"I-insekto?" anas ni Semalya. "Natatandaan ko nga na bago mauwi sa ganitong kalagayan ang aking pamangkin ay nagsabi siyang may kung anong bagay na tumusok sa kaniyang paa," paliwanag pa niya.

"Ginang Semalya. Dapat mapaalalahan ang mga tao na baryo na maglinis mabuti ng mga bahay, marahil ay may mga bagong uri ng hayop na nakalalason ang umaaligid sa baryo. Kailan po ba nagsimula ang paglaganap nito?"

"Sa pagkakaalala ko nagsimula ito matapos mabungkal ang k'weba na nasa ilalim ng baryo. Hindi kaya roon nanggaling ang sinasabi n'yong hayop o insekto?"

Pagkasabing iyon ni Semalya ay biglang naalala ni Regoria ang liham ng anak kaya agad siyang napatanong sa matanda, "May mga nagmimina pa rin ba sa k'weba?"

"Meron pa Punong Maestro. Galing sila sa probinsya ng Toss at naatasan upang magmina sa k'weba."

Pagkasagot ni Semalya ay mabilis na naghabilin ang Punong Maestro. "Antelmo, magpatuloy ka sa pagsisiyasat," sabay baling kay Semalya. "Aling Semalya, magpadala ka ng sulat sa palasyo upang makahingi ng tulong. Paalalahanan mo na rin ang mga tao tungkol sa mga sinabi namin. Kailangan ko rin ng makakasama upang tumungo sa sinasabing k'weba na nasa ilalim ng baryo."

Matapos maghabilin na mag-ingat ay mabilis na sumakay si Regoria sa kabayo kasunod ang dalawang lalaking taga-baryo. Tumungo silang tatlo sa k'weba na nasa ilalim mismo ng Sereburum.

Eksaktong pagdating sa nasabing lugar ay kanilang nakita ang malaking kulandong na nakatayo malapit sa mismong bukana ng yungib. Eksaktong bumuhos ang ulan kaya patakbo silang pumasok sa kulandong pagkababa mismo ng kabayo.

"Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ng lalaking nasa edad labingwalo. Medyo maitim ang kutis ng lalaki at bato-bato ang katawan.

"Hinahanap ko si Regor," diretsong tanong ng Punong Maestro. "Ako si Regoria, ang kaniyang ina."

"I-ina?" gulat na tanong-sabi ng lalaki. "Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako po si Coyote. Isa sa mga kasamahan ni pinunong Regor." Nakipagkamay ito. "Kasalukuyan po silang naghahalughog sa k'weba."

"Maaari ba kaming sumunod sa loob?"

"Ikinalulungkot ko subalit mahigpit pong ipinagbabawal. Maaari n'yo na lang silang hintayin kaya lang ay medyo matatagalan."

Walang nagawa ang Punong Maestro kun'di maghintay sa pagbabalik ng anak.

-----

Tanghali na subalit madilim pa rin ang buong paligid dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Habang naghihintay si Regoria sa anak ay wala naman kamalay-malay ang grupo ni Regor na naulan na pala. Patuloy pa rin sila sa pagsuong sa yungib upang makapagmina ng mga mamahaling bato.

Lampas kalahating minuto pagpasok sa loob ng kweba ay nakahanap sila ng dalawang magkaibang lagusan kaya nagpasya si Regor na hatiin ang grupo sa dalawa. Tig-tatlong tao sa kanan at kaliwa.

Kasama ang dalawang minero ay sinuong ni Regor ang kaliwang lagusan habang ang ikalawang grupo ay sa kanan.

Mahaba-haba ang nilakad nila bago marating ang pinakahangganan ng yungib.

Napakalawak na sa bahaging iyon at may isang malaking pintuang gawa sa makapal na bato ang bumungad sa kanila. Siyam na talampakan ang taas at limang metro ang lapad ng pintuan. Nakaukit sa gitna nito ang simbolo ng Hruween. Ang alakdan.

"Pinunong Regor, mukhang nasa loob ng pintuang iyan ang kayamanan," anas ni Aspin na nasa kanan ni Regor. Iniangat niya ang sulo at tumambad sa kanilang mga mata ang dalawang pigura ng alakdan na nasa magkabilaang gilid ng malaking pintuan. Kasing laki ito ng tao at sa pinakadulo ng nakaangat nitong panusok ay may dalawang mamahaling hiyas na kumikinang sa pagkaasul.

THE REALMS 2Where stories live. Discover now