Two

11.7K 210 6
                                    

PAGKATAPOS KONG MALIGO ay kaagad na akong lumabas ng banyo. Hindi muna ako nagpalit ng damit dahil napako ang paningin ko sa sariling repleksyon ko sa salamin. Matagal kong inisip kung bakit ginawa pa akong babae kung ganoon mang mas nagkakagusto ako sa kapwa ko babae. Para akong isang lalaki na ikinulong sa katawan ng babae sa mahabang panahon. Iyong tipong gusto ng kumawala ng totoong ako sa katawang ito pero hindi nito magawa sapagkat hindi pwede — hindi dapat mangyari.

Napabuntong hininga na lamang ako dahil sa kadahilanang wala pa rin talaga akong lakas ng loob para umamin sa kanila. Gusto ko nang makahinga. Gusto ko nang kumawala sa kasinungalingang ito.

Binuksan ko ang closet ko at pumili ako ng isusuot ko ngayong araw. Kinuha ko na rin ‘yong paborito kong plain yellow shirt at ‘yong isa ko pang maong na shorts na lampas tuhod ang haba. Hindi naman ako nagmumukhang jologs sa suot ko at saka wala rin naman akong pakialam sa sasabihin nila tungkol sa pananamit ko.

Bago ko suotin ‘yong t-shirt ko ay kinuha ko muna sa loob ng closet ang pinakatago-tago kong chest binder. Hindi alam ni Mama na may ganito ako dahil kapag nalaman niya ito ay siguradong yari ako. Hindi kasi ako komportable sa medyo may kalakihan kong dibdib kaya naglalagay ako ng chest binder para hindi masyadong makita ang pag-umbok nito.

“Mama!” gulat na sigaw ko nang makita ko si Mama na pumasok ng kwarto ko. Napatigil naman ako sa pagkakabit ng chest binder at mabilis itong tinago sa ilalim ng aking unan. Tinakpan ko rin ang aking sarili gamit ang tuwalya dahil na rin sa pagkailang.

“Ano ‘yong tinago mo kanina?” nagtatakang tanong ni Mama at lumapit ito sa aking higaan para tignan kung ano ang itinago ko sa ilalim ng unan.

Nataranta naman ako kaagad at mabilis kong hinawakan si Mama sa balikat upang hindi siya lalong makalapit sa higaan ko.

“W-Wala po ‘yon, Ma...” kabado kong sagot sa kanya ngunit mukhang hindi pa rin kumbinsido si Mama sa palusot ko.

“Hindi, may nakita ako.” Giit pa niya at muntikan nang hilahin ‘yong unan na ipinangtakip ko sa chest binder. Napasigaw naman ako sa isipan dahil sa sobrang pagkataranta. Mabilis kong hinawakan ang kamay ni Mama at pinilit siyang palabasin na ng kwarto.

“Mama naman, eh. Wala po ‘yon. Kung ano-ano na lang ang nakikita mo.”

“Pero...”

“Wala talaga ‘yon, Ma.” Sabi ko pa at marahan siyang tinulak palabas ng kwarto. “Magbibihis pa po ako.”

“Nga pala, anak,” singit pa ni Mama nang makalabas na ito ng kwarto. “Pupunta nga pala rito ang Ninang Martha mo kasama si Reynan.”

Napatirik naman ako ng mata nang marinig ko na naman ang pangalan ng Reynan na iyon. Siya lang naman kasi ang nag-iisang anak ni Ninang Martha na hindi ko alam kung ba’t gustong-gusto ni Mama para sa akin. Eh, hindi ko naman ‘yon gusto at kahit kailan hindi ko ‘yon magugustuhan. Babae ang gusto ko at hindi lalaki.

Pagkatapos kong makapag-ayos ay dali-dali na akong lumabas ng kwarto upang magpunta sa bahay nina Ashley. Si Ashley Tolibas lang naman ang kaisa-isa kong matalik na kaibigan bukod sa ibang tropa ko pa rito sa amin. Matagal na kaming magkakilala simula pa noong college ngunit hindi kami magkapareho ng kursong kinuha.

Mabait naman si Ashley, maaalalahanin at bonus na rin ang pagiging maganda niya. Pero, sa kabila ng pagiging matalik naming magkaibigan ay hindi ko pa rin sinasabi sa kanya ang totoong ako. Hindi ko pa inaamin sa kanya na isa akong lesbian dahil na rin sa takot na baka niya ako pandirihan at ikahiya bilang kaibigan.

Doon kina Ashley ang madalas kong tambayan kapag wala akong magawa, naiirita kasi ako minsan dito sa bahay dahil sa Kuya Alrick ko. Siya lang naman ang nag-iisang lalaki sa buhay ko na kayang basagin ang buong araw ko ng mga ilang segundo lamang. Lagi niya akong inaasar na lesbian na pinakaayaw ko sa lahat dahil sa takot na madinig ni Mama. Hindi ko alam kung nang-aasar ba ‘yon o gusto niya lang talaga akong umamin sa kanilang lahat.

Pagkarating ko ng sala ay sakto namang nakasalubong ko si Kuya Alrick. Unang kita ko pa lang sa kanya ay badtrip na kaagad ako. Hindi ko alam kung bakit hindi kami magkasundo ng isang ‘to.

“Hoy, Ar-Ar!” tawag niya sa palayaw na ibinigay niya sa akin simula noong asar-asarin niya akong lesbian.

“Ano?” inis kong tanong sa kanya.

Humalukipkip naman si Kuya Alrick sa harapan ko na parang naninita.

“Saan ka na naman magpupunta, ha?” usisa nito sa akin. “Doon na naman ba sa girlfriend mong si Ashley?”

Nanlaki naman ang mata ko nang marinig ko ang sinabi ni Kuya. Nag-init na rin ang ulo ko dahil siguradong nambabadtrip na naman ito.

“Tumigil ka nga. Hindi ko girlfriend si Ashley, magkaibigan lang kami.” Depensa ko sa kanya at kaagad ko naman siyang nilampasan.

“Ikaw ang tumigil.” Dinig kong sagot nito sa akin at saka tumawa nang malakas.

Hindi ko na lamang siya pinansin dahil kapag sinagot ko pa siya ay paniguradong sira na naman ang buong araw ko. Diretso lamang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko na ang pintuan palabas.

“Alam ko kung ano ka, Ar!” sigaw pa ni Kuya na ikinatakot ko kaya mabilis na lamang akong lumabas ng bahay para makatakas. Baka madinig pa ‘yon ni Mama.

Kissing Ashley (Revising)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon