My Favorite Sin - 03

40.3K 545 44
                                    

VINCE


Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkahabag para sa lola ko nang maabutan ko siyang nakaupo sa stool na malapit sa sirang jeep na nagsisilbing tulugan namin. May hawak siyang gunting at balat ng tsitsirya na ginugupit niya nang maliliit at gagawin niya raw unan.


Nagmano ako kay lola at pagkatapos ay inabot sa kanya ang plastic na naglalaman ng mga mangga. "Pasalubong ko sa 'yo, 'la," nakangiting sabi ko sa kanya.


"Naku, maraming salamat apo," natutuwang sagot ni lola. Tumayo siya at dahan-dahang umakyat ng jeep bitbit ang mga manggang dala ko. Tahimik na pinagmamasdan ko siya habang maingat niyang nilalagay sa basyong lata ng Bear Brand ang mga mangga.


Mayamaya lang ay tinawag ako ni lola. Mabilis namang lumapit ako sa kanya. "Ano 'yon, 'la?"


May inaabot siyang fifty pesos sa 'kin. "Bumili ka ng Siopao bukas. Kahit 'yon na lang ang handa ko," aniyang pinilit ngumiti.


Parang may pumiga sa puso ko pagkarinig sa sinabi niya. Eightieth birthday nga pala ni lola bukas. At wala man lang siyang handa. Naramdaman kong nagsisimulang mag-init ang paligid ng mga mata ko pero agad ko ring sinupil ang nag-aambang pamumuo ng mga luha ko. Ibinalik ko kay lola ang pera na binigay niya at saka ngumiti sa kanya.


"Ako na po ang bahala bukas, 'la. May pera pa naman po ako," pagsisinungaling ko. Pero ang totoo'y said na ang naipon ko dahil kelan lang ay nagkasakit si lola at maraming gamot ang kinailangan kong bilhin. Pero ayos lang, didiskarte na lang ako mamaya.


Mabait ang Diyos. Alam ko, makakahanap ako ng paraan para makapaghanda bukas sa birthday ni lola.


Pilit pa ring binabalik ni lola ang pera sa 'kin. "Sige na, ipandagdag mo na 'yan sa pera mo. Alam kong marami kang nagastos nitong mga nakaraang araw."


"'La, ayos lang. Sige na po, itabi mo na lang 'yan para kung sakaling may dadaang nagba-banana cue, may pambili ka."


Hindi na nakipagtalo si lola at kinuha na rin pabalik ang pera. Nagpaalam naman ulit ako sa kanya na may aasikasuhin ako.


Bumaba ako ng jeep at naglakad papunta sa bahay na hindi naman kalayuan sa lumang jeep kung saan nga kami natutulog ni lola. Ang bahay na 'yon ang totoong bahay namin. Pero mula nang mamatay si tatay two years ago at mag asawang muli ang nanay ko, sa jeep na kami natutulog ni lola dahil may kasamaan ang ugali ng bagong kinakasama ni nanay.


Masyado na raw masikip ang bahay kung doon pa kami titira ni lola. Dalawa lang kasi ang kwarto sa bahay namin. 'Yong isa, gamit nina nanay at bagong kinakasama niya habang 'yong isa naman—na originally ay kwarto—pinagamit sa anak ni Lucio.


Ayaw naman ni Lucio na sa sala kami matulog ni lola dahil magulo raw tignan. Kaya sa huli, sa lumang jeep na dating pinapasada ni tatay na lang kami nag-stay ni lola. Gustuhin ko mang umalma noon, masyado pa akong bata at wala rin naman akong karapatan dahil anak lang ako.


"Oh, bakit ka nandito?" agad na tanong sa 'kin ni nanay nang makita niya 'kong pumasok ng sala. "'Pag dumating si Lucio at makitang nandito ka, lagot ka na naman," inis na dugtong ni nanay habang nagsasalin ng alak sa basong hawak niya. Simula nang mamatay si tatay, halos araw-araw na siyang umiinom ng alak. Mas lumala pa nga ngayong nag-asawa ulit siya. Paano'y malakas ring lumaklak ng alak si Lucio.

My Favorite Sin [RATED SPG/M2M]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon