Chapter 7

3K 62 1
                                    


CHAPTER SEVEN
NARAMDAMAN ni Aliyah ang pagtanggal ng piring sa kanyang mga mata. Sa tantiya niya ay mahigit sa tatlong oras ang kanilang nilakad bago sila huminto at iyon nga tinanggal na ang piring sa kanyang mga mata.
Iginala agad niya ang kanyang paningin sa buong paligid. Nasa loob sila ng isang kuweba at tanging ang ilaw mula sa petro max ang nagbibigay liwanag doon sa loob. Nakita niyang may isang babaeng nakahiga sa isang papag. Nanginginig ito at maputla na. Tantiya niya mahigit singkwenta anyos na ito.
“Siya ang dahilan kung bakit ka dinukot namin. Pakiusap gamutin mo siya. Kailangan niyang mabuhay,” nagsusumamong turan noong lalaking tumutok ng baril sa kanya kanina. “May kasama kami sa kapatiran noon na doctor pero namatay siya ng nilusob kami sa dati naming kuta namin. May mga naiwang mga gamit pa siya na sa tingin ko magagamit mo pa.”
“Kapag ginamot ko siya, anong assurance ko na iuuwi n’yo pa akong buhay sa patag?” diretsahang tanong niya rito sa naisip niyang posibilidad na mangyari sa kanya kanina.
“Magtiwala ka lang sa amin. Tatanawin naming isang malaking utang na loob ang lahat ng ito kapag naisalba mo ang buhay ng aming kumander.”
Siya ang pinuno nila?
May kung anong mga maliliit na mga kamay ang umapuhap sa puso niya dahilan upang makaramdam siya ng habag para dito. Tingin din naman niya sa lalaking kaharap ay may isang salita ito at mapagkakatiwalaan.
“Dalhin mo dito iyong mga gamit noong kasama n’yong doctor at titingnan ko kung ano ang pwedeng magamit doon. Pagkatapos magpakulo ka na rin ng tubig,” utos niya sa lalaking tumutok ng baril sa kanya kanina.
“Sige po, Doc.” Agad na tumalima ito. Ilang sandali pa ay nagbalik na ito bitbit ang itim na bag.
Laking tuwa niya ng makitang nandun lahat ng mga gamit na kakailanganin niya. “Paki-sterilize muna ang mga ito para masigurong malinis. Magdala ka rin ng isang batya ng mainit na tubig. Pakibilisan lang po.”
Mabilis na umalis agad ito.
Nang umalis ang lalaki ay tiningnan niya ang matandang babae. Naawa siya rito dahil panay ang ungol nito. Siguro’y iniinda nito ang sakit ng sugat nito. Nang sinalat niya ang noo nito ay napaigtad siya dahil mainit iyon. Alam niyang nagkaimpeksyon na ang sugat nito dahilan upang lagnatin na ito.
“Mister, magdala ka na rin ng suka, bimpo at malamig na tubig. Inaapoy na siya ng lagnat. Pakibilisan lang po,” sigaw niya rito.
Ilang minuto lang ang lumipas ay patakbo itong lumapit sa kanya bitbit ang isang plangganitang may lamang tubig. Nakaipit naman sa kili-kili nito ang isang bote ng suka at nakasabit sa balikat nito ang bimpo.
Pagkalapag ng mga iyon sa harap niya ay agad niyang nilagyan ng suka ang tubig at binabad ang bimpo doon saka piniga. Inilagay niya iyon sa noo ng matandang babae.
“Tapos na ba ‘yong iniutos ko sa inyo? Pakibilisan lang po,” aniya rito. “Ah oo nga pala, kailangan ko ng nilagang dahon ng bayabas para ipanglinis sa sugat niya.”
“Sandali lang at babalikan ko.” Umalis na agad ito. Narinig niyang inutusan din nito ang mga kasama nito.
Habang hinihintay ang mga kakailanganin niya ang pinunasan at nilinis ang katawan ng matandang babae gamit noong bimpo.

TAGAKTAK ang pawis ni Aliyah nang sa wakas ay makuha na niya ang bala. Isa sa balikat at ang isa ay sa binti. Buti na lang at hindi ito naubusan ng dugo. Agad niyang tinahi ang sugat nito gamit ang ordinaryong sinulid at karayom.
Panay ang ungol at sigaw nito kanina habang tinatanggal niya ang bala. Paano’y wala namang anesthesia iyon. Ngayon ay ganun din. Alam niyang nasasaktan ito sa pagtahi niya sa sugat nito. Pero tanging iyon lang pwede niyang gawin para maisalba ang buhay nito.
Nakahinga siya ng maluwag nang matapos na niyang tahiin ang sugat nito.
“Oobserbahan na muna natin siya,” aniya sa lalaking nagtutok ng baril sa kanya kanina na nagpakilala ring si Berting.
“Maiging kumain na muna kayo Doc pagkatapos ay magpahinga na rin,” anang nito sa kanya.
“Salamat,” aniya. Tanging nilagang kamote at saging lang ang nandoon na inihanda ng mga ito para sa kanya.
“Pagpasensyahan mo na Doc at tanging iyan lang ang pwede naming maialok sa’yo na pagkain,” nakangiting wika nito. Siguro’y napuna nito na tinitingnan lang niya ang pagkaing nasa maliit na mesa na yari sa kawayan.
Tumango lang siya pagkatapos ay sinimulan na niya ang pagkain.

A Doctor's Love Story **Published under Lifebooks**Where stories live. Discover now