UQP

413 35 4
                                    

Naalala kita ngayon dahil sa monay. Grade 6 ako no'ng turuan mo akong mag keyboard at mainit na monay sa kalapit na bakery ang meryenda. Naaalala kita sa pick na naiwan mo sa case ng gitara ko dahil bukod sa tatay ko, ikaw ang hinahangaan ko sa pagtugtog nito. Naalala kita sa bawat kanta sa line-up. Naaalala kita sa tuwing unang linggo ng buwan; tutugtog ka ng gitara at ako naman kakanta ng walang paboritong kanta tuwing Banal na Hapunan.

Naaalala kita tuwing may tatawag sa akin ng 'Mics'. Naaalala kita tuwing makikita ko ang brown niyong gate. Naaalala kita sa bawat linggo sa simbahan. Naaalala kita sa lumang drums set, amp, speakers, at gitara. Naaalala kita sa tuwing may pack-lunch. Naaalala kita tuwing hindi ko maabot ang key ng kanta dahil alam mo kung anong key ang abot ko.

Naaalala kita dahil naging bahagi ka ng buhay ko. Hindi man kadugo pero parang kapatid sa puso at pananampalataya. Naalala ko 'yong huli mong sinabi, tuwing linggo excited kang magsimba dahil may date ka kay Lord. Maaalala kita sa bawat sulok ng simbahan at sa bahay niyo na laging meeting place kapag may usapan. You always play the guitar, pero kahapon hindi mo na 'yon nagawa, kaya ako ang gumawa para sa'yo, gaya ng huli mong mga linggo na wala ako at ikaw ang ang pumalit sa dapat ay ako ang gumagawa.

Sana nakita mo. Sana narinig mo. Sana pinasilip sa'yo ni Lord kung gaano karami ang nagmamahal sa'yo. Mami-miss kita. Sa tingin ko, palagi talaga kitang maaalala. Palagi ka naming maaalala.

Hanggang sa muli.

TwentysomethingWhere stories live. Discover now