"Puting lupain?" Napatango si Zoria sa tanong ng hari. "Sa Veny?"

"Sa katunayan po ay narito ang protektor ng Veny, naghihintay sa inyo sa silid-trono, mahal na hari."

Pagkasabing iyon ay nagmamadaling bumalik ng palasyo si Hammirr. Pagdating sa silid-trono ay naabutan niya ang limang katao na nakapalibot. Dalawa ang nakatayo sa magkabilaang bahagi ng nasabing bagay at tatlo naman sa harap nito limang metro ang layo.

"Maligayang bati protektor Farquhar," anas ng hari pagkaupo ng trono. Agad yumukod ang lalaking kausap ng hari saka muling tumayo.

Si Farquhar ang protektor ng Veny, ang realm na binansagang puting lupain dahil siyamnapu't walong porsyentong nababalot ng yelo ang nasabing kaharian. Ang ginoo ay may tangkad na limang talampakan. Solido ang katawan. Maputi ang balat dahil sa hindi halos naaarawan. Katulad ngayon, gaya ng kagawian sa kanilang kaharian ay suot ng ginoo ang balat ng puting oso, na siya ring simbolo ng Veny. Ang pinakaulo ng nasabing hayop ay ang nagsisilbi nitong talukbong sa ulunan kaya hindi masyadong aninag ang buhok ay mata nito.

"Maligayang pagbati sa ngalan ng kaharian ng Veny, mahal na haring Hammirr," tugon ng protektor kasunod ng pagtulak paupo sa dalawa nitong kasama na nakatanikala. "Natagpuan ko ang mga kriminal na ito na nananahan sa tagong lugar sa Veny. Sa palagay ko ay makatutulong ang mga ito sa ginagawa mong pagsisiyasat."

"Maraming salamat. Malaki ang maitutulong nila sapagkat mahaba-haba rin ang pinagsamahan nila ni Oldnick sa isla ng Kavak bago nila planuhin ang malawakang pagtakas," ani Hammirr.

"Subalit alam mo naman mahal na hari na hindi ko sila basta isusuko sa'yo ng walang kapalit."

"Sabihin mo ang kahit anong ninanais mo"

"Simple lang naman ang hiling ko. Nais ko sanang imungkahi mo sa hari't protektor ng labingdalawang kaharian na bumuo ng alyansa upang magkaroon ng pagtutulungan ang bawat realms kagaya noong Oldnick-era."

Napa-isip ang hari sa mungkahing iyon ni Farquhar kaya sinenyasan niya ito upang magpatuloy sa pagsasalita.

"Naobserbahan namin ni haring Nebbu, at alam naman namin na hindi ito lingid sa labindalawa, na ang realm ng Veny ay taguan ng mga kriminal at masasamang loob dahil sa klima rito na hindi kaaya-aya. Pinangangambahan namin na maaaring maulit anumang oras ang nangyari noon at kung sakali nga ay—ang puting lupain ay maaaring madehado."

"Ano ang nais mong iparating sa iyong iminumungkahi?"

"Kung magkakaroon ng matatag na alyansa ang labindalawang kaharian ay makasisiguro ang Veny sa agarang tulong kung sakaling may maganap na katulad noong Oldnick-era," diretsong tugon ng protektor.

Napatango at napabilib si Hammirr sa kausap pagkatapos ay lumingon siya sa dalawang tao na nasa bawat gilid niya. Ang dalawang tao kasi na iyon ay myembro ng pinakamataas na konseho ng Serihch.

"Napakaganda ng inyong naisip. Ipaabot mo ang pagbati ko kay haring Nebbu dahil sang-ayon ako sa layunin niya. Bigyan n'yo lamang ako ng oras upang mapag-aralan itong inyong iminimungkahi saka ko ihahayag ang aking tugon, makasisiguro kang magiging makatwiran ito."

"Kung ganoon ay isinusuko ko na ang mga kriminal na ito sa inyong pangangalaga. Maraming salamat."



------

Pagdating sa piitan ng palasyo, sa malawak na silid ng pagpapasakit ay ipinaranas ng mga torturer ang lahat ng sakit sa mga kriminal upang mapaamin ang mga ito sa kanilang nalalaman.

Ang isang lalaki ay inilagay sa paekis na uri ng pagpapasakit. Pagkatapos ay isa-isang tinatanggal ang kaniyang mga kuko sa t'wing hindi siya magsasalita ng katotohanan.

Halos maubos na ang kuko ng lalaki sa paa bago ito magbigay ng impormasyon.

Ang isang kriminal naman ay itinali ng patiwarik habang isa-isang tinatanggal ang mga ngipin saka ilulublob ang mukha sa maruming tubig.

Agad namang nagbigay ng impormasyon ang ikalawang kriminal.

Napag-alaman ng hari na hindi myembro ng blackamoorluna ang dalawang kriminal. Naudyukan lamang sila sa malawakang pagtakas sapagkat pinangakuan sila ng malaking halaga mula sa isang mayamang tao.

Napag-alaman din ni Hammirr na sa isang linggong pamamalagi ni Oldnick sa piitan sa isla ng Kavak ay tuwing gabi, nagsusulat ito gamit ang piraso ng tela sa kaniyang suot at sariling dugo bilang panulat.

Hindi na nasabi ng mga kriminal kung saan patungkol ang sulat sapagkat hindi naman sila marunong magbasa. Ang tanging alam lamang nila ay sinabi ni Oldnick na ito ay 'huling sulatin para sa susi ng kadiliman'.

Isa pa sa katotohanang nalaman nila noong gabing iyon ay wala naman talagang intensyon na tumakas si Oldnick. Nais nitong makatakas ang dalawang kriminal upang ihatid sa isang tao ang nasabing sulatin.

"Kilala n'yo ba ang taong pinagbigyan n'yo ng sulatin?" tanong ng hari.

Umiling ang dalawa na hirap na hirap na sa kalagayan.

"Sa tagal namin sa piitan sa isla ng Kavak, wala na kaming kilalang tao—isa lang ang alam ko, myembro ang taong iyon ng maharlikang pamilya," ani ng unang kriminal.

"Maaari ba kayong makipag-ugnayan muli sa taong tinutukoy n'yo?" tanong muli ni Hammirr.

Umiling ang unang kriminal pagkatapos ay nagsalita naman ang ikalawa "Bago namin maipasa ang aklat ay binigyan kami ng pabuya ng ginoong iyon, hindi namin nakita ang mukha niya sapagkat nakasuot siya ng nakamaskarang-itim. Nagkaroon noon ng engkwentro sapagkat dumating naman ang isang ginoo na nakamaskara ng itim na uwak na may kasamang mga tauhan. Dahil sa nangyari ay ipinatugis kami ng ginoo na nagtatago sa likod ng itim na maskarang-uwak hanggang sa napadpad kami sa Veny at doon na nagtago," tila nahihintakutang wika ng lalaking halos mabungi na ang ngipin.

"Parang awa n'yo na, ginawa lamang namin iyon dahil nais na naming makalaya—nagbagong buhay na kami, mayroon ng mga pamilya. Alam naming mali ang aming ginawa, mahal na hari—nagsusumamo kami na bigyan n'yo kami ng pagkakataong mabuhay ng tahimik."

"Mabubuhay na talaga kayo ng tahimik," saka lumingon ang hari sa torturer. "Patahimikin na ang mga iyan—habambuhay!"

THE REALMS 2حيث تعيش القصص. اكتشف الآن