1. Ang Tigang na Paraiso

460 26 30
                                    


"Bawat butil ng buhangin ay kasing dami ng mga bituin sa kalawakan..."

-


Mainit ang hangin. Ang haplos ng araw ay halos sumusunog sa balat ng kung sino mang madapuan nito. Ang buhangin ay tila unti-unting bumibigat sa bawat hakbang ng isang bakal na robot na anyong aso o lobo. Nakukulayan ang ilang parte ng kanyang katawan ng asul, ang ibang parte naman ay kinakalawang na at niluluma. Sa kanyang tagiliran ay nakasulat ang ilang mga letra: S.A.M.

Nakasakay sa kanyang likuran ang isang bata na halos pitong taong gulang lamang. Nakasuot ng dumihin at pinagtagpi-tagping tela. Ang kanyang likod ay puno ng mga iba't-ibang kagamitan at mga kinakalawang na piraso ng bakal. Sa kanyang bibig ay nakatakip ang isang kulay abong tela upang harangan ang alikabok ng malawak na disyerto at nagunaw na mundo. Sa kanyang ulo ay nakasabit ang isang pares ng goggles at tila ba napapalamutian pa ng ilang piraso ng bakal. Walang saplot ang kanyang kaliwang braso kung saan makikita ang tatlong pahalang na pilat na tila kalmot ngunit ang kanyang mga kamay ay nakasuot ng gwantes na pinalalamutian din ng ilang maliliit na piraso ng kinakalawang na bakal. Maging ang kanyang pang-ibabang pantalon ay napapalamutian din at nalalapatan pa ng piraso ng metal na itsurang pananggalang. Nakasabit naman sa kanyang leeg ang kanyang armas, isang tirador na gawa sa pinagtgpi-tagping metal.

Dahan-dahang naglakad ang robot na anyong lobo habang lumulubog ang kanyang mga paa sa mainit na buhangin. Isang cassette tape naman ang inilabas ng batang iyon mula sa bulsa ng isang maliit na bag na nakasabit sa kanyang bewang. Tinaktak niya muna iyon sa kanyang palad upang maipagpag ang maliliit na butil ng buhangin at alikabok bago binasa ang mga letrang nakalagay doon: ERASERHEADS.

Tinapik niya ng bahagya ang leeg ng sinasakyang robot at gumawa naman ito ng kakaibang ingay. Siya'y tumingala at umungol at muling bumalik sa paglalakad. Sa batok ng robot na lobo ay pinindot ng bata ang isang boton. Lumabas ang isang maliit na sisidlan at doon inilagay niya ang hawak na cassette tape. Pinindot niya ang isang boton na halos magasgas na ang simbolong nakasaad. Lumubog ang sisidlan at saka naman umugong ang panimulang tugtugin na inilalabas mula sa magkabilang radyo ng robot.

"Minsan sa may kalayaan tayo'y...nagkatagpuan, may mga sariling himig...at kanya-kanyang hangad sa buhay..."

Unang pintig pa lamang ng tunog ay tila sinabayan na ng bata ang tugtuging iyon sa pamamagitan ng pag-ugoy ng kanyang ulo. Tila ginanahan naman sa paglalakad ang robot at naglakad ng mabilis. Sa malayong dako ng disyerto ay nakita nila ang isang tumpok ng mga gusali, naaagnas, niluma ng panahon, gyera, natural na kalamidad at nawasak na. Animo'y isang malaking basura sa gitna ng disyerto.

"Sa ilalim ng iisang bubong. Mga sikretong ibinubulong...kahit na anong mangyari, kahit nasaan ka man patungo. Ngunit ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon..." pagpapatuloy ng kanta.

Pinagmasdan ng bata ang malawak na pinsala. Tinapik muli ang leeg ng sinasakyang robot upang tumigil at tumingin sa kaliwa at sa kanan. Wala siyang nakita. Wala kundi disyerto. Mga nawasak na gusali, mga nagliliparang alikabok at ang umaalon na ilusyong tubig sa malayo dahil sa labis na init.

"...sana'y 'wag kalimutan, ang ating mga pinagsamahan. At kung sakaling gipitin ay, laging iispin na...minsan tayo ay naging tunay na...magkaibigan..."

Tumingin siyang muli sa kanan. Nakita niya sa malayo ang imahe ng isang malaking robot na anyong malaking unggoy. Ibinaba niya ang kanyang goggles, ikinabit sa kanyang mga mata at pinihit ang lente sa kanang parte nito. Pinikit niya ang kanyang kaliwang mata upang makita ng mas maigi ang kanyang tinitingnan.

"Doon Sam!"

Saglit na tumalon ang kanyang sinasakyan at tila ipinapakita ang pananabik nito. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa direksyon kung saan nakahiga ang niluluma at kinakalawang na higante sa gitna ng malawak na pinsala.

Resiklo: Recalibration (Spin Off)Where stories live. Discover now