Chapter 25 Parting Ways

555 16 0
                                    

"Sigurado ka ba dito?" ang tanong ni Nicole kay Lance habang paakyat sila ng burol.

"Oo," ang sabi ni Lance. "Huling araw na nating magkasama, hindi ba?"

"Lance," bulong ni Nicole.

Nasa tuktok sila ng isang burol, tanaw nila ang kabuuan ng Sentro. Kabilin-bilinan ni Peter na huwag aalis si Lance sa tabi ng kaniyang katawan ngunit sadiyang pasaway si Lance sa hospital kasama ni Nicole. Magkahawak ang kanilang mga kamay at magkaharap silang dalawa. Kapwa sila nakatingin sa mata ng isa't isa, waring hinuhulaan ang nasa isip ng isa. "Bumalik na tayo Lance, kung hindi ay..."

"Kung hindi ay mamamatay ako," tinapos ni Lance ang sasabihin ni Nicole. "Alam ko."

"Alam mo naman pala eh!"

"At tanggap ko na."

"Sira ulo ka talaga!" ang galit na galit na sinabi ni Nicole at sunud-sunod na hinampas ang mga balikat ni Lance. "Sira ulo ka kahit kailan! Nakakainis ka. Diba ang sabi mo ay babalik tayong magkasama sa mga katawan natin? Nangako ka Lance! Nangako ka kay Peter! Nangako ka kay Rafael! Nangako ka sa akin."

Hinawakan ni Lance ang kanang kamay ni Nicole at hinila niya ito upang mayakap ang dalaga. Hindi huminto ang pag-agos ng luha ni Nicole. Hindi siya handang sa mga mangyayari, hindi niya handang iwanan si Lance.

"Hindi na kasi option para sa atin ang mabuhay nang magkasama," ang sabi ni Lance. "Sa simula palang ay naging malinaw na iyon. At mas pinipili kong ikaw ang mabuhay kesa sa akin."

"Pero bakit?"

"Dahil mahal na mahal kita," ang sagot ni Lance. "Ganoon kita kamahal."

Niyakap ni Nicole ng napakahigpit si Lance. Humahagulgol si Nicole sa balikat ng kaniyang kasintahan. Hindi niya maipaliwanag ang sakit na kaniyang nararamdaman dahil alam niyang pagkatapos ng araw na ito ay hindi niya muli pang makikita si Lance.

"Tama na ang pag-iyak," ang sabi ni Lance. "Ayokong ito ang maiiwan mong ala-ala sa akin sa pag-alis mo. Ang gusto ko kapag sinundo na ako ng liwanag ay masaya ang ala-alang dadalhin ko sa kabila."

"Hindi ko kaya Lance," ang sabi ni Nicole. "Hindi ko kayang magpanggap na masaya ako dahil sa totoo lang ay hindi ko nararamdaman ang kahit katiting na saya sa katawan ko. Mas pipiliin ko pang mamatay na kasama ka, kesa mabuhay na wala ka sa tabi ko."

"Huwag mong sabihin iyan," ang sabi ni Lance. "Nabuhay ka noon na wala ako. Nabuhay ka kahit hindi mo kilala ang isang Lance Vallejo, kaya alam kong kaya mong gawin ulit iyon."

"Ayokong iwan ka, ayokong makalimutan ka."

"Hindi natin alam kung anong mangyayari pag-gising mo. Maaaring isang napakasayang panaginip nalang ito para sa iyo, pero kailangan mo akong iwanan upang makasama mo ang mga mahal mo sa buhay."

"Ikaw ang mahal ko."

"Alam ko, at ikaw lang din ang minahal ko ng ganito."

Binitiwan ni Lance si Nicole at tinitigan niya ito sa kaniyang mga mata. "Sa tuwing nakikita kita ay tanging isang anghel ang aking nakikita. Dahil doon ay hindi ko kinuwestiyon ang nangyari sa akin. Sa totoo lang ay nagpapasalamat pa nga ako't nakilala kita, nagpapasalamat ako't nabigyan ako ng pagkakataong magmahal ng ganito."

Hinalikan ni Lance sa labi si Nicole. Ipinikit ni Nicole ang kaniyang mga mata at tila nawala ang lahat ng kaniyang pag-aagam agam. Kasama ko siya ngayon, hawak niya ako sa kaniyang mga bisig. At sa ngayon ay iyon lang ang mahalaga. Hindi na mahalaga ang mangyayari bukas, ang mahalaga ay ang ngayon.

Heart Over Matter 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon