Prologue

263 10 0
                                    

The Mean Experts

A Collaboration of ChannelingHappiness and ashgreybaby.

All rights reserved.
——

PROLOGUE

     “TUMATAKAS na siya!”

     Matinis na pagsigaw na ginawa ni Cam upang makuha ang atensyon ng buong klase. Siya ang kasalukuyang classroom president ng Business Administration Section 3B Third Year. Dahil sa iniatas na tungkulin sa kanya, siya ang naging tagasalo ng lahat ng mga problema ng buong klase. Katulad na lang ng nangyayari ngayong kumosyon sa loob ng Room 6 ng Recto Building.

     “Ano ba!? Habulin niyo na siya!” Muling pasigaw na utos niya na nakapagpataranta sa klase. Biglang tumayo si Thea at mabilisang sinundan ang kaklaseng tumatakas. Naabutan niya itong dali-daling bumaba ng hagdan.

     “Gela! Saan ka pupunta!?”

     Napatigil si Gela sa pagtakbo at napatingala kay Thea na nakapamaywang sa pinakadulong-taas ng hagdan.

     “UUWI NA AKO! WALA KAYONG KWENTANG KAKLASE! ANG HILIG NIYONG MAMBINTANG!”

     Naikuyom ni Thea ang kanang palad tanda ng pagpipigil nito ng galit. Galit sa nangyayari ngayon sa dati nilang masayang klase. “Kung alam mo namang wala kang kasalanan, bumalik ka sa itaas para maayos natin ang lahat. Hindi ‘yung bigla-bigla ka na lang tatakas!”

     Napayuko si Gela dahil sa tinuran ng kanyang kaklase. Pinusan ang mga luhang patuloy na lumalandas sa kanyang pisngi. Muli ay itinaas niya ang kanyang tingin at nagpalinga-linga. Para bang may iba sa ikinikilos niya. Para bang…

     “GELA! Nalintikan na! Tumatakas na naman siya!”

     Mabuti na lamang at mabilis kumilos ang mga kalalakihan, at naabutan nila ang papatakas na si Gela. Pinalibutan nila siya upang mapigilan pa ang kung ano man ang naisin nitong gawin. Ngunit sadyang magiling talagang lumusot sa mga gusot na ginawa ang dalaga. Nakakita siya ng pagkakataon at muling nakatakas. Nagulat man kung paano nakawala sa kanila ang dalaga, ay naging maagap pa rin ang mga lalaki sa paghabol sa papalayong babae.

     Swerte na lang at nagkataong maraming mga estudyante ang naglalakad sa Recto Building grounds kaya nahirapang makahanap ng daan ang papatakas na si Gela. Dito na siya muling nahabol ng mga humahabol sa kanya at hinawakan ng mahigpit ang magkabila niyang braso upang masiguradong wala na siyang kawala.

     “I wanna go home.” Nagmamakaawang sambit ni Gela sa mga humihila sa kanya pabalik ng classroom. Ngunit naging bingi ang mga lalaki sa kanyang tinuran at ipinagpatuloy ang planong pagpapabalik sa kanya sa kung nasaan ang kanyang mga kaklase.

     Nang malapit na sila sa hagdan paakyat ng Room 6, biglang nag-hysterical ang dalaga. Nagsimula na siyang magpupumiglas at magsusumigaw na nakakuha ng atensyon ng mga estudyante sa kolehiyo nila. Ang pagsisigaw ni Gela ay sinundan ng mga bulung-bulungan mula sa mga nag-uusyuso sa paligid.

     “Please naman o, bitiwan niyo na ako! Uuwi na ako! Ano ba!”

     “Tumigil ka na! Nakakahiya na ang ginagawa mo! Marami nang nakatingin sa atin!” Mahina ngunit mariing wika ni Vincent. Mas diniinan pa nito ang hawak upang maipaalam sa dalaga na galit na siya.

     “ARAY! NASASAKTAN NA AKO! ANO BA!?”

     “Talagang masasaktan ka kapag hindi ka pa tumigil!” Biniglang-hila ni Robert ang braso ni Gela na kanyang hawak kaya naman muntikan ng mabunggo ang dalaga sa pintuan ng Room 6.

     “TAMA NA PLEASE! NASASAKTAN NA AKO! PAKAWALAN NIYO NA AKO! NASA INYO NAMAN ANG LAHAT NG EBIDENSYA ‘DI BA!? KAYA PLEASE, LET ME GO!”

     Huli na nang mapagtanto ni Gela ang sinabi. Lahat sa loob ng classroom ay nagulat dahil sa narinig. Kahit na ang mga kalalakihan ay napabitiw bigla mula sa pagkakahawak sa kanya. Kinuha niya itong pagkakataon upang maitulak ang nakabantay sa likuran niya at nag-iiyak na tumakbo papalayo sa lugar.

     “Wala akong ninakaw! Hindi ako magnanakaw!” Pinagtitinginan na siya ng mga taong nakakasalubong niya sa daan ngunit wala na siyang pakialam. Pagod na ang kanyang isip at katawan upang intindihin pa ang iniisip ng mga nakakasalubong niya tungkol sa kanya. Ang gusto niya na lamang ngayon ay makauwi at magkulong sa kanyang silid. “Hindi ako magnanakaw! Bakit ayaw nila akong paniwalaan?”

     NANG makauwi ay buong magdamag siyang nagkulong at umiyak sa kanyang silid. Kahit kumain ng hapunan ay hindi na niya magawa. Bugbog na ang kanyang isipan at katawan tungkol sa nangyari sa kanya ngayong araw. Pagod na rin ang kanyang mga mata sa kakaiyak. Ngunit ang sakit na dulot nang mapagbintangan sa salang hindi naman niya ginawa ay patuloy pa ring humahaplos at nanunuot sa kanyang mga puso.

     Umugong ang tunog ng kanilang Grandfather Clock. Binaba niya ang kumot na nakatalukbong sa kanyang mukha upang tignan ang oras. Hatinggabi na. Halos walong oras rin siyang walang humpay sa pag-iyak. Babalik sana siya sa ilalim ng kumot ng may mahagip ang kanyang mga mata na isang kumikinang na bagay sa dulo na kanyang study table. Biglang sumagi sa kanyang isipan ang isang bagay na kailanman ay naisip niyang hindi niya kayang gawin. Isang bagay na tanging alam niya upang makawala sa sakit at hinagpis na kinasasadlakan niya ngayon.

     “Ito ba talaga ang gusto niyo?” Halos namamaos na bulong ng dalaga sa hangin habang hawak ang makinang at matulis na bagay.

The Mean ExpertsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon