo sa kanila ang iyong angking talento" ngiti sa'kin ni Doña Soledad. Mukha pa ba akong nahihya sa lagay na 'to? Hindi ba pwedeng kaya ayoko tumutugtog ng piano kasi hindi talaga ako marunong.

Magpapalusot sana ako kaya lang tumayo na si Sonya at hinila niya ako papunta sa tapat ng piano. "Carmelita, iyong tugtugin ang awiting madalas mong tugtugin sa amin ni Helena" ngiti ni Sonya, bakas sa mukha niya na excited siya. Kulang na lang ay maging manager siya ni Carmelita. 

Napahawak na lang ako sa noo, malay ko ba kung ano ang madalas tugtugin ni Carmelita sa kanila!

Nakatingin na rin sa'kin ngayon si Juanito. Naintriga rin siguro siya sa galing ko raw mag-piano. Hinawakan ni Sonya ang balikat ko at pinaupo na sa tapat ng piano. Kumindat siya sa'kin saka naglakad na pabalik sa kinauupuan niya kanina. Naiwan na akong mag-isa sa gitna habang ang lahat ng mata nila ay nasa akin.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Where stories live. Discover now