Agad kong kinuha ang twalya. Pinulupot ko iyon sa aking sarili at nagmamadaling umalis. Hindi ako makahinga. Tanging nakikita ko sa kanyang mga mata ay ang pag-iyak ni Ina, ang kabaong ni Ama, ang batang iniwan sa paaralan para mamuhay mag-isa. Lahat ng nasira sa'kin, nasa itsura ng Hari.

"Paalam sa ngayon, Earl." Napatigil ako sa pagpihit ng pintuan, ngunit hindi ako humarap. "Pakiramdam ko'y hindi pa ito ang huli nating pagkikita."

Pinihit ko ang pinto at tumakbo.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Nakauwang nang maluwag ang bintana ng aming kwarto. Pasado alas-onse na ngunit buhay na buhay pa rin ang diwa ng mga kasama ko habang ako'y taklob naman ng manipis na kumot. Wala itong nagawa laban sa malamig na hangin galing sa karagatan. Rinig ko ang paputok sa langit, siguro'y galing sa Paraisla.

Walang nagbanggit, ngunit ito rin ang araw na lumaya ang kaharian sa pamumuno ng mga Sinumpa. Araw na binawi ng mga taga-isla ang palasyo. Ang Araw ng Pagsupil. Ngunit sa kabila ng pagsupil, may nakalusot pa ring dalawang Sinumpa.

Isa doon ang pumatay sa aking ama.

Bumukas ang pinto. "Tulog na!" sigaw ng isang boses.

"Ate Serys naman?" pagmamaktol ni Larc na nasa bintana at nanunuod pa rin ng paputok. "Wag kang pumapasok ng bigla sa-- Aah! Ate, aray!"

Hindi ko makita ang ginagawa ni Serys sa kanya sapagkat tumalikod ako sa kama at hinarap ang dingding. Sumisigaw si Serys na matulog na sapagkat papatayin na ang ilaw sa ganap na hatinggabi. Alam na namin iyon, sagot ni Larc.

"Gayahin niyo si Earl! Huwaran!" sigaw ni Serys at nanahimik lahat. Nabato ako sa kinahihigaan. Pagod na ang boses ng babae. "Bukas ay bibigyan kayo ng isang araw na bakasyon. At totoo na iyon. Kaya wag na kayong magreklamo kung ayaw niyong i-lista ko kayo at manatili kayo bukas sa Aeolus."

Saglit na katahimikan. Ilang mga reklamo at kanya-kanya na rin silang pumunta sa kanilang kama. Nanatiling nakapikit ang aking mata.

"Siya ba?" rinig kong bulong ni Serys. Kay Larc, marahil.

"Siya nga, ate."

Hindi ko alam kung anong ibig nilang sabihin.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Ilang beses kong siniguradong walang nagmamasid at sumusunod sa'min. Baka hanggang sa pagbisita ko sa puntod ni Ina ay bibigyan nila ng puntos? Ngunit wala namang sumusunod sa amin ni Eufemia. Tahimik ang pagbaybay namin paakyat sa burol ng mga libingan. Sa damuhan ay mga dilaw na bulaklak. Umaawit ang mga ibon.

Naglatag ako ng mga bulaklak sa puntod ni Ina. Si Eufy naman ang naglagay ng basket ng panamis. Sabay kaming pumikit at nag-usal ng panalangin.

Paraisla ii: KahaliliWhere stories live. Discover now