Seven

6.1K 147 0
                                    

KASALUKUYAN AKONG HUMAHAGULGOL ng iyak sa balikat ni Ashley. Iniisip ko kung bakit pakiramdam ko galit ang mundo sa akin ngayon. Hindi ko naman kasi ginusto na mangyari ang mga bagay na iyon sa akin. Bakit kailangan pa nilang ipamukha sa akin na isang pagkakamali ang ginawa kong pagtanggap sa aking sekswalidad? Bakit kailangan pa nilang itatak sa aking isipan na isang malaking pagkakamali ang ginawa kong iyon? Bakit kailangan pa nila akong itakwil lalo na sa harapan nina Ninang Martha at Reynan?
Hindi ko man lang naipagtanggol ang sarili ko kanina sa kanilang harapan.

“Ano ka ba, Yan. Syempre naman at tatanggapin kita.” Sabi sa akin ni Ashley habang pinapatahan ako sa aking pag-iyak. Kanina ko pa kasi sinasabi sa kanya na sana ay matanggap niya ako tungkol sa aaminin ko mamaya. “Ano ba ang tumatakbo sa isipan mo, ha? Halika at doon tayo sa loob ng kwarto mag-usap.”

Pagkapasok namin sa loob ng kanyang kwarto ay pinaupo niya muna ako sa may paanan ng kanyang higaan. Tinignan ako ni Ashley na parang marami ang iniisip. Siguro nagtataka ito kung bakit umiiyak ako ngayong dis oras ng gabi.

“Ano ba ang nangyari, Arianne?” nag-aalalang tanong sa akin ni Ashley. Nakatungo pa rin ako at natigil na rin sa pag-iyak.

“Pinalayas ako ni Mama...” mahinang sagot sa kanya habang pinupunasan ang aking mga luha. “Galit si Mama sa akin kaya nagawa niya ‘yon.”

Umupo naman sa tabi ko si Ashley at ako ay inakbayan. “Bakit naman? May nagawa ka bang mali o ano?”

Napahinga ako nang malalim at tinignan siya sa aking tabi.

“May nagawa akong kasalanan, Ash.” Paos kong sagot sa kanya. “Hindi niya ‘yon matanggap.”

Napahilot si Ashley sa kanyang sentido at tinanggal ang brasong naka-akbay sa akin. Napapikit siya ng mata at mukhang wala siyang naiintindihan sa mga pinagsasasabi ko ngayon.

“Diretsuhin mo na lang kaya ako,” sabi ni Ashley at bigla itong tumayo sa harapan ko. “Kanina pa ako naguguluhan sa mga sinasabi mo.”

Napabuntong hininga ako dahil sa sinabi ni Ashley. Nagsimula na itong magtanong sa akin at hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan. Baka magalit ito sa akin dahil sa tagal ng panahon ko siyang pinagtaguan ng sikreto. Napahilamos na lamang ako ng mukha dahil sa mga nangyayari ngayon. Ano ba kasi itong napasukan ko?

Ibinalik ko ulit ang tingin ko kay Ashely na naghihintay na ng sagot ko. Nag-iisip din siguro ito kung ano bang problema ang dinadala ko ngayon.

“Yan...” usal nito sa pangalan ko at tuluyan na itong lumuhod sa harapan ko upang magkapantay kami. “Ano ba ang problema mo?”

Nag-aalangan akong tumingin ng diretso kay Ashley. Nagririgodon na ang dibdib ko sa kaba at takot na baka maging kapareho rin ni Mama ang maging reaksyon niya. Hindi ko makakayang pati si Ashley ay magkakaroon din ng galit sa akin. Ayokong mangyari ang bagay na iyon.

“A-Ano...” alanganin kong sambit. Iniisip ko kung paano ko sisimulan.

“Ano na kasi?” inip na tanong sa akin ni Ashley.

Hinugot ko ang ‘sang daang porsyento na lakas ng loob na mayroon ako ngayon. Walang alinlangan ko nang ibinalik ang tingin kay Ashley at nagsimula nang bumukas ang bibig ko.

“Lesbian ako.”

Nanlaki ang mga mata ni Ashley at napatayo. Nasapo ng kanyang kamay ang bibig nito at napailing-iling na mukhang ayaw maniwala sa rebelasyong sinabi ko.

“H-Huwag... Huwag mo nga akong niloloko diyan.” Hindi makapaniwalang sambit nito sa akin at napaupo ito bigla sa upuan na nasa tabi ng kanyang closet.

“Hindi kita niloloko, Ash. Totoo ang sinabi ko.”

“Pero napaka-imposible mangyari, Yan.” Bakas pa rin ang gulat sa kanyang boses. “Matagal na tayong magkaibigan pero parang ayaw ko pa ring maniwala.”

Tumayo naman ako mula sa pagkakaupo sa aking pwesto at kaagad siyang nilapitan sa kanyang kinauupuan. Hinawakan ko siya sa kanyang balikat kaya napatingala na lamang bigla si Ashley sa akin.

“Lesbian ako, Ashley...” mahinahong sabi ko sa kanya. “At ‘yon ang katotohanan na ayaw tanggapin ni Mama.”

Natahimik na lamang si Ashley sa sinabi kong iyon. Hindi na rin ako naghintay pa nang isasagot niya dahil alam kong nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang mga nangyayari ngayon. Nagkatinginan lamang kami nang matagal at sa hindi malamang kadahilanan, dahan-dahan kong nilapit ang aking mukha kay Ashley. Napatitig ako sa mapupula niyang labi na unti-unting humahatak sa akin na mapalapit dito.

Nilabanan ko ang aking nararamdaman ngunit natalo ako, mas gusto kong malunod sa mga halik ni Ashley ngayon, mas gusto kong maramdaman ang lambot ng kanyang labi sa mga oras na ito.

Kissing Ashley (Revising)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon