"Anong hinahanap po ninyo Mamay?"

"Wala. Akala lang ni Mamay may kasama kang iba dito,"

"Meron nga!"

Tumindig ang balahibo ni Mamay sa sinagot ni Chelsea. Tama ang nakita ng kanyang mga mata. May ibang tao nga dito sa loob ng bahay.

"Sino?" tanong niya sa bata habang palinga-linga ng tingin na parang natatakot na baka bigla na lamang may sumulpot doon.

"Ayaw niya pong pasabi ang pangalan niya pero mahilig siyang makipagtaguan,"

"Chelsea, hindi ka dapat nagpapapasok ng kahit na sino sa loob ng bahay. DI ba sinabi na sa iyo ni Mama mo na h'wag kang magpapasok dito?" saway nito sa apo.

"Hindi ko naman po siya pinapasok. Dito po siya nakatira,"

"Anong dito nakatira? Dalawa lang kayo ng Mama mong nakatira dito. Itigil mo na yan Chelsea h at kinikilabutan ako,"

"Pero totoo po, sabi niya kapag nakita ko po siya may premyo ako. Pero hindi ko pa rin siya nakikita kung saan siya nagtatago. Sabi rin niya, nakikipagtaguan sana siya kay Daddy pero hindi siya pinansin ni Daddy kay daw namatay si Daddy."

"Por Dios Por Santo kang bata ka! Kung anu-anong lumalabas sa bibig mo. Dapat talaga nababantayan ka ng Mama mo." Kinalma nito ang sarili at kinausap ng masinsinan ang bata. "Ang Daddy mo, kinuha na ni Papa Jesus. 'Di ba iyon ang sabi ko sa iyo?"

Hindi na pinansin ni Chelsea ang abuela. Pumunta na siya sa kanyang kwarto upang ipagpatuloy ang laro. Si Mamay naman ay naglinis ng bahay. Naririnig pa rin niya mula sa may sala ang boses ng apo niya na may kinakausap.

Samantala sa loob ng kwarto ay tuloy lamang ang pagsasalita ni Chelsea. Tila ba kumbinsido ito na may kasama siya roon. Mapailing na lamang si Mamay at naawa sa apo. Napakalaki talaga ng pinagbago ng pamilya simula nang nawala ang haligi ng kanilang tahanan.

"Bawal ako doon. Magagalit si Mamay. Madilim daw sa atik."

Eksaktong pagsabi ni Chelsea ay bumukas ang daanan sa kisame at bumagsak ang hagdan na patungo sa itaas nito. Narinig ang pagbagsak na iyon hanggang sa labas na ikinagulat ni Mamay. Hindi na iyon nakatiis at sinitang muli ang kanyang apo.

"Chelsea! Ano ba 'yan?

"Wala po, Mamay."

Matapos noon ay isang nakabibinging katahimikan ang namutawi sa loob ng bahay. Wala ka nang maririnig na kausap si Chelsea. Si Mamay naman ay pumunta sa kusina upang gumawa ng tanghalian nila ng kanyang apo. Mayamaya ay nagulat na lamang siya na sumisigaw ang apo at tumatakbo ppunta s kanya.

"Bakit! Anong nangyari?"

"Nakita ko na siya Mamay! Nakita ko na siya!"

"Sino?"

"'Yung nakikipagtaguan sa akin. "

Hinatak-hatak ni Chelsea si Mamay. Hanggang marating nila ang kwarto ni Chelsea. Nakababa pa rin ang hagdan patungo sa atik. Umakyat silang dalawa sa itaas, dahan-dahan na animoy may nakaambang patibong sa kanilang lalakaran. Ipinakita ni Chelsea ang hawak niyang kapirasong pako. Kahit na madilim doon ay may nakkakalampas na liwanag ng araw sa maliit na siwang ng bintana sa atik.

"Nakaipit ito doon sa may lock ng chest kaya hindi mabuksan. Pagbukas ko nandoon siya."

Nilapitan nila ang lumang baul. Laking panghihilakbot ni Mamay nang makita niyang may mga piraso doon ng buto ng tao. Nagsisigaw siya at nakarating ang alingawngaw ng kanyang tinig sa mga kapitbahay. Ilang oras pa nga ay dumating na ang mga tauhan ng barangay at tumawag na rin sila ng pulisya para imbestigahan ang nakita nila.

Sumapit ang gabi ngunit walang malinaw na sagot ang mga pulisya tungkol sa piraso ng mga butong nakita sa may baul sa kisame. Paguwi ni Shane ng bahay ay nagulat siya na may mga pulis sa kanyang bahay. Kinabahan tuloy siya na baka kung ano ang nangyari sa kanyang anak at ina. Ngunit maayos namang naipaliwanag kay Shane ang lahat nang nangyari.

Ilang sandali pa at unti-unting nag-alisan ang mga tao pati na ang mga pulis. Nang sila na lamang ang naroon ay kinausap niya si Chelsea.

"Paano ka nakaakyat sa atik at paano mo nalamang may atik?"

"Tinuro po sa akin ng lalaki."

"Sino?"

"Siya, yung nasa loob ng chest."

"Chelsea, hindi ako natutuwa. Alam mong ayaw ko nang nagsisinungaling."

"Opo. Pero matutuwa po kayo, kasi may premyo daw ako dahil nakita ko siya."

Bigla na lamang may kumatok sa pinto. Akala ni Shane ay may nakalimutan ang mga pulis at nagbabalik. Agad niyang tinungo ang pinto at binuksan. Pagbukas niya ay napaatras siya sa kanyang nakita.

"Anong ginagawa mo dito?"

"Siya po ang premyo ko. Hiniling ko na bumalik si Daddy." Masayang sabi ni Chelsea.

Niyakap niya ang kanyang ama na wala na ang isang mata sanhi ng aksidente sa kotse. Basag ang bungo nito at nangangamoy na. Inuuod na rin ang kaliwang pisngi nito na naapektuha ng malakas na pagbangga ng kotse. Ang hindi lang nila maipaliwanag ay kung bakit gumagalaw ito at nasa harapan pa nila.

TwistedWhere stories live. Discover now