"Kaya ba hindi ako pinapansin ni Anna kanina?" balik tanong naman niya sa akin.

"Hindi mo sinagot 'yong tanong ko." naniningkit ang mga matang sabi ko sa kanya.

"Em, 'di ba nandoon ka naman noong pinilit ako nila Robert na sumama sa kanila 'di ba? Alam mo na dapat ang sagot sa tanong mo." naiirita na sagot niya sa akin.

"Pinilit ka? Pero bakit masaya ka pa? Masaya ka bang kasama si Natalie?" nangingilid ang mga luhang tanong ko sa kanya. Buti nalang at nakatalikod ako sa kanya.

Sh*t! Ito nanaman 'yong pakiramdam na 'yon. Parang hindi ako makahinga sa sakit. Ugh!

Lumipas ang ilang minuto pero hindi parin siya sumasagot. Siguro nga ay kailangan ko ng tanggapin na hindi lang ako 'yong kayang magpasaya sa bestfriend ko. Hindi ko siya dapat solohin dahil hindi ko naman siya pag-aari.

Tuloy tuloy na ang pagbagsak ng mga luha ko kaya naman nagsimula na akong maglakad papasok sa bahay namin. Ayokong makita ni Ramin na umiiyak ako.

Hindi lingid sa kaalaman ni Emmy na pagkasarang pagkasara niya ng pinto ay nagsalita si Ramin at sinabing, "Masaya ang ngiti ko sa camera dahil sinabi ni Natalie na ngumiti ako. Iyong ngiti ko sa tuwing kasama kita Em. Masaya ako tuwing kasama kita."

Kanina pa ako nakatihaya sa kama ko at nakatitig sa kisame. Ang daming gumugulo sa isip ko. Hindi ko narin maintindihan ang sarili ko.

Bakit ba lagi kong ipinagdadamot si Ramin sa iba gayong hindi ko naman siya pag-aari? Bakit ba kasi nasanay ako na laging ako? 'Yan tuloy at nasasaktan ako ngayon dahil nasanay ako na ako lang. Walang kahati, ako lang.

Napailing iling nalang ako tsaka ko itinakip ang unan sa mukha ko. Pumikit ako ng mariin ng biglang may nag-flash na mukha sa isip ko. Bigla akong napalundag sa kama ng maalala ko 'yong mukha nung lalaki sa music room.

Nakakatakot sa sobrang gwapo. Bulong ko sa sarili ko.

Hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako kakaisip kung sino ang lalaki sa music room at kung bakit parang pamilyar siya sa akin. Natulog nalang ako ng hindi nakakapagbihis. Masyado yata akong napagod kakaisip.

Napalingon ako sa bintana at nakita kong nakabukas parin ang ilaw ng bintana na nasa tapat ng kwarto ko. Ang kwarto ni Ramin. Bakit gising parin siya? Ano nanaman kayang iniisip niya?

Kinuha ko ang cellphone ko at chineck kung anong oras na. 1:00AM na pala. Madaling araw na. Ano bang pinagkakapuyatan nitong si Ramin? Itetext ko sana siya pero naalala kong wala nga pala akong load.

Nagpunta nalang ako sa cr para makapagpalit na at makabalik sa pagtulog. Pagkagising ko ay umaga na.

Habang naglalakad kami ni Ramin papunta sa classroom ay hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa kanya. Kanina pa kasi papikit pikit ang mga mata niya. Halatang antok na antok siya. Hindi ba talaga siya natulog?

Break time na pero wala akong makasama dahil masama daw ang pakiramdam ni Anna habang si Ramin naman ay natutulog sa desk niya. Hindi ko na ginising pa dahil alam kong puyat siya. Kawawa naman.

Bigla ko namang naalala 'yong music room. Wala naman akong magawa kaya baka pwedeng puntahan ko uli 'yon. Iba kasi ang pakiramdam ko kapag naroon ako. Kaya naman maingat akong lumakad palabas ng room at naglakad sa corridor.

"Mukhang napuyat si Ramin ngayon aa?" dinig kong sabi ng isang babae.

Ang grupo pala nila Natalie at Robert ang kasalubong ko. May mga hawak na silang pagkain at inumin. Mukhang sa room nalang sila kakain. Yumuko nalang ako ng malapit na sila sa akin.

CHASING DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon