Naging matagumpay ang pagpihit nila sa katotohanan dahil mabilis na lumaganap ang ebanghelyo hanggang sa mabuo ang Eliahnos na naging tulay sa lalong pagsikat ng Manson kasabay ng lalong pagyaman.

Tumanaw si Dooke sa paralungawan ng kaniyang silid tanggapan pagkatapos mabasa ang pergaminong hawak. Nasa mansyon na siya ng mga Manson.

"Panginoong Dooke, ano pong hakbang ang naiisip n'yong gawin?" tanong ni Savin, tapat na naglilingkod at tanging tao na nakaaalam ng lihim ng Manson. Nakatayo ang may katandaang babae malapit sa pinto habang nakatanaw sa nakatalikod na Papo. "Sa palagay ko ay kailangan n'yo ng tumigil sa kung ano mang inyong binabalak sapagkat lumiliit ang inyong mundo."

Humarap si Dooke bago sumagot. "Sa loob ng tatlong taon ay iisa pa lamang sa limang bahagi ng Ylnafizei-Ysbbah ang nasa aking mga kamay," muli itong umupo bago hinarap ang kausap. "Kailangan ko na bang muling gamitin ang maskara Bran?"

"Kayo po ang masusunod panginoong Dooke."

Ang Maskara Bran ay maskarang uwak na siyang ginagamit ng mga mahaharlikang myembro ng Blackamoor upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan. Mayroon itong iba-ibang kulay dipende sa nais ng nagsusuot.

Muling nagbaliktanaw sa Papo ang nangyari tatlong taon ang nakalipas bago mapugutan ng ulo si Oldnick Demambro.

Ang angkan ng Manson ay lihim na naglilingkod at sumusuporta sa gawain ng Blackamoorluna sapagkat iisa sila ng layunin—ang pagharian ang mundo. Mas lalong umigting ang pagnanais ng Manson na tumulong sa adhikain ng Blackamoorluna, matapos sabihin ni Oldnick kay Dooke na nagkaroon siya ng pangitain na ang mga Nirvanong mandirigma ay muling maghahari sa mundo dahil sa biyayang ihahandog ni Ysbbah.

Bago noon madakip si Oldnick ay naibigay pa nito ang isang bahagi ng aklat sa kaniya na naglalaman ng propesiya patungkol sa mga Nirvanong mandirigma.

Nagpasya si Dooke na hanapin ang nalalabing apat na bahagi ng aklat subalit sa loob ng tatlong taon ay bigo siya.

"Kailangang makumpleto ko na ang buong aklat habang wala pa sa hustong gulang ang aking anak," ani ng Papo.

"Sa ngayon po ay sapat na ang mga impormasyon na inyong nakalap sa loob ng tatlong taon."

"Ang ikalawang bahagi ng aklat na patungkol sa paghahasik ng Blackamoorluna, ang ikatlo na patungkol sa Jinn at ikaapat na patungkol sa Madrasta ng kadiliman," muling tumayo at tumanaw sa malaking bintana ang ginoo. "Hindi sapat ang mga iyon Savin. Nauuhaw akong malaman kung patungkol saan ang una't huling bahagi ng aklat at ang nilalaman nito sa kabuuan."

Nahahati sa limang bahagi ang Ylnafizei-Ysbbah o ang dakilang propesiya ng dakilang Ysbbah na isinulat ni Oldnick Demambro. Sa tatlong taong pagsisiyasat ni Dooke ay ang ikalawa hanggang ikaaapat pa lamang ang mayroon siyang impormasyon at tanging ang ikatlong bahagi ng aklat ang nasa kaniyang pangangalaga.

"Salamat sa tulong ng Rufushia kaya ko nalaman ang mga impormasyong iyon subalit hindi dapat doon matapos ang lahat, kailangang makumpleto ko ang aklat. Alam kong hindi pa ito nalulusaw dahil sa gabay ni Ysbbah kaya lamang ang tanong ay kung nasaan  naba ang mga ito?"

"Sa palagay ko po ay masasagot iyan sa oras na matagpuan n'yo ang misteryosong lalaki na nagmamatyag sa guhong mansyon ni Oldnick," sagot ni Sevin.

"Isa pa sa palaisipan sa akin, ang taong iyon—malamang ay hinahanap niya rin ang piraso ng aklat, subalit sino siya?"

"Hindi kaya siya ang kumakalat noon na balita sa pangkat at sinasabing anak ni Oldnick?"

"Naisip ko rin ang bagay na iyan—" hindi na natapos ni Dooke ang sinasabi sapagkat biglang mayroong batang lalaki na pumasok sa silid.

Nasa apat na talampakan. edad sampung taong gulang. Asul ang buhok at mukhang inosente.

"Anton anak," bati ng ginoo

Nagmamadaling lumapit si Anton sa ama at yumakap. "Maligayang pagbabalik ama, salamat naman at nakauwi ka na rin," magiliw nitong bigkas.

"Kumusta ang pagsasanay sa ilalim ng mansyon?"

"Ayos naman. Kailangan ko po bang ituloy iyon?"

Tumango lang ang Papo saka lumingon kay Savin at sumensyas. Nang makuha ng ginang ang nais ni Dooke ay saka ito nagwika habang palapit kay Anton.

"Tara na ginoong Anton at kailangan n'yo ng magbihis at kumain," bago umalis ay nag-iwan pa ng mensahe ang matandang babae. "Marapat mo rin pong pag-isipan mabuti kung anong gagawin sapagkat kung sakaling kumanta si Ruber ay maaaring malagay sa alanganin ang lahat ng iyong pinaghirapan."

Naiwang nag-iisip si Dooke sa mga mga bagay at kung anong dapat pang gawin habang masaya namang sumunod si Anton at lumabas ng silid kasama si Savin.

Alam ng ginoo na kaunti na lang ang nalalabi niyang oras sa mundong ito kaya ganoon na lamang ang pagnanais niya na mabasa ng buo ang propesiya upang makatulong na maisakatuparan ito sa abot ng kaniyang makakaya.

Magmula ng mamatay ang kaniyang asawa't dalawa pang anak na mga babae ay isinumpa na ni Dooke na hindi siya titigil hanggang hindi makamit ng mga Nirvano ang tagumpay na inaasam nila. Ang maghari sa buong mundo, maibalik ang kapangyarihan at muling makapasok sa Nirvana.

Muli siyang napatanaw sa malawak na bintana habang niyuyukom ang mga kamay.

"Nararamdaman kong nalalapit na ang pag-asam namin sa tagumpay—salamat Ysbbah," anas niya sa sarili bago muling basahin ang nilalaman ng pergamino.

"Puting Bran Dooke, inaanyayahan kita rito sa aking kaharian sa Hruween para sa isang magandang balita patungkol sa bagay na alam kong matagal mo ng hinahanap. .. ang Ylnafizei-Ysbbah.

Malugod kitang tatanggapin sa aking palasyo bilang isang napakahalagang panauhin, Papo Eliahnos.

Liham mula sa Itim Bran at hari ng Hruween, ang iyong lingkod. Haring Nero."

-------

Samantala matapos ang labanan sa Vow ay nagtagumpay ang Keenl na malupig ang mga Rufushia. Hindi naging madali ang laban subalit sa tulong ng protektor ay nagwagi si haring Welscences laban sa rebeldeng kapatid na si Ruber.

Nakauwi ng ligtas ang unang heneral ng Serihch na si Amdim habang nadakip si Ruber subalit ilan sa mga kasama nito ay nakatakas kabilang na si Ajiya na ngayon pinaghahanap na. Ikinalat na sa buong mundo ang kaniyang pagkakakilanlan bilang kriminal.

Si Ruber kabilang ng iba pa ay ikinulong sa isla ng Kavak at ihinarap sa isang interogasyon.

"Salamat Hammirr at hindi ka nagdalawang isip na dinggin ang hiling ko na huwag ng maparusahan ng kamatayan ang aking kambal," pagpapasalamat ni Welscences sa kaibigang hari.

Kasalukuyang nag-uusap ang dalawa sa pribadong silid-tanggapan ng Kavak.

"'Wag mo pakaisipin iyon, ang mahalaga sa ngayon ay marami na akong nalamang impormasyon dahil kay Ruber," balik tugon ng ni Hammirr.  "Sa ngayon ay sigurado na akong totoo ang aking hinala."

"Maaari ko ba itong malaman?"

"Sa ngayon ay hindi ko muna maaaring ihayag hanggang wala pang sapat na ebidensya. Makinig ka kaibigan kong hari, anoman ang madidiskubre mo sa mga oras na ito at sa darating pa ay nais ko sanang tayo na lang muna ang makaalam," pakiusap ni Hammirr na tinanguan ni Welscences.

"Ipinapangako ko sa ngalan ni Eliah, ng kaharian ng Keenl at tinataga ko ito sa pusod ng karagatang Eloim Osean—walang sinoman ang makakaalam. Ito ay sa pagitan lang natin."

Matapos magkamayan at magkapangakuan ay siya namang pagdating ng isang kawal tangan ang isang bahagi ng Ylnafizei-Ysbbah.

"Ayon sa iyong kambal ay ito ang unang bahagi ng aklat. Dito nakatala ang patungkol sa Blackamoorluna at iba pang bagay na may kinalaman sa propesiya ng pagbabalik ng kadiliman." Anas ni Hammirr.

Sabay na binuklat ng dalawa ang pahina at binasa.

"Nag-iwan ang kadiliman ng sumpa sa mga kaaway. T'wing ika-limangdaan ng taon lalamunin ng kadiliman ang buwan kasama ang mundo."

"Sa gabing iyon ay mawawalan ng bisa ang liwanag at magkakaloob ng biyaya ang hari ng kadiliman para sa kaniyang mga hinirang."

Namilog ang kanilang mga mata sa nabasa.

THE REALMS 2Where stories live. Discover now