Naalala Mo Pa Ba?

235 7 14
                                    

Naalala mo pa ba noong tayo'y bata pa? Iyong panahong kinainipan natin ang pagdating nito, ang Pasko? Nakasalampak tayo sa sahig at napalibutan ng mga regalo. Masaya nating binuksan at buong sigla nating tiningnan ang laman sa loob ng bawat regalong may maganda at makulay na balot.

Tandang-tanda ko ang usapan nating dalawa.

"Sana, Ate, lagi tayong magkasama tuwing Pasko," sabi ko sa iyo. Tuwang-tuwa ako dahil binigyan mo ako ng mga laruang ukol naman talaga para sa iyo. Hindi sumagi sa isipan ko na magtaka kung bakit mas marami kang natanggap kaysa sa akin.

"Huwag kang mag-alala dahil lagi akong nasa tabi mo." Ang sagot mo na sinabayan mo ng isang matamis na ngiti.

Kumislap ang mga mata ko. "Totoo?"

"Oo! Ang kulit mo!"

Natatawang ginulo mo ang buhok ko. Sampung taong gulang ka noon samantalang ako ay nasa edad lima. Matanda na ang mga magulang natin no'ng isinilang ka kaya buong lugod nilang hinintay ang pagluwal sa iyo. Ikaw ang naging sentro ng buhay nila. Maganda ka kasi at matalino pa.

Mabilis lumipas ang panahon, kasabay noon ay ang unti-unting paglaki ng himutok sa damdamin ko at ang paglawak ng hidwaan sa ating dalawa. Nagsimula iyon nang isang gabing dumating sina Mama at Papa, may dala silang pasalubong para sa atin. Pareho tayong nakatanggap ng tsokolate. Bukod do'n, may iniabot silang bag sa iyo na may tatak ng paborito nating tindahan.

Tinunghayan namin nang inilabas mo roon ang bestidang kulay asul. Napakaganda no'n, bagay na bagay sa iyo. Tila lumiwanag ang buong paligid nang ngumiti ka nang buong ningning. Napawi lamang iyon nang nahagip ako ng paningin mo. Nakita mo sa mga mata ko ang pag-asam na sana ay mayroon din para sa akin. Hinintay ko na kunin mo iyon mula sa bag.

Lumingon ka kina mama. "Ma, isa lang po ba ito? Nasaan 'yong para kay -"

"Sa susunod ko na lang siya bibilhan. Kinulang ang perang dala ko."

Binigyan kita ng isang tingin na may halong pagpapasalamat at ibinulong ko pa ang katagang iyon. Salamat dahil isinatinig mo ang katanungang tumatakbo sa isipan ko.

Alam mo na umasa ako at naging saksi ka pa nang masaktan ako dahil walang katotohanan ang sinabi ni Mama. Dumating siya isang hapon noon na may hawak-hawak na supot sa kamay, nauna ako kaysa sa iyo na humalik sa pisngi niya. Halos tumalon ako sa saya, pero sa halip sa akin iabot ang kanyang dala, sa iyo niya ibinigay iyon. Alanganing tinanggap mo iyon na ang laman ay dalawang blusang pareho ang sukat at halatang para lamang sa iyo.

"Hindi po ako ang dapat na binilhan mo ng damit ngayon, Ma."

"Mas kailangan mo iyan." Ang matipid na paliwanag ni Mama sa atin.

"Marami na po akong gamit na halos bago pa," sabi mo.

"Eh, 'di ibigay mo ang mga napaglakihan mong damit sa kapatid mo! Aba! Sa hirap ng buhay ngayon, matuto tayong magtipid."

Mapagpaumanhin ang tinging ipinukol mo sa akin. Sumenyas ako, itinaas ko ang hinlalaki ko. Ibig sabihin ay salamat. Itinikom ko na lang ang aking bibig dahil baka makapagsalita ako ng hindi maganda. Ayaw kong saktan ka. Ang bait mo kasi sa akin. Pero sana...sana hindi mo na lang ipinaalala kay Mama iyon. Lalo ko tuloy naramdaman ang kaibahan ng pagtrato sa atin, mas mahal ka nila.

Tahimik akong pumasok sa ating silid. Kaagad kang sumunod sa akin ngunit hindi kita pinansin at nagkunyari akong abala sa pagbabasa. Narinig ko ang pagbukas ng kabinet at ang pagsara nito. Tangan ang ilang piraso ng damit sa dalawang kamay, atubiling lumapit ka sa akin at iniabot mo ang mga iyon. Kasama roon ang paborito kong bestida na tuwing wala ka ay palihim kong sinusukat. Gustong-gusto ko iyon dahil nagmumukha akong prinsesa. Naranasan ko na maging maganda kahit ilang sandali lang. Buong galak kong tinanggap iyon at saglit kong nakalimutan ang hinanakit ko. Napagtanto ko na tama si Mama, mas praktikal na saluhin ko ang mga pinaglumaan mo.

Christmas Sorrow Where stories live. Discover now