"Ikatlong taong anibersaryo ng paghatol ng kamatayan sa lider ng Blackamoorluna na si Oldnick Demambro," basa niya bago muling iginala ang mga mata.

"Pabuya sa makahahanap sa aso ni haring Solom Abraham. Isang daang pilak," hindi niya alam kung matatawa siya sa itrusa ng pagkakahugis sa aso. Mas mukha kasi itong pusa.

Muling lumigid ng tingin ang prinsipe at sa ikatlong talaang walang nakaukit na larawan ay lubos niyang ikinagulat ang kaniyang nabasa. "Malaking pabuya sa makakakita sa prinsipe ng Merad na si Vladimir Hexilton."

Matapos iyong mabasa ay mabilis niyang isinuot ang talukbong na nakadikit namismo sa suot niyang damit. Pagkatapos ay mabilis siyang naglakad patungo sa pakay na tore.

Napalihis lamang siya ng daan dahil biglang sumulpot ang ilang kawal ng Saphiro na nakasakay sa kabayo.

Sa kabutihang palad ay narating pa rin niya ang gusali ng Wiztorca.



-----

Nagmistulang batang paslit si prinsipe Vladimir matapos matunghayan ang loob ng gusali.

Puno ito ng kakaibang bagay na dito niya lamang nakita. Sandamakmak na libro at iba pang kagamitan na may kinalaman sa pag-aaral sa bawat hiwaga na mayroon ang bawat realm.

Umakyat siya ng hagdan habang lumilibot ng tingin. Pagdako niya sa kanan ay doon niya nakita ang isang ginoo na abala sa pagpapanday ng isang de-kaledad na sandata na ngayon lamang din niya nakita. Titigil sana siya upang masdan pa iyon kaya lamang ay mula sa tuktok ng hagdan ay tinawag siyang isang ginoo.

"Nagbago na ba ang isip mo at nais mo na ngayon na maging maestro ng panday?" saad ng ginoong halata sa itsura at namumuti nitong buhok ang katandaan.

"Tiyo—Maestro Verson," masayang sambit ng prinsipe na nagmamadaling umakyat upang makalapit sa ginoo.

Matapos magyakapan at magkamayan ay nagtungo na ang dalawa sa isang silid.

Dalawang tao lamang ang naabutan nila sa silid na abala sa pagbabasa at pagsusuri ng mga libro at iba't-ibang bagay na naroon. Saglit siyang iniwan ni Verson para kumuha ng ilang gamit.

Mas lalong namangha si prinsipe Vladimir matapos makita ang mga kakaibang kagamitan na naroon. Napasulyap pa siya sa bandang likod ng biglang may tumunog kasunod ng pagkislap ng kung anong bagay.

Paglingon niya sa dakong iyon ay biglang sumabog ng mahina ang kagamitang kanina ay kumislap.

"Pasensya na," anas ng isang ginang na nakasuot ng anteoho. Kagaya ni Verson ay may katandaan na rin iyon. Ngumisi  ang ginang habang inaayos ang bagay na nasira. "Matagal pa bago ito makumpleto at gumana ng maayos—siguro mga labinglimang taon pa," paliwanag pa niya.

"Ano po ba ang bagay na iyan?" tanong ni prinsipe Vladimir.

"Ang imbensyon kong ito ang babago sa henerasyon." Itinuro ng ginang ang makinang na sandata. "Tatawagin itong kristalyon—isa itong magarang sandata na hihigt pa sa sulo ni Armageddon. Kaso mahaba pa ang lalakbayin bago ito matapos at maperpekto ng tuluyan—Baka gusto mong magpatala sa aking grupo bilang Maestro ng imbensyon?"

"'Wag mo nang sulutin ang bagong estudyante ni Verson," singit ng isa pang lalaki na nasa edad kwarenta. "Ako nga pala si Dakus Crisologo. Maestro ng Arkeologo mula sa Depir," pagpapakilala niya na tinanguan lang ni Vladimir. "'Wag mo ng masyadong pansinin 'yang si Adelya." Napangiti siya pagkadaka.

"Ang Maestro ng Imbensyon ang pinakamalawak na sakop sa lahat ng maestro. Maaari kang mamili kung saan mo gusto. Kung sa pagpapanday, straktura, at iba pa. Malaki ang maitutulong mo sa buong realm—" saglit na natigilan ang babae ng biglang sumulpot si Verson. "sabi ko nga mananahimik na lang ako," bumalik siya sa pagkukumpuni ng nasirang kagamitan.

Napailing naman si Verson habang si Dakus ay napapangiti lang.

"Nahikayat ka naman ba ni Adelya?" tanong-sabi ng ginoo sa pamangkin na nginitian lang siya.

"Maligayang pagdating sa Wistorca," anas ni Dakus na pinasalamatan ni Vladimir pagkalaon.

"Dakus, binabati kita. Nabalitaan ko na nanganak na ang iyong asawa. Anong pangalan ng sanggol?"

"Ferdo—" hindi na halos natapos ni Dakus ang sasabihin dahil biglang lumapit si Adelya para siya ay kulitin. Sinamantala naman iyon ni Verson para makaalis doon kasama ni Vladimir.

"Maiwan ko na muna kayo r'yan." Nakangising bigkas ni Verson.

"Adelya, bumalik ka na sa ginagawa mo. Oo na ninang ka na—kasalanan mo 'to Verson!"

Pagtungo ng magtiyo sa silid ni Verson ay ipinaliwanag ng ginoo ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagiging maestro. Kahit na may ideya na si prinsipe Vladimir ay taimtim pa rin siyang nakinig sa kaniyang Tiyo.

Ang Maestro ay binubuo ng tatlong haligi.

Ang maestro ng imbensyon na sakop ang pag-aaral patungkol sa mga struktura, mga kagamitan pandigma o pagpapanday, paggawa ng baluti, mga sandata at iba pang bagay na may kinalaman sa imbensyon.

Ang maestro ng arkeologo na nag-aaral ng patungkol sa kasaysayan ng buong realms. Sila ang nangangalaga at nagpapatibay sa aklat ng kasaysayan kung saan nakatala ang lahat ng patungkol sa mundo.

Ang maestro ng medisina na nag-aaral sa panggagamot at lahat ng may kinalaman sa kalusugan at katawan ng tao. Sa tatlong maestro ito ang pinakamahirap na gampanin sapagkat ang prinsipyo ng maestro ng medisina ay kakaiba sa lahat. "Ikaw ang pinakaaba."

Ibig sabihin sa oras na ninais mong maging maestro ng medisina ay kailangan kalimutan kung sino ka at kung ano ang katayuan mo sa buhay. Magsisilbi ka sa tao hanggang sa ikaw'y ay mamatay.

Nang maunawaan ng prinsipeng Meradian ang patungkol sa bagay na iyon ay doon niya naisip ang kaniyang pamilya. Kaya pala ayaw ng kaniyang amang hari na maging maestro siya ng medisina. Ito pala ang dahilan.

"Nakapagdesisyon ka na ba, Vlad?" tanong ni Verson na nagbalik sa diwa ng prinsipe.

"Opo, tiyo—maestro Verson po pala, paumanhin." Yumukod si prinsipe Vladimir.

"Kung ganoon ay ito ang una mong misyon bilang isang maestro ng medisina." Iniabot ng ginoo ang isang talaan at agad iyong binasa ng prinsipeng Meradian.

Pagkabasa ay agad niyang nilingon ang tiyo. "Bayan ng mata?"

Tumango ang ginoo.

"Ikaw ay magtutungo sa bayan ng Aiy, sa Hruween realm upang magsilbi sa tribo ng Reinva-iy."

THE REALMS 2Where stories live. Discover now