Unang Kamalasan

63 1 0
                                    

Ramdam ko ang lamig ng ihip ng aircon habang unti unti kong idinilat ang mga mata ko. Lalo kong hinigpitan ang paghawak sa maliit at kulay asul na kumot na sa tingin ko ay para lamang sa mga "slimmer" na pasahero. Napatingin ako sa bintana ng eroplanong sinasakyan ko, tanaw mula sa itaas ang mga ilaw sa kalye ng kung ano mang bansa ang nasa may baba namin. Hindi ko lang makita ng klaro dahil hinubad ko kanina ang salamin ko bago ako naka-idlip. Tumingin ako sa kaliwa ko kung saan nakaupo ang katrabaho kong si Ming, pero wala pa rin siya hanggang ngayon. Akala ko kanina ay bumanyo lang siya ah? Bakit kaya inabot na ito ng ilang oras sa banyo, kung nasa banyo man siya?

Naramdaman ko na naman ang pangamba dahil naalala kong nakasakay kami sa eroplanong ito hindi para magbakasyon, kung hindi para mag-tour lead. Sa totoo lang, eto ang pinaka-iiwasan ko dahil unang una sa lahat, tinuturing ko ang sarili ko na isang introvert. Hirap ako makisalamuha lalo na sa isang grupo ng tao. Mahabang istorya kung paano ako napunta sa tourism industry, pero anim na taon na rin ako sa industriyang ito. Ito na ang bumuhay sa akin. Sa unang kumpanyang pinasukan ko ay nasa reservation department lang ako, pero sa pangalawang kumpanyang pinapasukan ko ay overall kami - magmula sa pag-set ng presyo, pag-book ng mga flight ticket, hotel, transportasyon at tours, hanggang sa pagto-tour lead ng isang trip. Hindi biro ang maging isang tour leader dahil ikaw ang aalalay sa mga cliente mo, kung may mga tanong man sila ay kailangan mong sagutin, kung meron man silang problema ay kailangan mong bigyan ng solusyon. Sa totoo lang ay nasa "training" pa lang ako, kaya naman kasama ko ang assistant manager ng kumpanya. At ang destinayon namin? IRAN, isa sa mga bansang pinangarap kong puntahan dahil sa mayamang kasaysayan nito, pati na rin sa kasalukuyang estado nito. Maraming takot na pumunta sa bansang ito dahil sa mga propaganda sa telebisyon o sa mga pelikula. Kumbaga, hindi maganda ang tingin sa bansa nila, ang paniniwala ng nakakarami ay delikado ang magpunta dito. Pero dito mo makikita ang sikat na Persepolis kung saan naroroon ang iba't ibang estatwa o "ruins" na nanggaling pa noong 515 B.C. Nabalitaan ko rin ang mga nagagandahang carpets na presyong ginto, ang disyerto, ang magagandang siyudad, palasyo at mga hardin. Excited na talaga ako.

Pero kaya ko ba ang hamon na 'to? Well, nandito na rin naman ako eh, nakasakay na ako sa eroplanong papunta ng Doha, Qatar kung saan kami sasakay ng eroplanong papunta sa Shiraz, ang unang lugar na pupuntahan namin sa Iran.

Balik tayo sa may bintana. Gusto kong makita ng malinaw ang mga ilaw sa baba. Kinapa ko ang kinaroroonan ng salamin ko, yung maliit na compartment na nasa likuran ng upuang nasa harap mo. Kinapa ko ang compartment mula kaliwa hanggang sa kanan, pero wala akong nakapa. Kinapa ko pa siyang muli at sa pagkakataong ito ay ginamit ko na rin ang mga mata ko. Binuksan ko ang ilaw sa may itaas, lumiwanag naman ang kinaroroonan ng upuan ko. Nakakapagtakang wala sa compartment ang salamin ko, dito ko lang iyon sinabit kanina. Tiningnan ko ang katabing upuan, wala rin dito.

Holy sh*t.

Baka nahulog lang sa baba. Kalma, Cindy.

Tinanggal ko ang kumot at nilagay sa kabilang upuan. Tinanggal ko ang seatbelt at saka hinanap ang salamin ko sa ilalim ng upuan. Pero, wala. Wala ang salamin ko sa ilalim ng upuan. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang "flashlight" nito, binusisi kong mabuti ang ilalim ng upuan ko, ng upuan ni Ming, ng upuan sa harap ko, ng upuan sa harap ni Ming, pero wala. Isang malaking WALA. What the f!

Gusto ko ng magwala nang mga oras na 'yon. Hindi ako puwedeng mag-survive ng walang salamin. Malabo masyado ang mga mata ko para mag-survive sa sampung araw na trip na ito. Hindi ko kakayanin. Ako pa naman ang assistant tour leader. Mangiyak-ngiyak na ako.

Cathay Pacific ang sinasakyan naming eroplano, ang seat configuration ay 2 - 4 - 2, ibig sabihin may pasilyo sa pagitan ng 2 at 4; at 4 at 2. Basta 'yon na 'yon. Nakaupo kami sa may pinakakanang 2. Kung wala sa ilalim ng mga upuan namin ang salamin ko, ay nasaan ito? Dumako ang paningin ko sa upuang sumunod sa upuan ni Ming. Tulog na ang mga taong nakaupo dito, halatang napagod sa kakanood ng libreng palabas sa monitor na nasa harap ng upuan nila. Yung isang lalakeng may bigote at may suot na salamin ay naghihilik na. Dahan dahan akong dumapa at tiningnan ang ilalim ng upuan niya...

At ayun! Nakita ko na ang nawawala kong salamin. Ginusto ko itong yakapin pero pagkahawak ko sa kanang temple (iyong sinusuksok sa tainga para maisuot ang salamin), biglang nahulog ang kaliwang temple. OMG! Kinuha ko ang nahulog na parte at agad na umupo sa upuan ko.

Sinubukan kong idikit ang hinge sa may screw. Pero hindi siya epektibo dahil nabasag na rin ang pinaglalagyan ng screw. Sampung minuto kong pinipilit, pero hindi ko siya maisasalba... kung walang scotch tape. Pinindot ko ang button para tumawag ng staff - hindi ba ganoon naman sa mga maayos na airline? Mababait ang mga flight attendant? Ang Cathay Pacific ang isa sa mga pinakamagaling na airline sa buong mundo, miyembro ito ng One World Alliance - kasama ang mga sikat na airline sa buong mundo. Walang sampung segundo ay may lumapit na lalakeng flight attendant sa kinauupuan ko.

Nahihiya man ako ay kinapalan ko na ang mukha ko. "Is there anything I can help you, Ma'am?"

Ngumiti ako, "My glasses are broken, and I need a scotch tape to fix it." Pinakita ko sa kanya ang salamin ko. Sinubukan niyang ayusin ito pero na-realize niya rin siguro na imposible na itong ayusin kung walang scotch tape.

"Ma'am, I do not have any tape here at the moment, but I have stickers. Maybe we can use that."

"Sure, that's fine." May choice pa ba ako?

"Okay, I will be right back."

See? That's why hindi ako puwedeng maging tour leader, dahil sarili kong problema ay hindi ko masolusyunan! Napakagat labi ako... sinusubukang pakalmahin ang sarili. Lumaki akong "pampered", nandiyan si yaya palagi para magluto, maghugas ng plato at maglinis ng bahay. Naaalala ko pa noong nasa high school ako, kinailangan umuwi ng probinsya ng kasambahay namin, kaya naman ay ako ang naatasang magsaing sa umaga para sa almusal namin bago ako pumasok sa eskuwelahan. 14 años na ako nu'n at marunong naman ako magsaing, pero siguro dahil sa antok, nakalimutan kong lagyan ng tubig ang kaldero. Nag-amoy sunog na bigas muna bago ko naalalang nakalimutan ko pa lang lagyan ng tubig ang sinaing ko. Nalaman ito ni Mama at kinahapunan nang umuwi ako galing eskuwela ay nakita kong may bago na kaming kasambahay. Oo ganoon ako ka-pampered. Iba ang pampered sa spoiled, hindi ako spoiled na bata.

Bumalik si kuya staff dala dala ang salamin ko na may nakabalot na sticker. Hindi pantay ang pagkabit ng temple pero dahil ito sa sirang lagayan ng screw. "I'm sorry, but that's the best that I can do-"

"No, no. It's good enough. It's totally fine. Thank you so much for your help!"

Ngumiti pa siya ng isang beses (yung sincere ha!), bago umalis.

Tiningnan kong muli ang salamin ko. Mukhang okay na, sapat na muna ang sticker ng Cathay Pacific sa ngayon. May scotch tape kaming dala pero nasa maleta ito, baka mamaya pagdating namin sa Shiraz puwede ko na itong lagyan ng mas madikit na scotch tape.

Maya maya lang ay nakita ko nang naglalakad pabalik si Ming. Nakuwento ko sa kanya ang nangyari sa salamin. Tinanong ko siya kung saan siya galing pero hindi ko na maalala ang sinagot niya. Nang mga oras na ito, alam kong hindi na ako puwedeng umatras sa pagiging tour leader. Kailangan magawa ko ang nakaatas na trabaho sa akin. Ipinagkatiwala ako sa trabahong ito kaya kailangan ay gawin ko lahat ng aking makakaya. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may flight attendant na tutulong sa akin, hindi sa lahat ng pagkakataon ay may kasamabahay na puwedeng tawagin, kailangan ko ring tumayo sa sarili kong paa. Ito ang unang kamalasan ng paglalakbay ko patungong Iran, panigurado, meron pang pangalawa, pangatlo, at marami pa. Hindi puwedeng sa unang kamalasan ay sumuko na ako.

Sinuot ko ang salamin at hindi na ito tinanggal pa, sinubukan kong tumingin sa may bintana muli, pero hindi ko na matanaw ang mga ilaw sa ibaba.




Unang HalikМесто, где живут истории. Откройте их для себя